2014
Mga Website Nagkukuwento Tungkol sa Paglilingkod, Pananampalataya
Mayo 2014


Mga Website Nagkukuwento Tungkol sa Paglilingkod, Pananampalataya

Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay naglilingkod at nagbabahagi ng kanilang pananampalataya sa iba’t ibang panig ng mundo. Ang mga ulat tungkol sa gayong mga aktibidad ay makikita sa mga newsroom website ng bansa, na regular na ibinubuod sa newsroom.lds.org, ang opisyal na pinagkukunan ng Simbahan para sa news media, mga komentarista, at publiko.

Sa Pacific area, ang mga Banal sa mga Huling Araw ay nagbigay ng tubig, pagkain, mga chain saw, water filter, generator, at iba pang mga emergency supply para tulungan ang mga Tongan matapos silang mapinsala ng Tropical Cyclone Ian. Sa Samoa, sumali ang mga kabataang LDS sa dalawang-araw na kaganapang dinaluhan ng iba’t ibang relihiyon na may espirituwal na panghihikayat, musika, sayawan, at isports.

Sa Brazil, tumulong ang mga miyembro ng Simbahan na suot ang kamisetang Mormon Helping Hands sa paglilinis at pamamahagi ng mga suplay matapos sirain ng baha ang mga kapitbahayan at negosyo sa lugar, at marami ang nawalan ng tirahan. Sa ibang lugar, tumulong ang mga miyembro nang mamahagi ng 211 wheelchair ang Humanitarian Services ng Simbahan sa mga taong may espesyal na pangangailangan. Ang nagaganap na donasyon sa Brazil ay umaabot na ngayon sa halos 700 wheelchair.

Sa Africa, nakipagtulungan ang nasyonal at pandaigdigang mga organisasyon sa LDS Charities, ang organisasyong pangkawanggawa ng Simbahan, sa unang pambansang kampanya ng Ghana para maalis ang tigdas at rubella sa pamamagitan ng pagbabakuna sa mga bata mula sa sanggol hanggang edad 14. Sa Nigeria at Ghana, nakatulong ang Helping Hands day sa libu-libong tao sa 100 komunidad nang tumulong ang mga Banal sa mga Huling Araw na iba’t iba ang edad sa paggawa ng mga tulay, pagtatanim ng mga puno, pagbubunot ng damo, pagpipintura ng mga gusali, at paglilinis at pagpapaganda ng mga komunidad. Sa Zimbabwe, mahigit 60 kabataang LDS ang nagboluntaryong magbigay ng dugo. At sa South Africa, nahalal ang Banal sa mga Huling Araw na si Nozibele Makanda, may anim na anak, bilang mayor ng Queenstown, isang lungsod na may 200,000 mamamayan.

Sa Central America, mahigit 500 kabataang LDS sa Guatemala ang nakipagtulungan sa lokal na pamahalaan sa pagtatanim ng 1,944 na mga puno. Sa Costa Rica, mga LDS meetinghouse ang pinag-imbakan ng gatas, at 370 boluntaryo ng Simbahan ang tumulong na maihatid ito sa mga supermarket na nakibahagi sa pagtulong sa mga nangangailangan.

At sa Canada, nakipagtulungan ang mga Banal sa mga Huling Araw sa Christian-Jewish Dialogue ng Montreal (Quebec) sa paghahanda ng mga video interview bago ang mga pagdinig ng pamahalaan tungkol sa mga bagay na pinahahalagahan. Sinuportahan ng mga nainterbyu ang pangako ng komunidad na igalang, unawain, payagan, at bigyang-laya ang relihiyon, na binibigyang-diin na ang relihiyon ay nananatiling mahalaga sa buhay ng maraming mamamayan ng Quebec.

Para sa listahan ng mga international country newsroom website sa iba’t ibang wika, tingnan sa mormonnewsroom.org/newsroom-country-sites.