2014
Kung Saan Naroon ang Iyong Kayamanan
Mayo 2014


Kung Saan Naroon ang Iyong Kayamanan

Kung hindi tayo maingat, magsisimula na tayong maghangad ng temporal kaysa espirituwal na bagay.

Elder Michael John U. Teh

Pagkatapos ng pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2007, sinabi sa akin ng isa sa mga kapatid na mga pitong taon pa bago ko maranasang muli ang nakakakabang karanasang ito. Natuwa ako at sinabi sa kanya na ituturing ko ito na “pitong taon ng kasaganaan.” Ngayon, heto na ako, ang aking pitong taon ng kasaganaan ay natapos na.

Nitong nakaraang Enero, kami ng aking asawang si Grace ay naatasan na bisitahin ang mga miyembro sa Pilipinas na sinalanta ng napakalakas na lindol at bagyo. Natuwa kami dahil ang assignment na ito ay sagot sa aming dalangin at katibayan ng awa at kabutihan ng mapagmahal na Ama sa Langit. Ito ay naging katuparan ng inaasam namin na personal na maipakita sa kanila ang aming pagmamahal at malasakit.

Karamihan sa mga miyembrong nakausap namin ay pansamantala pa ring nakatira sa mga tolda, sa mga community center, at mga meetinghouse ng Simbahan. Ang mga bahay na binisita namin ay halos wala nang bubong o kaya’y wala na talagang bubong. Salat na sa kabuhayan ang mga tao bago pa man bumagyo, at ang kaunting pag-aari nila ay nawala pa. Puno ng putik at nagkalat ang basura saan mang dako. Gayunman, puno pa rin sila ng pasasalamat sa kaunting tulong na natanggap nila at masaya at puno ng pag-asa sa kabila ng napakahirap na kalagayan. Nang kumustahin namin sila, lahat ay masiglang sumagot ng, “Okey lang kami.” Malinaw na ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo ang nagbigay sa kanila ng pag-asa na sa huli ay magiging maayos ang lahat. Sa pagbisita namin sa mga bahay at mga tolda, naturuan kami ni Sister Teh ng matatapat na Banal na ito.

Sa panahon ng kalamidad o trahedya, may paraan ang Panginoon para baguhin tayo at ang ating mga priyoridad. Sa isang iglap, lahat ng materyal na bagay na pinaghirapan nating makamtan ay wala nang halaga. Ang tanging mahalaga ay ang ating pamilya at ang relasyon natin sa iba. Ganito ang sinabi ng isang butihing sister tungkol dito: “Nang humupa na ang tubig at oras na para maglinis, tiningnan ko ang paligid ng bahay ko at naisip: ‘Naku, ang dami kong naipong basura sa maraming taong ito.’”

Palagay ko ay nagkaroon ng mas magandang pananaw ang sister na ito at mag-iingat nang magpasiya kung aling bagay ang kailangan at kung alin ang hindi mahalaga.

Sa maraming taon naming paglilingkod kasama ang mga miyembro, natutuwa kaming makakita ng malakas na espirituwalidad. Nakakita rin kami ng kasaganaan at kakapusan sa materyal na bagay sa matatapat na miyembrong ito.

Dahil kailangan, karamihan sa atin ang nakatuon sa pagkita ng pera at pagkakaroon ng mga bagay ng mundo para maitaguyod ang ating pamilya. Kailangan nito ng maraming panahon at atensyon. Hindi mauubusan ang mundo ng mga bagay na iaalok sa atin, kaya mahalagang matutuhan natin kung kailan malalaman na may sapat na tayo para sa kailangan natin. Kung hindi tayo maingat, magsisimula na tayong maghangad ng temporal kaysa espirituwal na bagay. Ang ating hangarin sa espirituwal at pangwalang-hanggang bagay ay ihuhuli na, sa halip na unahin. Nakakalungkot na tila lumalabis ang hilig nating magkaroon ng mas maraming gamit at ng pinakabago at pinakasopistikadong produkto.

Paano tayo makasisiguro na hindi tayo matutuksong magpaimpluwensya rito? Ipinayo ni Jacob: “Samakatwid, huwag gugulin ang salapi sa mga yaong walang kabuluhan, o ang inyong paggawa sa mga yaong hindi nakasisiya. Makinig kayo nang masigasig sa akin, at tandaan ang mga salitang aking sinabi; at lumapit sa Banal ng Israel, at magpakabusog doon sa hindi nawawala, ni nasisira, at hayaang ang inyong kaluluwa ay malugod sa katabaan.”1

Sana ay wala sa atin ang gumagastos nang walang kabuluhan, o ginagawa ang mga hindi nakasisiya.

Itinuro ng Tagapagligtas ang sumusunod sa mga Judio at mga Nephita:

“Huwag kayong mangagtipon ng mga kayamanan sa lupa, na dito’y sumisira ang tanga at ang kalawang, at dito’y nanghuhukay at nagsisipagnakaw ang mga magnanakaw:

“Kundi mangagtipon kayo ng mga kayamanan sa langit, na doo’y hindi sumisira kahit ang tanga kahit ang kalawang, at doo’y hindi nanghuhukay at hindi nagsisipagnakaw ang mga magnanakaw:

“Sapagka’t kung saan naroon ang iyong kayamanan, doon naman doroon ang iyong puso.”2

Sa ibang dako, ibinigay ng Tagapagligtas ang talinghagang ito:

“Ang lupa ng isang taong mayaman ay namumunga ng sagana:

“At iniisip niya sa sarili na sinasabi, Ano ang gagawin ko, sapagka’t wala akong mapaglalagyan ng aking mga inaning bunga?

