2014
Anong Uri ng mga Tao?
Mayo 2014


Anong Uri ng mga Tao?

Anong mga pagbabago ang inaasahan sa atin upang maging uri ng kalalakihang dapat tayong maging?

Elder Donald L. Hallstrom

Habang iniisip natin ang pandaigdigang pulong na ito, naipapaalala sa atin na walang maikukumpara sa pagtitipong ito—saanman. Ang layunin ng sesyon sa priesthood ng pangkalahatang kumperensya ay ituro sa mga mayhawak ng priesthood kung anong uri ng mga tao ba nararapat tayo (tingnan sa 3 Nephi 27:27) at upang hikayatin tayong abutin ang potensyal na iyan.

Noong panahong nasa Aaronic Priesthood pa ako sa Hawaii kalahating siglo na ang nakalilipas at noong ako ay missionary sa England, nagtitipon kami sa mga meetinghouse at [buong tiyagang] pinakikinggan ang sesyon sa priesthood gamit ang telepono. Kalaunan, dahil sa satellite nakakapagbrodkast na sa ilang piling lugar ng Simbahan gamit ang malaking dish receiver para mapakinggan at mapanood ang kaganapan. Manghang-mangha kami sa teknolohiyang iyan! Hindi inakala ng maraming tao noon na sa makabagong panahon ngayon, kapag may access ka sa Internet gamit ang smartphone, tablet, o computer mapapanood mo ang mga mensahe ng pulong na ito.

Gayunman, ang maraming paraan na mapapakinggan ang mga tinig ng mga tagapaglingkod ng Panginoon, na parang tinig na rin ng Panginoon (tingnan sa D at T 1:38), ay walang gaanong pakinabang kung hindi tayo handang tanggapin ang salita (tingnan sa D at T 11:21) at sundin ito. Sa madaling salita, ang layunin ng pangkalahatang kumperensyang ito at ng sesyong ito sa priesthood ay maisasakatuparan lang kung handa tayong kumilos—kung handa tayong magbago.

Maraming taon na ang nakararaan, naglingkod ako bilang bishop. Sa matagal na panahon paulit-ulit kaming nag-usap ng isang lalaki sa aming ward na malaki ang tanda sa akin. Hindi maganda ang relasyon ng kapatid na ito sa kanyang asawa at wala nang komunikasyon sa kanyang mga anak. Madalas siyang mawalan ng trabaho, walang malapit na kaibigan, at nahirapang makitungo sa mga miyembro kaya hindi na niya gustong maglingkod sa Simbahan. Sa isang masinsinan naming pag-uusap tungkol sa mga hamon niya sa buhay, lumapit siya sa akin—bilang pagtapos sa lahat ng aming di mabilang na pag-uusap—at sinabi, “Bishop, madali akong magalit, at ganito na talaga ako!”

Nagulat ako sa sinabi niya nang gabing iyon at ikinabalisa ito mula noon. Sa sandaling ipasiya ng taong ito—sa sandaling isipin ng sinuman sa atin na—“Ganito na ako talaga,” isinusuko na natin ang kakayahan nating magbago. Mabuti pa kung gayon na itaas na lang natin ang puting bandila, ibaba ang ating mga sandata, at isuko na ang laban—hindi na umasang manalo pa. Bagama’t iniisip ng ilan sa atin na hindi tayo ang pinapatungkulan niyon, siguro kung minsan kinakakitaan din tayo ng pag-uugaling, “Ganito na talaga ako.”

Nagtitipon tayo sa pulong ng priesthood dahil kung may kakulangan tayo ngayon ay hindi palaging gayon. Nagpupulong tayo rito sa pangalan ni Jesucristo. Nagpupulong tayo nang may tiwala na ang Kanyang Pagbabayad-sala ay nagbibigay sa bawat isa sa atin—anuman ang ating kahinaan o pagkalulong—ng kakayahang magbago. Nagpupulong tayo sa pag-asang ang ating kinabukasan, anuman ang ating nakaraan, ay mapapabuti.

