2019
“Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin”
Mayo 2019


2:3

“Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin”

Inaanyayahan tayo ni Jesucristo na tahakin ang landas ng tipan pabalik sa ating mga Magulang sa Langit at para makasama ang mga mahal natin sa buhay.

Minamahal kong mga kapatid, kami ng asawa kong si Wendy ay nagagalak na makasama kayo sa umaga ng Sabbath na ito. Napakaraming naganap simula noong huling pangkalahatang kumperensya. Inilaan ang mga bagong templo sa Concepción, Chile; Barranquilla, Colombia; at Rome, Italy. Naranasan natin ang saganang pagbuhos ng Espiritu sa mga sagradong pangyayaring ito.

Binabati ko ang maraming kababaihan (at kalalakihan) na nagbasa kamakailan ng Aklat ni Mormon at nakatuklas ng kagalakan at mga nakatagong kayamanan. Nabigyang-inspirasyon ako ng mga ulat tungkol sa mga natanggap na himala.

Namamangha ako sa mga 11 anyos na binatilyo, na mga deacon na ngayon, na marapat na nagpapasa ng sakramento tuwing Linggo. Pumupunta sila sa templo kasama ng ating mga 11-anyos na dalagita, na ngayon ay sabik na natututo at naglilingkod bilang mga Beehive. Kapwa mga kabataang lalaki at kabataang babae ay nangangaral ng mga katotohanan ng ebanghelyo nang may kalinawan at matibay na paniniwala.

Lubos akong nagagalak para sa mga bata at kabataan na tumutulong na ituro ang ebanghelyo sa kanilang tahanan habang nakikipagtulungan sila sa kanilang mga magulang na sundin ang nakasentro sa tahanan at suportado ng Simbahan na kurikulum.

Natanggap namin ang larawang ito ng apat na taong gulang na si Blake, na kumuha ng isang libro ng Simbahan isang Sabado ng umaga at bumulalas na “Kailangan kong pakainin ang aking espiritu!”

Pinakakain ni Blake ang kanyang espiritu

Blake, labis kaming natutuwa sa iyo at sa iba pa na pinipiling pakainin ang kanilang espiritu sa pagpapakabusog sa mga katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. At nagagalak kami na malaman na marami ang nakatatanggap ng kapangyarihan ng Diyos sa kanilang buhay habang sila ay sumasamba at naglilingkod sa templo.

Tulad ng alam ng marami sa inyo, ang aming pamilya ay nakaranas ng malungkot na pakikipaghiwalay tatlong buwan na ang lumipas nang pumanaw ang anak naming si Wendy. Sa mga huling araw ng kanyang pakikibaka sa kanser, mapalad akong magkaroon ng anak-sa-ama na pakikipag-usap para mamaalam.

Hinawakan ko ang kanyang mga kamay at sinabi sa kanya kung gaano ko siya kamahal at kung gaano kalaki ang pasasalamat ko na maging ama niya. Sinabi ko: “Ikinasal ka sa templo at matapat na tinupad ang iyong mga tipan. Kayo ng asawa mo ay malugod na nagpapasok ng pitong anak sa inyong tahanan at pinalaki sila na maging matatapat ng disipulo ni Jesucristo, magigiting na miyembro ng Simbahan, at mga mamamayang tumutulong. At pumili sila ng mga asawa na may mga katangiang katulad ng sa kanila. Labis kang ipinagmamalaki ng iyong daddy. Napakalaki ng kagalakang ibinigay mo sa akin!”

Tahimik siyang tumugon ng, “Salamat po, Daddy.”

Emosyonal na sandali iyon para sa amin na puno ng mga luha. Sa kanyang 67 taon, gumawa kami nang magkasama, kumanta nang magkasama, at madalas na nag-ski nang magkasama. Subalit nang gabing iyon, nag-usap kami tungkol sa mga bagay na pinakamahalaga, tulad ng mga tipan, ordenansa, pagsunod, pananampalataya, pamilya, katapatan, pagmamahal, at buhay na walang hanggan.

Labis kaming nangungulila sa aming anak. Gayunman, dahil sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo, hindi kami nag-aalala para sa kanya. Habang patuloy naming tinutupad ang aming mga tipan sa Diyos, namumuhay kami nang may pananabik na makasama siyang muli. Samantala, pinaglilingkuran namin ang Panginoon dito at pinaglilingkuran niya ang Panginoon doon—sa paraiso.1

Katunayan, binisita namin ng asawa ko ang Paradise sa simula ng taong ito—ang Paradise, California. Dahil sa nangyari, ang aming nakaiskedyul na pagbisita doon ay naganap nang kulang sa 40 oras matapos pumanaw ang aming anak mula sa mundong ito. Kami, kasama si Elder Kevin W. Pearson at ang asawa niyang si June, ay pinalakas ng mga Banal ng Chico California Stake. Nalaman namin ang kanilang malaking pananampalataya, ang kanilang ministering, at ang mga himalang naganap sa kabila ng mga nawala sa kanila dahil sa mapaminsalang sunog sa kagubatan sa kasaysayan ng California.

