2014
Si Cristo ang Manunubos
Mayo 2014


Si Cristo ang Manunubos

[Ang sakripisyo ng Manunubos] ay nagbigay ng pagpapala sa lahat, mula kay Adan, ang unang tao, hanggang sa kahuli-hulihang tao sa mundo.

Elder Carlos H. Amado

Si Jesucristo, ang Anak ng Diyos, ay isinilang at namatay sa kakaibang sitwasyon. Siya ay nabuhay at lumaki sa abang kalagayan, nang walang mga materyal na pag-aari. Sinabi Niya tungkol sa Kanyang sarili, “May mga lungga ang mga sorra, at ang mga ibon sa langit ay may mga pugad; datapuwa’t ang Anak ng tao ay walang kahiligan ang kaniyang ulo” (Lucas 9:58).

Hindi Siya kailanman tumanggap ng mga parangal, papuri, pagkilala, ni hindi Siya ginustong pakitunguhan ng mga lider ng pulitika ng mundo ni ng mga lider ng relihiyon sa Kanyang panahon. Ni hindi Siya naupo sa mga pangulong dako sa mga sinagoga.

Ang pangangaral Niya ay simple, at bagama’t maraming sumunod sa Kanya, ang Kanyang ministeryo ay palaging kinapalooban ng pagpapala sa bawat isa sa mga tao. Nagsagawa Siya ng napakaraming himala sa mga tumanggap sa Kanya bilang Isinugo ng Diyos.

Binigyan Niya ang Kanyang mga Apostol ng awtoridad at kapangyarihang gumawa ng mga himala at “lalong dakilang mga gawa” kaysa Kanyang ginawa (Juan 14:12), ngunit hindi Niya ipinagkaloob sa kanila ang pribilehiyong magpatawad ng mga kasalanan. Nagalit ang Kanyang mga kaaway nang marinig nila na sinabi Niya, “Humayo ka … [at] mula ngayo’y huwag ka nang magkasala” (Juan 8:11) o “Ipinatatawad ang iyong mga kasalanan” (Lucas 7:48). Ang karapatang iyan ay sa Kanya lamang dahil Siya ang Anak ng Diyos at dahil Kanyang babayaran ang mga kasalanang iyon sa Kanyang Pagbabayad-sala.

Ang Kanyang Kapangyarihang Daigin ang Kamatayan

Ang Kanyang kapangyarihang daigin ang kamatayan ay isa ring banal na katangian. Ang dakilang si Jairo, isang pinuno sa sinagoga, ay nagsumamo “na pumasok [siya sa] kaniyang bahay: sapagka’t siya’y may isang bugtong na anak na babae, … [at] siya’y naghihingalo (Lucas 8:41–42). Narinig ng Panginoon ang kanyang pagsamo, at habang naglalakad sila, isang alila ang lumapit kay Jairo at sinabi sa kanya, “Patay na ang anak mong babae; huwag mong bagabagin ang Guro” (Lucas 8:49). Sa pagpasok Niya sa bahay, iniutos ni Jesus na lumabas ang lahat, at kaagad, tangan ang kamay ng dalaga, ay sinabi sa kanya, “Magbangon ka!” (Lucas 8:54).

Sa isa pang pangyayari, habang Siya ay naglalakbay sa lungsod ng Nain, nasalubong Niya ang hanay ng mga taong nakikipaglibing at isang balo na tumatangis sa pagkamatay ng kanyang nag-iisang anak. Puno ng pagkahabag, hinipo Niya ang kabaong at sinabing, “Binata, sinasabi ko sa iyo, Magbangon ka” (Lucas 7:14). Ang mga tao, nang makita ang himala, ay nagsabing, “Lumitaw sa gitna natin ang isang dakilang propeta: at, dinalaw ng Dios ang kaniyang bayan” (Luke 7:16).Ang himalang ito ay mas kamangha-mangha dahil inihayag nila na totoong patay na ang binata at ililibing na siya. Sa dalawang kabataan na binuhay muli, ang katibayan ng Kanyang awtoridad at kapangyarihang daigin ang kamatayan ay nagpamangha sa mga nananalig at nagdulot ng takot sa mga namumuhi sa Kanya.

