2014
Teknolohiya at Social Media Inihatid ang Pangkalahatang Kumperensya sa Buong Mundo
Mayo 2014


Teknolohiya at Social Media Inihatid ang Pangkalahatang Kumperensya sa Buong Mundo

Bukod sa mahigit 100,000 nakibahagi sa limang sesyon ng Ika-184 na Taunang Pangkalahatang Kumperensya sa Conference Center sa Salt Lake City, Utah, USA, milyun-milyon pa ang nanood o nakinig sa mga sesyon sa 95 wika sa pamamagitan ng telebisyon, radyo, satellite, at mga Internet broadcast.

Habang 21,000 katao ang kasya sa Conference Center sa Salt Lake City, nakarating ang pangkalahatang kumperensya sa iba’t ibang panig ng mundo nang milyun-milyong miyembro ng Simbahan at iba pa ang nanood at nakinig dito. Mahigit 50 taon nang ini-interpret ng Simbahan ang mga kaganapan sa maraming wika. Ngayon, nagawa ng teknolohiya na mapanood ito nang live sa mahigit 200 bansa sa buong mundo.

Bukod pa sa brodkast sa mga lokal na chapel, ipinalabas ng Simbahan ang kumperensya nang live sa LDS.org, BYUtv, BYUtv International, ang Mormon Channel, Roku, Facebook, at YouTube. Dumami nang mga 30 porsiyento ang mga nanonood ng pangkalahatang kumperensya online noong Oktubre 2013 kumpara sa nakaraang kumperensya.

Marami rin ang nakikibahagi sa pangkalahatang kumperensya sa pamamagitan ng social media. Maraming tweet gamit ang #ldsconf hashtag ang naka-post sa Twitter sa bawat isa sa limang sesyon ng kumperensya, na dahilan upang maging isa ang pangkalahatang kumperensya sa nangungunang mga paksang pinag-uusapan sa Twitter sa panahong iyon. Halimbawa, noong Oktubre 2013, 155,000 tweets na may kinalaman sa pangkalahatang kumperensya ang nai-post. (Bawat tweet ay komentaryo ng isang tao na may hindi lalagpas sa 140 character.)

Sa pamamagitan ng mga opisyal na social media channel nito, ang Simbahan ay nag-post ng mga mensahe nang live mula sa kumperensya sa iba’t ibang wika, at hinihikayat nito ang iba na ibahagi ang mga mensaheng iyon. Sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2013, maraming nadagdag na manonood o tagapakinig sa mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya matapos makita ang isang post sa social media. Ang mga post ay naibahagi sa Ingles, Espanyol, at Portuges.