Devin G. Durrant
Pangalawang Tagapayo sa Sunday School General Presidency
Nang tawagin si Devin G. Durrant bilang pangalawang tagapayo sa Sunday School general presidency, posibleng maraming miyembro ng Simbahan ang nakaalala sa kanyang kasikatan sa Brigham Young University basketball jersey.
Ang isports, mangyari pa, ay naging mahalagang bahagi sa buhay ni President Durrant. Sumali pa siya sa isang laro sa NBA laban sa mga nangungunang manlalaro sa Estados Unidos. Ngunit hindi lang siya isang sikat na atleta: isa rin siyang missionary sa Madrid, Spain, asawa, ama, lolo, awtor, negosyante, tapat na miyembro, at Texas Dallas Mission president sa nakaraang dalawa’t kalahating taon.
Sinabi ni President Durrant, na ipinanganak noong Oktubre 20, 1960, sa Brigham City, Utah, na mahalaga ang ginampanan ng tahanang kanyang kinalakhan sa paghahanda niya para sa bawat isa sa mga tungkuling iyon sa buhay. Ang kanyang mga magulang, sina George at Marilyn Durrant, ay magagaling na guro.
“Talagang nagturo sila sa salita—ngunit ang talagang dakilang mga turo na naranasan ko sa tahanan ay ang makitang matwid silang namumuhay.”
Batid ni President Durrant at ng kanyang asawang si Julie Mink Durrant ang kahalagahan ng mahuhusay na guro sa paghahanda sa mga magiging missionary.
“[Ang mga missionary sa hinaharap] ay mahusay na tinuturuan ng kanilang mga magulang sa tahanan at kanilang mga guro sa simbahan at sa magagandang programa ng seminary at institute.”
Ang programa sa Sunday School, dagdag pa niya, ay nagtutulot sa mga tagapagturo at estudyante anumang edad “na magturo ayon sa paraan ng Tagapagligtas.”
Sina President at Sister Durrant ay ikinasal sa Salt Lake Temple noong Abril 23, 1983, at may anim na anak at anim na apo.
Bago siya tinawag bilang mission president, naglingkod siya bilang bishop, tagapayo sa stake presidency, miyembro ng stake Sunday School presidency, at institute instructor.
Natanggap niya ang undergraduate degree sa American Studies mula sa Brigham Young University at MBA mula sa University of Utah. Siya ay nagmamay-ari ng isang real estate investment company.