Elder Larry S. Kacher
Pangalawang Korum ng Pitumpu
Matapos ang maraming pahiwatig ng Espiritu noong kabinataan niya, nagsimula si Elder Larry S. Kacher na kilalanin ang malakas na kapangyarihang gumagabay sa kanyang buhay. Sa edad na 19, ang pagiging sensitibo niya sa Espiritu ang umakay sa kanya sa ebanghelyo ni Jesucristo—isang pagbabago na siyang nakagawa ng malaking kaibhan.
Ipinanganak siya noong Pebrero 12, 1952, ang pangalawang panganay sa limang anak na isinilang kina Albert at Elaine Kacher; lumaki siya sa Bloomington, Minnesota, USA.
Pagkatapos ng high school, pumunta siya sa Europa para mag-ski, at pagkaraan ng mahigit anim na buwan doon naramdaman niya na kailangan na niyang umuwi. Nang makauwi na siya, nadama niya na parang kailangan niyang umalis pero hindi niya alam kung saan siya pupunta. Isang kaibigang kababata ang nagplanong manirahan sa Utah, at nagpasiya si Elder Kacher na sumama sa kanya. Habang nasa Utah, si Elder Kacher ay nag-enrol sa Brigham Young University, nalaman ang tungkol sa Simbahan, at nabinyagan.
“Nang turuan kami ng mga missionary, nadama ko na ito ay totoo,” wika niya. “Nang manalangin ako, nadama ko na ang Simbahan ay totoo.”
Nagpasiya siyang magmisyon at natawag siya sa Tahiti Papeete Mission noong 1973. Nang makauwi, nag-aral siyang muli sa BYU, kung saan niya nakilala si Pauline Miller. Sila ay ikinasal sa Manti Utah Temple noong Oktubre 29, 1976, at nagkaroon sila ng anim na anak at 11 apo.
Si Elder Kacher ay nagtapos ng bachelor’s degree sa psychology at master’s degree sa organizational behavior—kapwa mula sa BYU. Kasama sa kanyang propesyon ang pagiging consultant sa malalaking kompanya roon at sa ibang bansa.
Bago sinang-ayunan noong Abril 5, 2014, bilang miyembro ng Pangalawang Korum ng Pitumpu, naglingkod si Elder Kacher bilang branch president, elders quorum president, bishop, at tagapayo sa stake president. Pinamunuan niya ang Switzerland Geneva Mission mula 2000 hanggang 2003. Ilang taon matapos makabalik mula sa Switzerland, nagtrabaho siya sa Abu Dhabi, United Arab Emirates, kung saan siya tinawag na maglingkod bilang unang Area Seventy sa Middle East.