Kapag nakikibahagi tayo sa pulong na ito nang may “tunay na layunin” na magbago (Moroni 10:4), maaantig ng Espiritu ang ating puso’t isipan. Tulad nang ipinahayag ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith, “At ito ay mangyayari, na yayamang sila ay … gumagawa nang may pananampalataya sa akin”—tandaan, ang pananampalataya ay alituntunin ng kapangyarihan at paggawa—“ibubuhos ko ang aking Espiritu sa kanila sa araw na sama-sama nilang titipunin ang kanilang sarili” (D at T 44:2). Ibig sabihin niyan ay ngayong gabi!

Kung sa palagay ninyo ay imposibleng madaig ang mga hamon sa buhay, hayaan ninyong ikuwento ko ang isang lalaking nakilala namin sa isang bayan sa Hyderabad, India, noong 2006. Ipinakita ng taong ito na handa siyang magbago. Si Appa Rao Nulu ay isinilang sa isang lungsod sa India. Noong siya ay tatlong taong gulang, nagkasakit siya ng polio at hirap nang lumakad. Ipinaramdam sa kanya ng lipunan na limitado na ang kanyang potensyal. Gayunman, nang siya’y magbinata, nakilala niya ang ating mga missionary. Ipinaalam nila sa kanya ang mas malaki niyang potensyal, sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan. Nabinyagan siya at kinumpirmang miyembro ng Simbahan. Dahil naragdagan ang kumpiyansa sa sarili, minithi niyang matanggap ang Melchizedek Priesthood at magmisyon. Noong 1986 siya ay inordenang elder at tinawag na maglingkod sa India. Nahirapan siyang lumakad—pinilit niyang maglakad gamit ang tungkod sa magkabilang kamay at maraming beses siyang natumba—subalit hinding-hindi siya sumuko. Matibay siyang nangako na marangal at matapat na maglilingkod sa misyon, at ginawa nga iyon.

Nang makita namin si Brother Nulu, halos 20 taon mula nang siya ay magmisyon, masaya niya kaming sinalubong sa daan at sinabayan kami sa paglakad sa di patag na lupa papunta sa maliit na bahay nila ng kanyang asawa at tatlong anak. Napakainit at hindi komportable sa pakiramdam ang araw na iyon. Hirap pa rin siyang lumakad, ngunit wala sa kanya ang awa sa sarili. Dahil sa pagpupunyagi, siya ay naging guro, at naging tagapagturo sa mga bata sa bayan. Nang pumasok kami sa kanyang simpleng tahanan, kaagad niya akong dinala sa isang sulok at kinuha ang isang kahon na naglalaman ng mahahalaga niyang pag-aari. Ipinakita niya sa akin ang isang pirasong papel. Nakasulat dito, “Hangad ko ang magagandang bagay at mga pagpapala para kay Elder Nulu, ang matapang at masayang missionary; [petsa] Hunyo 25, 1987; [lagda] Boyd K. Packer.” Sa pagkakataong iyon, nang bumisita ang noo’y si Elder Packer sa India at nagsalita sa isang grupo ng mga missionary, tiniyak niya kay Elder Nulu ang potensyal nito. Ang gustong ipahiwatig sa akin ni Brother Nulu nang araw na iyon ng 2006 ay nabago ng ebanghelyo ang buhay niya—nang panghabambuhay!

Sa pagbisita naming iyon sa tahanan ng mga Nulu, kasama namin ang mission president. Naroon siya para interbyuhin si Brother Nulu, kanyang asawa, at mga anak—upang matanggap ng mga magulang ang kanilang endowment at mabuklod ang mga anak sa kanilang mga magulang. Sinabi rin namin sa kanila na inaasikaso ang pagpunta ng kanilang pamilya sa Hong Kong China Temple para sa mga ordenansang ito. Naiyak sila sa galak dahil natupad na ang matagal na nilang pangarap.