Habang naroon, matagal naming nakausap ang isang batang pulis, si John, na isa sa matatapang na naunang rumesponde. Nagbalik-tanaw siya sa makapal na kadiliman na bumalot sa Paradise noong Nobyembre 8, 2018, habang ang apoy at baga ay mabilis na kumalat sa bayan, nilalamon ang mga gamit at ari-arian na tulad ng isang salot at walang iniiwan kundi mga bunton ng abo at puro laryong tsimenea.

Ang meetinghouse pagkatapos ng sunog

Sa loob ng 15 oras, nagmaneho si John sa di madaanang kadiliman na puno ng nagliliparang mga alipato habang isa-isa niyang tinulungang maging ligtas ang mga tao at pamilya—lahat ng ito sa gitna ng panganib sa kanyang buhay. Gayunman sa gitna ng nakahahapong kakila-kilabot na karanasang iyon, ang labis na nagbigay ng pangamba kay John ay ang pinakamahalaga niyang tanong: “Nasaan ang aking pamilya?” Matapos ang napakahaba at nakakatakot na mga oras ng pagdurusa, nalaman niya sa wakas na ligtas silang nakalikas.

Ang salaysay tungkol sa pag-aalala ni John sa kanyang pamilya ang nag-udyok sa akin na magsalita ngayon sa inyo na maaaring nagtatanong habang papalapit sa katapusan ang buhay ninyo dito sa mundo, “Nasaan ang aking pamilya?” Sa araw na iyon kapag natapos na ang inyong pagsubok sa buhay na ito at papasok na kayo sa mundo ng mga espiritu, haharapin ninyo ang makadurog-pusong tanong na iyon: “Nasaan ang aking pamilya?”

Itinuturo ni Jesucristo ang daan pabalik sa ating tahanan sa langit. Nauunawaan Niya nang higit kaysa sinuman sa atin ang plano ng walang hanggang pag-unlad ng ating Ama sa Langit. Ito ay dahil Siya rin naman ang saligang bato ng lahat ng ito. Siya ang ating Manunubos, ang ating Manggagamot, at ang ating Tagapagligtas.

Mula nang pinalayas sina Adan at Eva sa Halamanan ng Eden, ibinigay ni Jesus na Siyang Cristo ang Kanyang makapangyarihang bisig para tulungan ang lahat ng pumipiling sumunod sa Kanya. Paulit-ulit na itinala sa mga banal na kasulatan na sa kabila ng lahat ng uri ng kasalanan mula sa lahat ng uri ng tao, ang Kanyang mga bisig ay nananatitiling nakaunat sa atin.2

Ang espiritu sa bawat isa sa atin ay likas na nagnanais na tumagal ang pagmamahalan ng pamilya magpakailanman. Ang mga awitin ng pag-ibig ay nagbibigay ng maling pag-asa na pagmamahal lang ang kailangan kung gusto ninyong magkasama magpakailanman. At ang ilan ay may maling paniniwala na ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo ay may pangako na makakasama ng lahat ng tao ang kanilang mga mahal sa buhay pagkatapos ng buhay na ito.

Ang totoo, nilinaw nang husto ng Tagapagligtas mismo na bagamat tinitiyak ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli na ang bawat tao na nabuhay ay tiyak na mabubuhay na mag-uli at mabubuhay magpakailanman,3 higit pa rito ang kailangan kung gusto nating magkaroon ng mataas na pribilehiyo ng kadakilaan. Ang kaligtasan ay responsibilidad ng bawat indibiduwal, ngunit ang kadakilaan responsibilidad ng pamilya.

Pakinggan ang mga salita ng Panginoong Jesucristo sa Kanyang propeta: “Lahat ng tipan, kasunduan, pagkakabigkis, pananagutan, sumpaan, panata, gawain, kaugnayan, samahan, o inaasahan, na hindi ginawa at ipinasok sa at ibinuklod ng Banal na Espiritu ng pangako … ay walang bisa, kapangyarihan, o lakas sa at pagkaraan ng pagkabuhay na mag-uli mula sa patay; sapagkat lahat ng kasunduan na hindi ginawa sa layuning ito ay may katapusan kapag patay na ang mga tao.”4

Kaya, ano ang kailangan para dakilain ang isang pamilya magpakailanman? Nagiging marapat tayo sa pribilehiyong iyon sa pakikipagtipan sa Diyos, pagtupad sa mga tipang iyon, at pagtanggap ng mga kinakailangang ordenansa.

