2014
Elder Jorg Klebingat
Mayo 2014


Elder Jörg Klebingat

Unang Korum ng Pitumpu

Si Elder Jörg Klebingat ay namuhay nang may tiyaga. Naniniwala siya sa pagiging masunurin, pagsunod sa mga kautusan, at pagsunod sa mga pahiwatig ng Espiritu.

Isinilang noong Disyembre 19, 1967, kina Klaus-Peter at Doris Elke Klebingat, lumaki si Elder Klebingat sa Zweibrücken, Germany, nang walang impluwensya ng ebanghelyo. Noong tinedyer na siya, nakilala niya ang isang miyembro ng Simbahan sa isang music concert, at naging magkaibigan sila.

“Nang bisitahin ko ang bago kong kaibigan, humanga ako sa kanyang pamilya,” paggunita niya. “Nadama ko ang Espiritu sa kanyang tahanan at ginusto kong magsimba.”

Iyon ang unang miting sa Simbahan na nakarinig siya ng tungkol sa Aklat ni Mormon. Binigyan siya ng kaibigan niya ng isang kopya na may nakasulat na patotoo na ito ay totoo, at nilisan ni Elder Klebingat ang mga miting na determinadong alamin ito para sa kanyang sarili.

“Binabasa ko ang 1 Nephi nang madama ko na ang aklat ay totoo,” sabi ni Elder Klebingat. “Ang pagkakaroon ng patotoo tungkol kay Propetang Joseph Smith ay mahalaga rin sa akin. Sa aking misyon, lagi kong tinatanong ang kompanyon ko kung maaari kong ikuwento iyon.”

Bago siya nag-full-time mission sa Colorado Denver Mission, naglingkod si Elder Klebingat sa German army nang 18 buwan. Ibinuklod siya kay Julia Poltorak sa Salt Lake Temple noong Disyembre 21, 1992. Sila ay may tatlong anak.

Si Elder Klebingat ay nagtapos ng Russian language studies sa Ricks College at kalaunan ng master’s degree sa organizational behavior mula sa Brigham Young University. Nagtrabaho siya bilang business management consultant para sa Price Waterhouse and Arthur Andersen at sa ilang tungkulin para sa Simbahan.

Bago siya tinawag sa tungkuling ito, si Elder Klebingat ay naglingkod bilang stake young single adult representative, elders quorum president, Young Men president, high councilor, branch president, at bishop. Matatapos siyang maglingkod bilang pangulo ng Ukraine Kyiv Mission sa Hunyo 2014. Sinang-ayunan siya bilang miyembro ng Unang Korum ng Pitumpu noong Abril 5, 2014.