2014
Kapatiran ng Kababaihan: Ah, Kailangang-Kailangan Natin ang Isa’t Isa
Mayo 2014


Kapatiran ng Kababaihan: Ah, Kailangang-Kailangan Natin ang Isa’t Isa

Kailangan nating tumigil sa pagtutuon sa ating mga pagkakaiba at hanapin ang ating mga pagkakatulad.

Bonnie L. Oscarson

Sa video na iyan nakita natin ang walong bansa at napakinggan ang siyam na iba’t ibang wika. Isipin ninyo kung gaano karaming wika ang idinagdag sa huling taludtod. Nakatutuwang malaman na bilang pandaigdigang kapatiran naisatinig natin ang ating patotoo sa walang-hanggang katotohanan na tayo ay mga anak na babae ng isang mapagmahal na Ama sa Langit.

Napakalaking pribilehiyo ang maparito sa makasaysayang okasyong ito at magsalita sa lahat ng kababaihan ng Simbahan na edad walo pataas. Matindi ang lakas ng pagkakaisa natin ngayong gabi. Habang nakikita kong nakatipon tayong lahat sa Conference Center at iniisip ang libu-libo pang iba na nanonood sa brodkast na ito sa iba’t ibang lugar sa mundo, ang pinagsamang lakas ng ating mga patotoo at pananampalataya kay Jesucristo ang tiyak na bumubuo sa isa sa mga pagtitipon ng kababaihang puno ng pananampalataya at lakas sa kasaysayan ng Simbahan, kung hindi man ng mundo.

Ngayong gabi nagagalak tayo sa iba’t ibang tungkulin natin bilang kababaihan sa Simbahan. Bagama’t sa maraming paraan ay magkakaiba tayo, kinikilala rin natin na tayong lahat ay anak ng iisang Ama sa Langit, kaya tayo’y magkakapatid. Nagkakaisa tayo sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos at sa mga tipang ginawa natin, anuman ang ating kalagayan. Ang pinagsamang pagtitipong ito, ay walang alinlangan na pinakadakilang kapatiran ng kababaihan sa balat ng lupa!1

Ang pagiging magkakapatid ay nagpapahiwatig na may nagbibigkis sa atin na hindi makakalag. Ang magkakapatid ay pinangangalaan ang isa’t isa, iniingatan ang isa’t isa, inaaliw ang isa’t isa, at naroon para sa isa’t isa anuman ang mangyari. Sinabi ng Panginoon, “Sinasabi ko sa inyo, maging isa, at kung hindi kayo isa kayo ay hindi sa akin.”2

Gusto ng kaaway na pintasan o husgahan natin ang isa’t isa. Gusto niyang magtuon tayo sa ating mga pagkakaiba at ikumpara ang ating sarili sa isa’t isa. Maaaring gusto ninyo ng matinding ehersisyo isang oras bawat araw dahil gumaganda ang pakiramdam ninyo, samantalang matinding ehersisyo na para sa akin ang pumanik ng hagdan sa halip na sumakay sa elevator. Puwede pa rin tayong maging magkakaibigan, ‘di ba?

Maaaring pinahihirapan nating mga babae ang ating sarili. Kapag ikinumpara natin ang ating sarili sa isa’t isa, lagi tayong makakaramdam ng kakulangan o hinanakit sa iba. Sinabi minsan ni Sister Patricia T. Holland, “Ang totoo, hindi natin matatawag ang ating sarili na Kristiyano kung patuloy nating huhusgahan ang isa’t isa—o ang ating sarili—nang napakalupit.”3 Sinabi pa niya na walang dahilan para mawala ang ating habag at kapatiran. Kailangan lang nating mapanatag at magalak sa mabubuting pagkakaiba natin. Kailangan nating matanto na hangad nating lahat na maglingkod sa kaharian, gamit ang ating kakaibang mga talento at kaloob sa sarili nating mga paraan. Sa gayon ay magagalak tayo sa ating kapatiran at sa ating pagsasamahan at magsisimula tayong maglingkod.

Ang totoo, talagang kailangan natin ang isa’t isa. Likas sa babae ang maghanap ng kaibigan, suporta, at kasama. Marami tayong matututuhan sa isa’t isa, at madalas ay tayo mismo ang pumipigil sa ating sarili na makisama sa iba na maaaring isa sana sa mga pinakamalaking pagpapala natin sa buhay. Halimbawa, kailangan naming mga nakatatanda ang maibabahagi ninyong mga bata sa Primary. Marami kaming matututuhan sa inyo tungkol sa paglilingkod at pagmamahal na tulad ni Cristo.