“At sinabi niya, Ito ang gagawin ko: Igigiba ko ang aking mga bangan, at gagawa ako ng lalong malalaki; at doon ko ilalagay ang lahat ng aking butil at aking mga pagaari.

“At sasabihin ko sa aking kaluluwa, Kaluluwa, marami ka nang pagaaring nakakamalig para sa maraming taon; magpahingalay ka, kumain ka, uminom ka, matuwa ka.

“Datapuwa’t sinabi sa kaniya ng Dios, Ikaw na haling, hihingin sa iyo sa gabing ito ang iyong kaluluwa; at ang mga bagay na inihanda mo, ay mapapa sa kanino kaya?

“Gayon nga ang nagpapakayaman sa ganang kaniyang sarili, at hindi mayaman sa Dios.”3

Ibinigay ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ang sumusunod na payo kamakailan lang:

“Nakikita ng ating Ama sa Langit ang ating tunay na potensyal. Ang mga bagay na hindi natin alam tungkol sa ating sarili ay alam Niya. Hinihikayat Niya tayo sa buhay na ito na abutin ang hangganan ng paglikha sa atin, mamuhay nang matwid, at bumalik sa Kanyang piling.

“Kung gayon, bakit natin pinagbubuhusan ng oras at lakas ang mga bagay na panandalian lang, walang halaga, at walang katuturan? Hindi ba natin nalalaman na kahangalan ang hangaring kamtin ang mga walang kabuluhan?”4

Alam nating lahat na kabilang sa kayamanan ng mundo ang kapalaluan, kasaganaan, mga materyal na bagay, impluwensya, at mga papuri ng tao. Dahil hindi ito dapat pang pag-ukulan ng panahon at pansin, magtutuon na lang ako sa mga bagay na kabibilangan ng mga kayamanan natin sa langit.

Ano ang ilan sa mga kayamanan sa langit na maaari nating ipunin para sa ating sarili? Bilang panimula, makabubuti sa atin na taglayin ang mga katangian ni Cristo na puno ng pananampalataya, pag-asa, kapakumbabaan, at pag-ibig sa kapwa tao. Tayo ay paulit-ulit na pinayuhang “hubarin ang likas na tao at … maging tulad ng isang bata.”5 Ipinaalala sa atin ng Tagapagligtas na sikapin nating maging sakdal na tulad Niya at ng ating Ama sa Langit.6

Pangalawa, kailangan nating mag-ukol pa ng panahon at pagsisikap na palakasin ang samahan ng ating pamilya. Ang sabi nga, “ang pamilya ay inorden ng Diyos. Ito ang pinakamahalagang yunit sa panahon at sa kawalang-hanggan.”7

Pangatlo, ang paglilingkod sa iba ay katangian ng tunay na tagasunod ni Cristo. Sinabi niya, “Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa.”8

Pang-apat, ang pag-unawa sa doktrina ni Cristo at pagpapalakas sa ating patotoo ay gawaing magdudulot ng tunay na galak at kasiyahan. Kailangan nating patuloy na pag-aralan ang mga salita ni Cristo na matatagpuan sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga buhay na propeta. “Sapagkat masdan, ang mga salita ni Cristo ang magsasabi sa inyo ng lahat ng bagay na dapat ninyong gawin.”9

Magtatapos ako sa kuwento tungkol sa isang 73-taong-gulang na balo na nakilala namin noong pumunta kami sa Pilipinas:

Nang lumindol sa Bohol, ang bahay na pinaghirapan nilang itayo ng namatay niyang asawa ay nagiba, ito rin ang kumitil sa buhay ng kanyang anak at apong lalaki. Ngayong nag-iisa na, kailangan niyang magtrabaho para itaguyod ang sarili. Tumatanggap siya ng labada (na nilalabhan niya gamit ang kamay) at kailangang mag-akyat-baba sa mataas na burol maraming beses sa isang araw para umigib ng tubig. Nang bisitahin namin siya, nakatira pa rin siya sa tolda.

Heto ang sabi niya: “Elder, tinatanggap ko ang lahat ng gustong iparanas sa akin ng Panginoon. Wala akong hinanakit. Iniingatan ko ang aking temple recommend at itinatago ito sa ilalim ng unan ko. Gusto kong malaman mo na nagbabayad ako ng buong ikapu sa kaunting kita ko sa paglalabada. Kahit anong mangyari, magbabayad ako lagi ng ikapu.”

Pinatototohanan ko na ang ating mga priyoridad, gawi, hilig, hangad, nasa at mga kinahuhumalingan ay may malaking epekto sa ating susunod na kalagayan. Tandaan nating lagi ang mga salita ng Tagapagligtas: “Sapagka’t kung saan naroon ang iyong kayamanan, doon naman doroon ang iyong puso.” Nawa ang ating mga puso ay nasa dapat nitong kalagyan ang siyang aking dalangin, sa pangalan ni Jesucristo, amen.