Ang pangatlong pangyayari ay labis na nakakamangha. Sina Marta, Maria, at Lazaro ay magkakapatid na madalas bisitahin ni Cristo. Nang ibalita sa Kanya ng mga tao na maysakit si Lazaro, lumagi pa Siya nang dalawang araw bago umalis para puntahan ang pamilya. Habang pinapanatag si Marta sa pagkamatay ng kapatid nito, malinaw Siyang nagpatotoo sa kanya, “Ako ang pagkabuhay na maguli, at ang kabuhayan: ang sumasampalataya sa akin, bagama’t siya’y mamatay, gayon ma’y mabubuhay siya” (Juan 11:25).

Nang iutos ng Tagapagligtas sa mga nananangis na alisin ang bato sa libingan, nahihiyang bumulong si Marta sa Kanya, “Panginoon, sa ngayon ay nabubulok na ang bangkay sapagka’t may apat na araw nang siya’y namamatay” (Juan 11:39).

Kaya nga ipinaalala sa kanya ni Jesus, “Di baga sinabi ko sa iyo, na, kung ikaw ay sasampalataya, ay makikita mo ang kaluwalhatian ng Dios?” (Juan 11:40). At pagkatapos sabihin ito, sa malakas na tinig Siya ay tumawag:

“Lazaro, lumabas ka.

“[At] siya na patay ay lumabas” (Juan 11:43–44).

Pagkatapos ng apat na araw ni Lazaro sa libingan, ang mga kaaway ng Anak ng Diyos ay naharap sa katibayang hindi nila mapapasinungalingan, mababalewala, o masisira, at sila “mula nang araw na yaon ay pinagsanggunianan nilang ipapatay siya” (Juan 11:53).

Ang Bagong Kautusan

Kalaunan, ipinagdiwang ng buhay na Cristo sa Jerusalem, kasama ang Kanyang mga Apostol, ang Kanyang huling Pista ng Paskua, pinasimulan ang ordenansa ng sakramento, at binigyan sila ng kautusan na mahalin ang isa’t isa sa pamamagitan ng tapat na paglilingkod.

Ang Kanyang Pagdurusa sa Getsemani

Pagkatapos niyon, sa pinakadakilang pagpapakita ng Kanyang pagmamahal sa sangkatauhan, at nang ayon sa Kanyang kalooban, matapang at determinado Niyang hinarap ang pinakamatinding pagsubok sa Kanya. Sa Halamanan ng Getsemani, sa lubos na kapanglawan, dinanas Niya ang pinakamatinding pagdurusa, nilabasan Siya ng dugo sa bawat butas ng balat. Sa lubos na pagsunod sa Kanyang Ama, Siya ay nagbayad-sala para sa ating mga kasalanan at dinala rin sa Kanyang sarili ang ating mga sakit at pasakit upang malaman kung paano tayo tutulungan (tingnan sa Alma 7:11–13).

May utang-na-loob tayo sa Kanya at sa ating Ama sa Langit dahil napagpala ng Kanyang sakripisyo ang lahat, mula kay Adan, ang unang tao, hanggang sa kahuli-hulihang tao sa mundo.

Pagpapahirap at Pagpapako sa Krus sa Tagapagligtas

Nang matapos na ang pagdurusa Niya sa Getsemani, kusa Siyang sumama sa Kanyang mga kaaway. Ipinagkanulo ng isa sa Kanyang mga disipulo, Siya ay mabilis na hinatulan, sa paraang hindi makatarungan at labag sa batas, sa paglilitis na naimpluwensyahan at hindi kumpleto. Nang gabi ring iyon Siya ay inakusahan sa salang kalapastanganan at hinatulan ng kamatayan. Sa kanilang pagkapoot at kagustuhang maghiganti—dahil nagpatotoo Siya sa kanila na Siya ay Anak ng Diyos—ang Kanyang mga kaaway ay nagsabwatan para mahatulan Siya ni Pilato. Upang matuloy ang planong iyan, ang paratang na kalapastangan ay pinalitan nila ng sedisyon upang mahatulan Siya ng kamatayan sa krus.

Mas matindi ang dinanas Niyang hirap sa mga Romano: ang kanilang pag-alipusta at pangungutya hinggil sa Kanyang espirituwal na kaharian, ang mapanghamak na paglalagay ng koronang tinik, ang masasakit na paghampas sa Kanya, at mahabang pagdurusa sa Pagkakapako Niya sa Krus sa harap ng mga tao ay pawang malinaw na babala sa lahat ng tao na maglalantad ng kanyang sarili bilang Kanyang disipulo.

