Nagsalita Sila sa Atin
Gawing Bahagi ng Ating Buhay ang Kumperensya
Isiping gamitin ang ilan sa mga aktibidad at tanong na ito bilang panimula sa talakayan ng pamilya o personal na pagninilay.
Para sa mga Bata
-
Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, na mapipili nating magpasalamat anumang hirap ang maranasan natin sa buhay (pahina 70). Ang pagpapasalamat ay tutulong sa atin na maging mas maligaya at mabait at manampalataya at magtiwala sa Diyos. Ano ang pakiramdam ninyo kapag nagpapasalamat kayo? Ano ang magagawa ninyo para makadama ng pasasalamat sa araw-araw?
-
Nagkuwento si Bonnie L. Oscarson, Young Women general president, tungkol kay Sarah, isang dalagitang sumama sa kanyang ina para tulungan si Brenda, isang babaeng may multiple sclerosis. Sinusuklay ni Sarah ang buhok ni Brenda, pinapahiran ng lotion ang mga kamay nito, minamasahe ang mga daliri at braso nito, at tinutulungan itong mag-ehersisyo (pahina 119). Isipin ang mga paraan na makapaglilingkod kayo. Kahit bata pa kayo, marami kayong magagawa.
-
Itinuro ni Elder L. Tom Perry ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano ginagamit ng nagpapatakbo ng kabayo ang mga renda at preno para mahinahong gabayan at akayin ang isang pares o magkatuwang na mga kabayo (pahina 100). Ang nagpapatakbo ang higit na nakakaalam, at sinusunod ng kabayo ang nagpapatakbo, tulad ng alam Panginoon ang pinakamainam para sa atin, at magiging masaya tayo kapag sumusunod tayo sa Kanya. Ang mga renda at preno ay katulad ng mga paramdam ng Espiritu Santo. Kailan ninyo nadama na ginabayan kayo ng Espiritu Santo? Ano ang pakiramdam niyon?
-
Nagkuwento si Jean A. Stevens, unang tagapayo sa Primary general presidency, tungkol sa batang lalaking hindi umabot sa huling bus sa araw na iyon at naglakad pauwi (pahina 81). Dahil sa layo ng lalakarin, natakot siya at lumuhod para manalangin. Makalipas ang ilang minuto, ipinadama ng Espiritu kay Sister Stevens na huminto at tulungan siya. May naiisip ba kayong mga pagkakataon na sinagot ng Ama sa Langit ang inyong mga dalangin? Paano kayo nakatulong sa pagsagot sa panalangin ng iba?
Para sa mga Kabataan
-
Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson na kailangan natin “ng tapang na magsabi ng hindi kapag nararapat, ng tapang na magsabi ng oo kapag angkop, ng tapang na gawin ang tama dahil ito ay tama.” Habang pinag-aaralan ninyo ang kanyang mensahe (pahina 66), pag-isipan ang mga hamong kinakaharap ninyo. Anong plano ang magagawa ninyo para magkaroon ng ganitong uri ng katapangan?
-
Ipinaalala sa atin ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol na kung mahal natin ang Tagapagligtas, susundin natin ang Kanyang mga utos at mamahalin ang iba tulad ng ginawa Niya (pahina 6). Habang ginagawa natin ito, kailangang maging handa tayong ipagtanggol ang ating mga paniniwala “nang may paggalang at habag.” May kakilala ba kayo na hindi sumasang-ayon sa anuman sa mga paniniwala ninyo? Paano kayo magiging magalang sa pagtalakay at pagtatanggol ninyo sa mga paniniwalang iyon?
-
Nagsalita nang tuwiran ang ilang tagapagsalita sa mga kabataan. Halimbawa, nagbigay ng ilang mungkahi si Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol sa mga kabataan kung paano daigin ang “mga espirituwal na buhawi,” tulad ng pagkakaroon ng kapayapaan sa templo (pahina 18). Habang binabasa ninyo ang kanyang mensahe at ang iba pang mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya, isiping isulat ang mga ideya kung paano manatiling matatag.
-
Isa sa matitinding kasamaan ngayon ang pornograpiya. Sinabi ni Linda S. Reeves, pangalawang tagapayo sa Relief Society general presidency, na ang pinakamagandang filter o pansala laban sa gayong kasamaan ay isang malalim at matibay na patotoo sa ebanghelyo ni Jesucristo (pahina 15). Gaano kalakas ang inyong personal na filter? Ano ang magagawa ninyo para mapalakas ito?
Para sa Matatanda
-
Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson na kapag naunawaan natin ang “walang-kapantay na kaloob” na Pagbabayad-sala, napupuspos tayo ng pagmamahal para sa Ama sa Langit, sa Tagapagligtas, at sa lahat ng anak ng Diyos (pahina 91). Paano mapagbubuti ng kaalamang ito ang pag-aaral ninyo tungkol sa buhay at Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa personal at pampamilyang pag-aaral ng banal na kasulatan at habang nasa klase kayo sa simbahan?
-
Sinabi ni Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, na utang-na-loob niya ang malaking bahagi ng kanyang kaligayahan sa isa niyang lolo-sa-tuhod na sumapi sa Simbahan, tapat na naglingkod, at nanatiling matatag hanggang wakas, at nag-iwan sa kanyang pamilya ng pamana ng pag-asa (pahina 22). Isiping ilista ang lahat ng tao sa inyong pamilya at isulat kung anong mga tipan at ordenansa ang kailangan nila para makapagpatuloy sa landas ng tipan. Magplanong tulungan ang mga miyembro ng inyong pamilya na matanggap ang kanilang susunod na tipan. Maaari kayong humanap ng mga paraan para maging mas mahalaga sa buhay ninyo ang inyong mga tipan nang sa gayon ay mabigyan ninyo ang inyong pamilya ng pamana ng pag-asa.
-
Ipinahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol na sa paghihirap ay mahihikayat tayong umasa sa “kabutihan, awa, at biyaya ng Banal na Mesiyas,” na “tutulong sa atin … na mabata ang ating mga pasanin nang may kagaanan” (pahina 87). Habang binabasa ninyo ang kanyang mensahe at ang mga mensahe simula sa mga pahina 9, 18, 70, 81, at 106, maghanap ng mga paraan na matutulungan kayo ng Tagapagligtas at ng Kanyang ebanghelyo sa pagharap sa mga hamon ng buhay.
-
Ang kurikulum ng mga kabataan sa Mayo ay nakatuon sa mga propeta at paghahayag. Bilang bahagi ng mga pakikipagtalakayan ninyo tungkol sa ebanghelyo sa mga kabataan sa tahanan at sa simbahan, isiping pag-aralan ang mga mensahe nina Elder Lawrence E. Corbridge (pahina 103) at Elder Marcos A. Aidukaitis (pahina 108) ng Pitumpu, na hinahanap ang mga sagot sa sumusunod na mga tanong: Bakit hindi na lang hinayaan ng mga maninira si Joseph Smith? Paano natin makikilala ang katotohanan sa isang mundong lalo pang tumutuligsa sa mga turo ng ebanghelyo?