Napakinggan ko kamakailan ang magandang kuwento tungkol sa batang si Sarah, na ang ina ay nakatulong sa isa pang babae sa kanilang ward na si Brenda, na may multiple sclerosis. Gustung-gustong sumama ni Sarah sa kanyang ina sa pagtulong kay Brenda. Pinapahiran niya ng lotion ang mga kamay ni Brenda at minamasahe ang mga daliri at braso nito dahil madalas ay nasasaktan ito. Sa gayon ay natuto si Sarah na dahan-dahang itaas ang mga braso ni Brenda para iehersisyo ang mga kalamnan nito. Sinusuklayan ni Sarah ang buhok ni Brenda at kinakausap ito habang inaasikaso ng kanyang ina ang iba pang mga pangangailangan nito. Natutuhan ni Sarah na mahalaga at masayang maglingkod sa iba at naunawaan niya na kahit ang isang bata ay makakagawa ng kaibhan sa buhay ng iba.

Gustung-gusto ko ang halimbawa sa unang kabanata ng Lucas na naglalarawan ng magandang samahan ni Maria, ang ina ni Jesus, at ng kanyang pinsang si Elisabet. Dalagita pa lang si Maria nang ipaalam sa kanya ang natatangi niyang misyon na maging ina ng Anak ng Diyos. Noong una tila napakabigat na responsibilidad siguro niyon para pasanin niyang mag-isa. Ang Panginoon Mismo ang naglaan ng isang tao kay Maria na makakatulong sa kanya. Sa pamamagitan ni anghel Gabriel, ipinaalam kay Maria ang pangalan ng mapagkakatiwalaan at madamaying babae na mahihingan niya ng tulong—ang pinsan niyang si Elisabet.

Ang dalaga at pinsan niyang ito, na “may pataw ng maraming taon,”4 ay mahimala ring nagdalantao, at naiisip ko kung gaano kahalaga sa kanilang dalawa ang tatlong buwang pinagsamahan nila dahil nakapag-usap sila, nagdamayan, at nagtulungan sa kakaiba nilang mga tungkulin. Kahanga-hanga silang huwaran ng pagkalinga ng mga babae sa magkakaibang henerasyon.

Tayong medyo mas husto ang kaisipan ay makakaimpluwensya nang malaki sa nakababatang henerasyon. Noong bata pa ang nanay ko, parehong di-aktibo sa Simbahan ang mga magulang niya. Kahit sa murang edad na limang taon, mag-isa siyang naglakad papunta sa simbahan at dumalo sa kanyang mga miting—Primary, Sunday School, at sacrament meeting—na iba-iba ang oras.

Kamakailan ay tinanong ko ang nanay ko kung bakit niya ginawa iyon linggu-linggo gayong hindi siya sinuportahan o hinikayat ng pamilya. Ang sagot niya ay: “Minahal ako ng mga guro ko sa Primary.” Minahal siya ng mga gurong ito at itinuro sa kanya ang ebanghelyo. Itinuro nila sa kanya na mayroon siyang Ama sa Langit, na nagmamahal sa kanya, at ang pagmamalasakit nila sa kanya ang dahilan kaya siya nagpabalik-balik linggu-linggo. Sabi sa akin ng nanay ko, “Iyan ang isa sa pinakamahahalagang impluwensya sa buhay ko noong bata pa ako.” Sana mapasalamatan ko ang mababait na kapatid na ito balang-araw! Hindi hadlang ang edad sa paglilingkod nang tulad ni Cristo.

Ilang linggo na ang nakararaan, nakilala ko ang isang stake Young Women president sa California na nagsabi sa akin na ang kanyang 81-taong-gulang na ina ay tinawag kamakailan na maging Mia Maid adviser. Naintriga ako kaya tinawagan ko ang kanyang ina. Nang kausapin ng bishop si Sister Val Baker, inaasam niyang matawag bilang librarian o ward historian. Nang hilingin sa kanya ng bishop na maglingkod bilang Mia Maid adviser sa Young Women, ang reaksyon niya ay, “Sigurado ba kayo?”

Taos na sumagot ang kanyang bishop, “Sister Baker, huwag kang magkakamali; ang tawag na ito ay mula sa Panginoon.”

Wala raw siyang ibang naisagot kundi, “Oo naman.”

Natutuwa ako sa inspirasyong nadama ng bishop na ito na maraming matututuhan ang apat na Mia Maid sa kanyang ward mula sa karunungan, karanasan, at habambuhay na halimbawa ng may edad na kapatid na ito. At hulaan ninyo kung kanino pupunta si Sister Baker kapag kailangan niya ng tulong sa paglikha ng Facebook page?

Naiisip ko ang malaking tulong na maibibigay ng mga kapatid sa Relief Society sa pagtanggap sa mga kabataang babae na kagagaling lang sa Young Women. Madalas madama ng ating mga kabataang babae na parang hindi sila kabilang o wala silang pagkakatulad sa mga miyembro ng Relief Society. Bago sila tumuntong sa edad na18 taon, kailangan nilang marinig ang mga lider ng Young Women at mga ina na masayang magpapatotoo sa malalaking pagpapala ng Relief Society. Kailangan nilang kasabikan ang mapabilang sa gayon kadakilang organisasyon. Kapag dumalo na ang mga kabataang babae sa Relief Society, ang kailangang-kailangan nila ay isang kaibigang makakatabi sa upuan, isang maghihikayat sa kanila, at isang pagkakataong magturo at maglingkod. Pagsikapan nating lahat na magtulungan sa mga pagbabago at mahalagang pangyayari sa ating buhay.