Ano ang inaasahan sa isang mayhawak ng priesthood ng Diyos? Anong mga pagbabago ang inaasahan sa atin upang maging uri ng kalalakihang dapat tayong maging? May tatlong mungkahi ako:

  1. Kailangan tayong maging marapat sa priesthood! Tayo man ay mga kabataang mayhawak ng Aaronic Priesthood o mga kalalakihang mayhawak ng Melchizedek Priesthood, kailangan tayong maging marapat sa priesthood, may malakas na espirituwalidad dahil tayo ay nakipagtipan. Tulad ng sinabi ni Pablo, “Nang ako’y bata pa, ay nagsasalita akong gaya ng bata, nagdaramdam akong gaya ng bata, nagiisip akong gaya ng bata: ngayong maganap ang aking pagkatao, ay iniwan ko na ang mga bagay ng pagkabata” (1 Mga Taga Corinto 13:11). Dapat ay naiiba tayo dahil hawak natin ang priesthood—hindi nagyayabang o nagmamalaki o nagmamagaling kundi mapagkumbaba at may mababang-loob. Ang pagtanggap ng priesthood at ng iba’t ibang katungkulan nito ay dapat nating pahalagahan. Hindi ito dapat ituring na “karaniwang gawain” lang na sadyang nangyayari sa partikular na edad kundi isang sagradong gawain na pinag-uukulang mabuti. Dapat nating ikarangal at ipagpasalamat ito kaya dapat nakikita ito sa bawat ginagawa natin. Kung hindi man lang natin gaanong isinasaisip ang priesthood, kailangan nating magbago.

  2. Kailangan nating maglingkod! Ang pangunahing aspeto ng priesthood ay ang pagtupad sa ating tungkulin (tingnan sa D at T 84:33) sa paglilingkod sa iba. Ang hindi pagganap sa mahalagang tungkuling paglingkuran ang ating asawa at mga anak, hindi pagtanggap o hindi pagtupad sa mga tungkulin sa Simbahan, o kawalan ng malasakit sa iba dahil hindi maginhawa sa atin ay pag-uugaling hindi natin dapat taglayin. Ipinahayag ng Tagapagligtas, “Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pag-iisip mo” (Mateo 22:37) at idinagdag kalaunan, “Kung mahal ninyo ako kayo ay maglilingkod sa akin” (D at T 42:29). Ang pagkamasarili ay salungat sa ating responsibilidad sa priesthood, at kung ito ay pag-uugali natin, dapat tayong magbago.

  3. Kailangan nating maging marapat! Wala ako ng kakayahan ni Elder Jeffrey R. Holland noong magsalita siya sa sesyon ng priesthood ilang taon na ang nakararaan, na “[lapitan] kayo … , at [pag-alabin] nang kaunti ang damdamin ninyo” (“Tayong Lahat ay Kabilang,” Liahona, Nob. 2011, 45); ngunit mahal kong mga kapatid, kailangang alam natin na ang mga gawaing iniisip ng mundo na mabuti ay makakahadlang sa paggamit natin ng priesthood. Kung iniisip natin na ang kaunting pagtingin sa pornograpiya o paglabag sa batas ng kalinisang-puri o pagiging di matapat sa anupamang paraan ay walang masamang epekto sa atin at sa ating pamilya, nagkakamali tayo. Sinabi ni Moroni, “Tiyaking inyong ginagawa ang lahat ng bagay nang karapat-dapat” (Mormon 9:29). Mariing iniutos ng Panginoon, “At binibigyan ko kayo ngayon ng isang kautusan na mag-ingat hinggil sa inyong sarili, na makinig na mabuti sa mga salita ng buhay na walang hanggan” (D at T 84:43). Kung may mga kasalanan tayong hindi pa napagsisihan na hadlang sa ating pagkamarapat, dapat tayong magbago.

Ang tanging ganap na kasagutan sa itinanong ni Jesucristo na, “Kung gayon, maging anong uri ng mga tao ba nararapat kayo?” ay ang malinaw Niyang ipinahayag: “Maging katulad ko” (3 Nephi 27:27). Ang paanyayang “lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya” (Moroni 10:32) ay parehong humihingi at naghihintay ng pagbabago. Mabuti na lamang at hindi Niya tayo iniwang nag-iisa. “At kung ang mga tao ay lalapit sa akin ay ipakikita ko sa kanila ang kanilang kahinaan. … [S]a gayon ay gagawin ko ang mahihinang bagay na maging malalakas sa kanila” (Eter 12:27). Sa pag-asa sa Pagbabayad-sala ng ating Tagapagligtas, makakapagbago tayo. Ito ay natitiyak ko. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.