2014
Ang Propetang Joseph Smith
Mayo 2014


Ang Propetang Joseph Smith

Ang mga paghahayag na ibinuhos kay Joseph Smith ay nagpapatibay na isa siyang propeta ng Diyos.

Elder Lawrence E. Corbridge

Ang Unang Pangitain

Isang batang lalaki ang nagbasa ng Biblia, at napako ang kanyang mga mata sa isang talata. Ito ang sandaling magpapabago sa mundo.

Sabik siyang malaman kung aling simbahan ang aakay sa kanya sa katotohanan at kaligtasan. Halos lahat ay sinubukan na niya, at ngayon ay bumaling siya sa Biblia at binasa ang mga salitang ito: “Kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, ay humingi sa Dios, na nagbibigay ng sagana sa lahat at hindi nanunumbat; at ito’y ibibigay sa kaniya.”1

Paulit-ulit niya itong pinagnilayan. Ang unang kislap ng liwanag ay tumagos sa kadiliman. Ito ba ang sagot, para makaalpas sa kaguluhan at kadiliman? Ganoon lang ba kadali iyon? Tanungin ang Diyos at sasagot Siya? Sa wakas ay ipinasiya niya na kailangan niyang tanungin ang Diyos o kaya’y manatili sa kadiliman at kaguluhan.

Bagamat nasasabik, hindi siya tumakbo sa isang tahimik na sulok at nagmadaling manalangin. Siya ay 14 anyos lang, at kahit gusto niyang masagot siya kaagad, hindi siya nagmadali. Hindi ito karaniwang panalangin. Nagpasiya siya kung saan pupunta at kailan niya ito gagawin. Naghanda siyang makipag-usap sa Diyos.

At dumating ang araw na iyon. Ito ay “sa umaga ng isang maganda, maaliwalas na araw, sa tagsibol ng [1820].”2 Mag-isa siyang naglakad sa katahimikan ng kalapit na kakahuyan, sa ilalim ng matataas na puno. Nakarating siya sa lugar na binalak niyang puntahan. Lumuhod siya at idinulog ang mga naisin ng kanyang puso.

Nang ilarawan niya ang sumunod na nangyari, sinabi niya:

“Ako ay nakakita ng isang haligi ng liwanag na tamang-tama sa tapat ng aking ulo, higit pa sa liwanag ng araw, na dahan-dahang bumaba hanggang sa ito ay pumalibot sa akin.

“… Nang tumuon sa akin ang liwanag, nakakita ako ng dalawang Katauhan, na ang liwanag at kaluwalhatian ay hindi kayang maisalarawan, nakatayo sa hangin sa itaas ko. Ang isa sa kanila ay nagsalita sa akin, tinatawag ako sa aking pangalan, at nagsabi, itinuturo ang isa—[Joseph,] Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!3

Pagkaraan lamang ng 24 na taon, mamamatay si Joseph Smith at ang kapatid niyang si Hyrum dahil sa nangyari dito.

Oposisyon

Sinabi ni Joseph na noong siya ay 17 anyos, isang anghel ang nagsabi sa kanya na ang kanyang “pangalan ay makikilala sa kabutihan at kasamaan sa lahat ng bansa, … [sa] lahat ng tao.”4 Ang kagila-gilalas na propesiyang ito ay patuloy na natutupad ngayon dahil Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay laganap na sa iba’t ibang panig ng mundo.

Laging may oposisyon, pamimintas, at pagkalaban sa katotohanan. Tuwing ihahayag ang katotohanan hinggil sa layunin at tadhana ng tao, may puwersang sasalungat dito. Simula kina Adan at Eva sa Halamanan ng Eden, hanggang sa ministeryo ni Cristo, at hanggang ngayon, laging may manlilinlang, maninira, sasalungat, at hahadlang sa plano ng buhay.

Hanapin kung may taong tumanggap ng mas maraming di-makatarungang pang-uusig kaysa sa Tao na kinalaban, hinamon, at tinanggihan, binugbog, tinalikuran, at ipinako sa krus, Siya na nagpakababa-baba sa lahat ng bagay, at masusumpungan ninyo roon ang katotohanan, ang Anak ng Diyos, ang Tagapagligtas ng buong sanlibutan. Bakit hindi na lang nila Siya hayaan?

Bakit? Dahil Siya ang katotohanan, at ang katotohanan ay laging sasalungatin.

At pagkatapos ay hanapin ang taong naglabas ng isa pang tipan ni Jesucristo at iba pang banal na kasulatan, hanapin ang naging kasangkapan upang maipanumbalik ang kabuuan ng ebanghelyo at ang Simbahan ni Jesucristo sa lupa, hanapin siya at asahang makita na inuusig siya ng mga tao. Bakit hindi na lang siya hayaan?

Bakit? Dahil itinuro niya ang katotohanan, at ang katotohanan ay laging sasalungatin.

Ang Sunud-sunod na Paghahayag

Ang mga paghahayag na ibinuhos kay Joseph Smith ay nagpapatibay na isa siyang propeta ng Diyos. Tingnan lang natin ang ilan sa mga ito—tingnan ang ilan sa liwanag at katotohanang inihayag sa pamamagitan niya na ibang-iba sa mga karaniwang paniniwala ng kanyang panahon at ng sa atin:

  • Ang Diyos ay isang personal, at dinakilang nilalang, isang Amang Walang Hanggan. Siya ang ating Ama.

