2014
Bagong Pelikula Lilikha ng Pagkakataon na Makilala ang mga Mormon
Mayo 2014


Bagong Pelikula Lilikha ng Pagkakataon na Kilalanin ang mga Mormon

Pinapangarap ba ninyo kung minsan na sana’y may simpleng paraan para ipaalam sa iba na ang mga Banal sa mga Huling Araw ay mga karaniwang tao lamang na nagkakaroon ng layunin at direksyon sa pagtutuon nila ng kanilang buhay kay Jesucristo? Tutulungan kayo ng documentary movie na malapit nang ilabas ng Simbahan na magawa iyon.

Ang Meet the Mormons [Kilalanin ang mga Mormon] ay nagsisimula sa masayang pagtingin sa kung paano madalas magkamali ang iba sa pag-aakala tungkol sa mga miyembro ng Simbahan. Pagkatapos ay ipapakilala nito ang anim na pamilya, na bawat isa ay nagbabahagi ng mga personal na karanasan at naglalarawan kung paano natutulungan ng ebanghelyo ang buhay nila. Kabilang sa mga tampok ay:

Ang Bishop. Sina Jermaine Sullivan at kanyang asawang si Kembe, mula sa Atlanta, Georgia, USA, ay nagtutulungan upang magkaisa ang isang komunidad na iba-iba ang pinagmulan habang pinalalaki ang kanilang tatlong anak na lalaki.

Ang Coach. Si Ken Niumatalolo, ang head coach ng US Naval Academy football team sa Annapolis, Maryland, USA, at ang kanyang asawang si Barbara, sa tulong ng kanilang mga anak at ng coaching staff, ay pinananatiling banal ang araw ng Sabbath.

Ang Candy Bomber. Si Gail Halvorsen, 93-taong-gulang na beterano ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at ang kanyang asawang si Lorraine, 90, mula sa Amado, Arizona, USA, ay nagpapaalala sa mga anak tungkol sa kahalagahan ng paglilingkod. Piloto pa rin, naghuhulog si Brother Halvorsen ng kendi mula sa eroplano tulad ng ginawa niya noon sa Berlin Airlift pagkatapos ng digmaan.

Ang Fighter. Si Carolina Marin, isang kickboxer mula sa San José, Costa Rica, at ang kanyang trainer at asawang si Milton ay binabalanse ang kanilang mga tungkulin bilang asawa at magulang ng maliliit na anak sa kanilang hilig sa paligsahan.

Ang Humanitarian. Iginagalang nina Bishnu at Mangala Adhikari, ng Kathmandu, Nepal, ang mga paniniwala at pamana ng kanilang inang-bayan. Si Brother Adhikari ay isang inhinyero na gumawa ng mga kalye, paaralan, at daluyan ng malinis na tubig na nakatulong sa maraming maliliit na komunidad.

Ang Missionary Mom. Sina Craig at Dawn Armstrong at ang anak nilang si Anthony, mula sa Salt Lake City, Utah, USA, ay nagkuwento kung paano nakilala ni Sister Armstrong ang mga missionary noong siya ay walang tirahan at isang single mother. Ang ebanghelyong ibinahagi nila ay nakatulong sa kanya na baguhin ang kanyang buhay. Kalaunan ay ikinasal siya kay Craig, at nagtapos ang kuwento nang mag-full-time mission si Anthony sa South Africa upang ibahagi ang ebanghelyo na lubos na nagpala sa kanyang ina.

Ang Meet the Mormons ay ipapalabas sa Joseph Smith Memorial Building sa Salt Lake City, Utah, USA, at sa iba pang mga lugar na pagpapasiyahan pa.