Sa bawat sandali ng Kanyang pagdurusa, ang Manunubos ng daigdig ay nagpakita ng kahanga-hangang kahinahunan. Ang laging nasa isip Niya ay pagpalain ang iba; nang may kabaitan at pagmamahal, nakiusap Siya kay Juan na pangalagaan ang Kanyang ina na si Maria. Hiniling Niya sa Kanyang Ama sa Langit na patawarin ang mga nagpako sa Kanya. Dahil naisakatuparan na Niya ang Kanyang gawain, ipinaubaya na Niya ang Kanyang Espiritu sa Diyos at hinugot ang Kanyang huling hininga. Ang pisikal na katawan ni Cristo ay dinala sa libingan at nanatili roon sa loob ng tatlong araw.

Ang Gawain ng Manunubos sa Kalipunan ng mga Patay

Samantalang dumaranas ang Kanyang mga disipulo ng lungkot, kabiguan, at kawalang katiyakan, ang ating Tagapagligtas, sa isa pang bahagi ng maluwalhating plano ng Kanyang Ama, ay pinalawak ang Kanyang ministeryo sa bagong paraan. Sa maikling tatlong araw, patuloy Siyang gumawa upang maorganisa ang malaking gawain ng kaligtasan sa kalipunan ng mga patay. Ang mga araw na iyon ay naging ilan sa mga araw na puno ng pag-asa para sa buong pamilya ng Diyos. Sa pagdalaw na iyon, inorganisa Niya ang Kanyang matatapat na tagasunod upang maihatid nila ang masayang balita ng pagtubos sa mga hindi nakaalam sa maluwalhating plano o tinanggihan ito sa mortalidad. Ngayon may pagkakataon na sila na mapalaya mula sa pagkabihag at matubos ng Diyos ng mga buhay at mga patay (tingnan sa D at T 138:19, 30–31).

Ang Unang Bunga ng Pagkabuhay na Mag-uli

Dahil natapos na ang Kanyang gawain sa daigdig ng mga espiritu, bumalik Siya sa lupa—upang pagsamahin ang Kanyang espiritu at pisikal na katawan magpakailanman. Bagama’t ipinakita Niya ang Kanyang lubos na kapangyarihan sa pagdaig sa kamatayan, ang mga salaysay sa mga banal na kasulatan tungkol sa mga binuhay Niya bago ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli ay nagpapakita na pinahaba lang ang kanilang buhay; sila ay papanaw pa rin.

Si Cristo ang unang nabuhay na muli at hindi na mamamatay kailanman, taglay ang perpekto at walang hanggang katawan. Sa Kanyang pagkabuhay na mag-uli, nagpakita Siya kay Maria, na, nang agad Siyang makilala, ay nagsimulang sambahin Siya. Ang ating Manunubos ay buong giliw na binalaan siya tungkol sa bago at maluwalhati Niyang kalagayan: “Huwag mo akong hipuin, sapagka’t hindi pa ako nakakaakyat sa Ama” (Juan 20:17)—na nagbibigay ng karagdagang katibayan na ang Kanyang ministeryo sa daigdig ng mga espiritu ay totoo at ganap. Kalaunan pa, gamit ang salita na nagpapatunay sa katotohanan ng Pagkabuhay na Mag-uli, sinabi Niya, “Aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, at aking Dios at inyong Dios” (Juan 20:17).Pagkatapos magpunta sa Kanyang Ama, muli Siyang bumalik at nagpakita sa Kanyang mga Apostol. “Kaniyang ipinakita sa kanila ang kaniyang mga kamay at ang kaniyang tagiliran. Ang mga alagad nga’y nangagalak, nang makita nila ang Panginoon” (Juan 20:20).

Ang Manunubos ay Magbabalik

Pinatototohanan ko na si Cristo ay babalik sa paraang lubos na kakaiba sa Kanyang unang pagdating. Siya ay paparito nang may kapangyarihan at kaluwalhatian kasama ang lahat ng matwid at tapat na mga Banal. Siya ay darating bilang Hari ng mga hari at Panginoon ng mga Panginoon, bilang Prinsipe ng Kapayapaan, ang ipinangakong Mesiyas, ang Tagapagligtas at Manunubos, upang hatulan ang mga buhay at mga patay. Mahal ko Siya at pinaglilingkuran nang buong puso ko, at isinasamo ko na sana ay maglingkod tayo nang may galak at dedikasyon at manatili tayong tapat sa Kanya hanggang sa wakas. Sa Kanyang pangalan, na Jesucristo, amen.