Proyektong Malinis na Tubig Nakatulong sa Milyun-Milyon sa Africa
Sa loob ng mahigit dalawang dekada, ang Simbahan ay nakibahagi na sa mga proyekto ng malinis na tubig sa mahigit 100 bansa. Sa Africa lamang, ang mga proyektong ito ay nakatulong sa buhay ng mahigit apat na milyong tao sa pamamagitan ng paggawa ng mga balon, imbakan ng tubig at delivery system, at pagpapadalisay ng tubig.
Ang isa sa ganitong proyekto ay naganap sa Idugo Island, sa baybayin ng Mozambique. Karamihan sa mga 15,000 katao na nakatira sa pulo ay nagtatrabaho sa bukirin ng pamilya, nangingisda sa nakapalibot na mga tubig ng Indian Ocean, o sa evaporation ponds para magtipon ng asin mula sa tubig ng dagat. Walang dumadaloy na tubig, kuryente, mga kalye, o mga sasakyan sa pulo. Ang pulo ay mapupuntahan sa pamamagitan ng mga gawang-kamay na bangka o balsa.
Sa loob ng ilang siglo, ang tanging pinagkukunan ng maiinom na tubig sa Idugo ay mabababaw na balon na hinukay ng mga kamay. Ang mga balon ay laging puno ng putik at kalat. Ang mga ito ay nagbibigay ng maputik at kakaunting tubig. Kapag panahon ng tag-ulan, ang tubig ay narurumihan, na nagiging sanhi ng kolera, pagtatae, at iba pang sakit.
Nang marinig ng mga humanitarian missionary ng Simbahan ang kalagayan sa Idugo, nakipagkita sila sa mga lider ng komunidad doon. Magkasama silang nagplano para makapaglaan ang Church Humanitarian Services ng mga materyal, kagamitan, at mga tagubilin sa pagtatayo ng 10 balon na sementado at may takip na bakal, at bawat isa ay kayang silbihan ang 1,000 katao. Ang mga missionary ay magbibigay ng training tungkol sa kalinisan at sanitasyon, at ang mga taganayon ang gagawa at mangangalaga sa mga balon.
Mula sa mainland, nagpadala ng apat na trak na puno ng graba, 300 bag ng semento, dalawang trak ng buhangin, suportang bakal, at custom-made na steel cement sa mga pulo. Pagkatapos ay binuhat o isinakay sa kariton ang mga suplay para madala sa iba’t ibang panig ng pulo. Ilang miyembro ng Simbahan mula sa Quelimane, Mozambique, ang nagkampo sa pulo nang tatlong buwan para tumulong sa pagtuturo at pagtatayo.
Ang mga balon ay dinisenyo para may agusan ng tubig-ulan, at maalis ang kontaminasyon. Sa ilang komunidad, ang mga residente ay nagtayo ng bakod na yari sa kahoy at mga daan na gawa sa brick sa paligid ng mga balon, gamit ang brick na natutuhan nilang gawing mag-isa gamit ang mga materyal na bigay ng Simbahan.
Sa opisyal na mga seremonya, inilipat ang pagmamay-ari ng mga balon sa mga tao ng bawat nayon. Nagpasalamat ang ilang residenteng gumawa ng mga balon dahil makakatulong ang bago nilang kasanayan—paggawa ng mga brick, paghahalo ng semento at pagpapatibay nito gamit ang bakal, at paggamit ng mga kasangkapan—para makahanap sila ng karagdagang trabaho. Nagpasalamat ang iba sa pagkakataong matuto ng mga kasanayan sa pamumuno.
Nang sumunod na tag-ulan, walang naiulat na sakit na dulot ng maruming tubig sa mga nayon na may mga balon.
Ayon sa World Health Organization, mahigit isang bilyong tao ang walang mapagkukunan ng malinis na tubig sa iba’t ibang panig ng mundo. Salamat sa proyektong malinis na tubig ng Simbahan, ang bilang na iyon ay nabawasan sa pamamagitan ng pagsali sa mga miyembro ng komunidad sa pagpaplano at pagsasagawa ng mga proyekto, pagbibigay ng trabaho para makapagtayo ng kinakailangang mga pasilidad, pagtanggap ng training, at pangangalaga sa natapos na mga proyekto.
Bukod pa sa mga proyektong malinis na tubig sa iba’t ibang lugar sa Africa, tumutulong ang Simbahan sa mga proyektong malinis na tubig sa Asia, Central America, Eastern Europe, India, Indonesia, Pacific Islands, South America, Southeast Asia, at iba pang lugar sa buong mundo.