Salamat sa lahat ng kababaihan ng Simbahan na nagtutulungan iba man ang kanilang henerasyon at kultura na pagpalain at paglingkuran ang iba. Pinaglilingkuran ng mga kabataang babae ang mga batang Primary at matatanda. Ang mga dalagang iba’t iba ang edad ay naglalaan ng maraming oras sa pagtuon sa mga pangangailangan ng mga tao sa paligid nila. Pinasasalamatan namin ang libu-libong dalaga na nag-uukol ng 18 buwan ng kanilang buhay para ibahagi ang ebanghelyo sa mundo. Lahat ng ito ay nagpapatunay sa isinasaad sa ating himno, “Sa kababaihan ‘pinagkakatiwala, [dakilang gawain ng mga anghel].”5

Kung mayroong mga hadlang, tayo mismo ang lumikha niyon. Kailangan nating tumigil sa pagtutuon sa ating mga pagkakaiba at hanapin ang ating mga pagkakatulad; sa gayon ay maaabot natin ang ating pinakadakilang potensyal at makakamtan natin ang pinakamabuti sa buhay na ito. Minsan ay sinabi ni Sister Marjorie P. Hinckley, “Ah, kailangang-kailangan natin ang isa’t isa. Kaming matatanda ay kailangan kayong mga bata. At, sana, kayong mga bata ay kailangan kaming matatanda. Sa pakikihalubilo sa lipunan totoong kailangan ng kababaihan ang isa’t isa. Kailangan natin ng malalim at nakasisiya at tapat na pagkakaibigan.”6 Tama si Sister Hinckley; ah, kailangang-kailangan natin ang isa’t isa!

Mga kapatid, wala nang ibang grupo ng kababaihan sa mundo na higit ang mga pagpapala kaysa sa ating kababaihang Banal sa mga Huling Araw. Tayo ay mga miyembro ng Simbahan ng Panginoon, at anuman ang kani-kanya nating mga kalagayan, tayong lahat ay magtatamasa ng lubos na mga pagpapala ng kapangyarihan ng priesthood sa pagtupad sa mga tipang ginawa natin sa binyag at sa templo. Tayo ay may buhay na mga propeta para mamuno at magturo sa atin, at nasa atin ang dakilang kaloob na Espiritu Santo, na nagbibigay ng kapanatagan at gabay sa ating buhay. Pinagpala tayong makipagtulungan sa matwid na kalalakihan habang pinalalakas natin ang ating mga tahanan at pamilya. Makakamit natin ang lakas at kapangyarihan ng mga ordenansa sa templo at marami pang iba.

Bukod pa sa pagtatamasa ng lahat ng kamangha-manghang pagpapalang ito, narito tayo para sa isa’t isa—magkakapatid sa ebanghelyo ni Jesucristo. Biniyayaan tayo ng likas na mapagmahal at mapagkawanggawang katangian kaya tulad ni Cristo ay minamahal at pinaglilingkuran natin ang mga nasa paligid natin. Kapag hindi natin pinansin ang pagkakaiba natin sa edad, kultura, at kalagayan upang kalingain at paglingkuran ang isa’t isa, mapupuspos tayo ng dalisay na pagmamahal ni Cristo at ng inspirasyong magpapaalam sa atin kung kailan at kanino tayo maglilingkod.

Ipinapaabot ko sa inyo ang paanyayang sinabi noon ng isang general Relief Society president na nagsabing, “Inaanyayahan ko kayo na huwag lamang higit na mahalin ang isa’t isa, kundi mahalin ang isa’t isa nang mas matindi pa.7 Nawa’y matanto natin kung gaano natin kailangan ang isa’t isa, at nawa’y mas mahalin natin ang isa’t isa, ang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Barbara B. Smith, “The Bonds of Sisterhood,” Ensign, Mar. 1983, 20–23.

  2. Doktrina at mga Tipan 38:27.

  3. Patricia T. Holland, “‘One Thing Needful’: Becoming Women of Greater Faith in Christ,” Ensign, Okt. 1987, 29.

  4. Lucas 1:7.

  5. “Bilang mga Magkakapatid sa Sion,” Mga Himno, blg. 197.

  6. Glimpses into the Life and Heart of Marjorie Pay Hinckley, ed. Virginia H. Pearce (1999), 254–55.

  7. Bonnie D. Parkin, “Piliing Ibigin ang Kapwa: Ang Magaling na Bahaging Iyon,” Liahona, Nob. 2003, 105.