Simbahan Ginamit ang mga Alituntuning Pangkapakanan sa Pagbangon ng Pilipinas
Nang sumunod na mga buwan pagkaraang tumama ang Bagyong Haiyan [Yolanda] sa Pilipinas noong Nobyembre 2013, na winasak ang halos 1.2 milyong mga tahanan at pumatay sa mahigit 6,200 katao, ang Simbahan ay patuloy na naglalaan ng tulong, na mas nakatuon sa pangmatagalang tulong kaysa pagtugon sa kalamidad. Ang isang matagumpay na pagsisikap ay kinabibilangan ng mga boluntaryo na natutong magtayo ng mga bahay para sa mga taong wala pa ring makanlungan.
Ang mga sumusunod na miyembro ng komunidad na napinsala ng bagyo ay kabilang sa maraming taong nagpasalamat sa tulong na natanggap nila mula sa Simbahan, kahit hindi sila mga Banal sa mga Huling Araw:
-
Natuklasan kalaunan ng isang babaeng kumanlong sa Mormon chapel noong bagyo na nawasak ang kanyang tahanan nang mabagsakan ito ng mga puno ng niyog. Siya at ang kanyang pamilya ay walang pera para ipagawa ito, ngunit tinulungan siya ng mga boluntaryo na magtayo ng bagong bahay, at tumutulong siya ngayon sa isa pang pamilya na makapagtayo ng bahay. “Natutuhan kong makipagtulungan sa mga taong nangangailangan din, upang muli silang makabangon mula sa [pinsala ng bagyo] nang magkakasama,” sabi niya.
-
Isang taong nawalan ng trabaho nang mawasak ang pinagtatrabahuhan niya ang nag-aaral ngayong magtayo ng mga bahay para sa kanyang pamilya at sa iba. “Alam namin na kailangan naming tulungan ang isa’t isa para matapos agad ang gawain,” sabi niya, at nagpapasalamat siya sa tulong ng Simbahan.
Sinabi ni Presiding Bishop Gary E. Stevenson na, kasama sa pangangalaga sa mga maralita at nangangailangan, “nakikita rin natin ang alituntunin ng pag-asa sa sariling kakayahan na isinasagawa ngayon, at kahanga-hanga ito.” Sabi niya, “Ang isa sa mga bagay na sinisikap naming gawin ay magbigay ng mga materyales at ang mga [tumatanggap] naman ang gumagawa. Sinumang tumatanggap ng tirahan ay siya mismong gumagawa sa tirahang iyon para sa kanilang sarili.”
Kinakausap ng mga lokal na lider ng Simbahan at humanitarian representatives ang mga lider ng komunidad sa lugar para magbigay ng vocational training at sertipiko sa mga taong natutong magkarpintero. Nagamit ang Perpetual Education Fund resources para maisama ang 20 dalubhasang karpintero na tutulong sa pagbibigay ng training, at 2,000 sa 3,000 proyektong bahay ang natapos na.
Ipinakita ng mga lokal na trainee ang kanilang natutuhan sa pagtatayo ng 10 tirahan upang makatanggap ng sertipiko mula sa gobyerno at isang toolbox mula sa Simbahan, para makahanap sila ng magandang trabaho. Napakaraming trabahador ang kailangan kaya nga ang Catholic Relief Services ay sumang-ayon na upahan ang daan-daang karpintero na sinasanay ng Simbahang LDS.
Sinabi ni Bishop Stevenson na 500 miyembro ng Simbahan ang dumalo sa miting kung saan inilarawan ng mga ecclesiastical leader ang job training at sertipiko, “at nang ilarawan ito sa kanila, sila ay nagpalakpakan at napaiyak, batid na may paraan na … para matustusan ang pangangailangan ng kanilang mga pamilya.”
Ang Simbahan ay nakipagtulungan din sa ilang iba pang organisasyon gayundin sa gobyerno ng Pilipinas sa pamimigay ng mga pagkain, tubig, medical supply, hygiene kit, generator, shelter kit, cooking kit, gamit sa pangingisda, at mga binhing itatanim.
Nalaman ng Simbahan na ang pinakamabisang paraan para matugunan ang kalamidad ay makipagtulungan sa mga tao sa lugar, bumili ng kailangang mga suplay sa apektadong bansa, na pinakamalapit sa pinangyarihan ng kalamidad hangga’t maaari. Hindi lamang nito tinitiyak na angkop ang mga suplay para sa area, kundi tinutulungan din nito na makabangon ang ekonomiya ng lugar.
Ang mga miyembro sa buong mundo ay hinihikayat na ipagdasal ang mga tao sa nasalantang lugar at pag-isipang dagdagan ang kanilang mga donasyon sa handog-ayuno o magbigay sa humanitarian fund ng Simbahan.