  • Ang Diyos Ama, si Jesucristo, at ang Espiritu Santo ay magkakahiwalay na nilalang.5

  • Higit pa kayo sa tao. Kayo ay anak ng Diyos Amang Walang Hanggan at maaaring maging katulad Niya6 kung mananalig kayo sa Kanyang Anak, magsisisi, tatanggapin ang mga ordenansa at ang Espiritu Santo, at magtitiis hanggang wakas.7

  • Ang Simbahan ni Jesucristo ngayon ay kapareho ng Simbahang itinatag Niya noong narito Siya sa lupa, na may mga propeta at apostol, Melchizedek at Levitical Priesthood, mga elder, high priest, deacon, teacher, bishop, at pitumpu, na naaayon lahat sa Biblia.

  • Ang awtoridad ng priesthood ay ipinagkait sa lupa kasunod ng pagkamatay ng Tagapagligtas at ng Kanyang mga Apostol at ipinanumbalik sa ating panahon.

  • Hindi tumigil ang paghahayag, at hindi sarado ang kalangitan. Nangungusap ang Diyos sa mga propeta ngayon, at mangungusap din Siya sa inyo at sa akin.8

  • Mayroon pang naghihintay pagkatapos ng buhay na ito bukod sa langit at impiyerno. May mga antas ng kaluwalhatian, at napakahalaga ng ginagawa natin sa buhay na ito.9

  • Higit pa sa basta maniwala lang kay Cristo, dapat nating “isaalang-alang [Siya] sa bawat pag-iisip,”10 “gawin … ang lahat ng [ating] ginagawa sa pangalan ng Anak,”11 at “lagi siyang alalahanin at [sundin] ang kanyang mga kautusan … nang sa tuwina ay mapasa[atin] ang kanyang Espiritu upang makasama [natin].”12

  • Ang bilyun-bilyong nabuhay at namatay nang walang ebanghelyo at mga ordenansang kailangan sa kaligtasan ay hindi nawawala. Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo, ang buong sangkatauhan “ay maaaring maligtas, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas at ordenansa ng Ebanghelyo,”13 na isinasagawa kapwa para sa mga buhay at mga patay.14

  • Hindi sa pagsilang nagsimula ang lahat. Nabuhay na kayo sa piling ng Diyos bilang Kanyang anak na lalaki o babae at inihanda para sa mortal na buhay na ito.15

  • Ang kasal at pamilya ay hindi mga tradisyon ng tao na hanggang kamatayan lamang. Nilayon itong maging walang hanggan sa pamamagitan ng mga pakikipagtipan natin sa Diyos. Ang pamilya ang huwaran ng langit.16

At bahagi lang ito ng sunud-sunod na paghahayag na ibinuhos kay Joseph Smith. Saan nanggaling ang lahat ng ito, ang mga paghahayag na ito na nagbibigay ng liwanag sa kadiliman, ng linaw sa pag-aalinlangan, at nagbigay ng inspirasyon, nagpala, at nakabuti sa milyun-milyong tao? Ano ang malamang na nangyari, na naisip lang niya iyon nang mag-isa o tinulungan siya ng langit? Ang inilabas ba niyang mga banal na kasulatan ay parang mga salita ng tao o mga salita ng Diyos?

Pagwawakas

Wala tayong pagtatalunan tungkol sa nagawa ni Joseph Smith, kundi kung paano niya ginawa ang ginawa niya at bakit. At walang gaanong pagpipilian. Maaaring nagpapanggap siya o isa siyang propeta. Maaaring ginawa niyang mag-isa ang ginawa niya, o tinulungan siya ng langit. Tingnan ninyo ang katibayan, ngunit tingnan ang lahat ng katibayan, lahat ng nangyari sa buhay niya, hindi ang isang aspeto lang. Ang pinakamahalaga, gawin ninyo ang ginawa ng batang si Joseph at “humingi sa Dios, na nagbibigay ng sagana sa lahat at hindi nanunumbat; at ito’y ibibigay sa [inyo].”17 Hindi lamang ito paraan ng pag-alam sa katotohanan tungkol sa Aklat ni Mormon at kay Joseph Smith, huwaran din ito ng pag-alam sa katotohanan ng lahat ng bagay.18

Si Joseph Smith ay isang propeta ng Diyos, tulad ni Thomas S. Monson ngayon. Sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang mga susi ng kaharian ng Diyos ay muling “ipinagkatiwala sa tao sa mundo, at … ang ebanghelyo ay lalaganap … gaya ng batong tinibag mula sa bundok, hindi ng mga kamay … , hanggang sa mapuno nito ang buong mundo.”19

Ang Diyos ang ating Amang Walang Hanggan, at si Jesus ang Cristo. Sinasamba natin Sila. Walang makahahambing sa Kanilang mga likha, sa plano ng kaligtasan, at sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Kordero ng Diyos. Sa dispensasyong ito, isinasakatuparan natin ang plano ng Ama at nakakabahagi lang tayo sa mga bunga ng Pagbabayad-sala sa pagsunod sa mga batas at ordenansa ng ebanghelyo, na ipinanumbalik sa pamamagitan ni Joseph Smith. Pinatototohanan ko Sila—ang Diyos Amang Walang Hanggan at si Jesucristo, ang Tagapagligtas ng sanlibutan. At sinasabi ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.