Ito ay totoo magmula pa sa simula ng panahon. Sina Adan at Eva, Noe at ang kanyang asawa, Abraham at Sara, Lehi at Saria, at ang lahat ng iba pang matatapat na disipulo ni Jesucristo—mula pa nang nilikha ang mundo—ay gumawa ng katulad na mga tipan sa Diyos. Tumanggap sila ng katulad na mga ordenansa na tinatanggap nating mga miyembro ng ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon ngayon: ang mga tipan na natanggap natin sa binyag at sa templo.

Inaanyayahan ng Tagapagligtas ang lahat na sundan Siya sa mga tubig ng binyag at, kalaunan, ay makipagtipan pa sa Diyos sa templo at tanggapin at maging matapat sa mga karagdagang kinakailangang ordenansang iyon. Ang lahat ng ito ay kinakailangan kung gusto nating madakilang kasama ng ating pamilya at ng Diyos magpakailanman.

Masakit sa puso ko na marami sa mga tao na aking minamahal, hinahangaan, at iginagalang ay tumatanggi sa Kanyang paanyaya. Binabalewala nila ang mga pakiusap ni Jesucristo kapag nag-aanyaya Siya na, “Pumarito ka, sumunod ka sa akin.”5

Nauunawaan ko kung bakit umiiyak ang Diyos.6 Umiiyak din ako para sa mga kaibigan at kamag-anak kong iyon. Kahanga-hanga silang kalalakihan at kababaihan na mapagmahal sa kanilang mga pamilya at matapat sa kanilang mga tungkulin sa lipunan. Bukas-palad silang nagbibigay ng kanilang oras, lakas, at kabuhayan. At nagiging mas mabuti ang mundo dahil sa kanilang mga ginagawa. Subalit pinili nilang hindi gumawa ng mga tipan sa Diyos. Hindi nila tinanggap ang mga ordenansa na magpapadakila sa kanila kasama ang kanilang pamilya at magbibigkis para magkasama-sama sila magpakailanman.7

Kung maaari ko lang sana silang kausapin at anyayahan na pag-isipang mabuti ang nagbibigay-kakayahang mga batas ng Panginoon. Iniisip ko kung ano kaya ang maaari kong sabihin para madama nila kung gaano sila kamahal ng Tagapagligtas, para malaman nila kung gaano ko sila kamahal, at para maunawaan nila kung paano makatatanggap ang mga babae at lalaki na tumutupad sa tipan, ng “ganap na kagalakan”.8

Kailangan nilang maunawaan na kahit may lugar para sa kanila sa kabilang-buhay—kasama ng mga kahanga-hangang lalaki at babae na pumili rin na hindi gumawa ng mga tipan sa Diyos—hindi iyon ang lugar kung saan magsasamang muli ang mga pamilya at mabibigyan ng pribilehiyo na mabuhay at umunlad magpakailanman. Hindi iyon ang kaharian kung saan nila mararanasan ang ganap na kagalakan—ng walang hanggang pag-unlad at kaligayahan.9 Ang mga pinakadakilang pagpapalang iyon ay darating lamang sa pamumuhay sa dakilang selestiyal na kaharian kasama ng Diyos, na ating Amang Walang Hanggan; ng Kanyang Anak na si Jesucristo; at ng ating kahanga-hanga, marapat, at kwalipikadong mga kapamilya.

Gusto kong sabihin sa mga kaibigan kong nag-aalinlangan:

“Sa buhay na ito, ayaw ninyo ang anumang bagay na ikalawa lamang sa pinakamainam. Gayon man, dahil pinipigilan ninyo ang inyong sarili na yakapin nang lubos ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo, tinatanggap ninyo ang ikalawa lamang sa pinakamainam.

“Sinabi ng Tagapagligtas, ‘Sa bahay ng aking Ama ay maraming mansiyon.’10 Gayon man, kapag pinipili ninyo na hindi makipagtipan sa Diyos, tinatanggap ninyo ang manipis na bubungan sa ibabaw ng inyong mga uluhan sa buong kawalang-hanggan.”

Daragdagan ko ang aking paanyaya sa mga kaibigan kong nag-aalinlangan sa pagsasabing:

“Ibuhos sa Diyos ang inyong niloloob. Itanong sa Kanya kung ang mga bagay na ito ay totoo. Maglaan ng oras para pag-aralan ang Kanyang mga salita. Mag-aral nang husto! Kung talagang mahal ninyo ang inyong pamilya at kung nais ninyong madakila kasama nila sa buong kawalang hanggan, pagtrabahuhan ito ngayon—sa pag-aaral nang mabuti at taimtim na panalangin—para malaman ang mga walang-hanggang katotohanang ito at pagkatapos ay sundin ang mga ito.

“Kung hindi ninyo tiyak kung naniniwala nga ba kayo sa Diyos, magsimula roon. Unawain na ang kawalan ng mga karanasan sa Diyos ang maaaring dahilan ng pagdududa na mayroong Diyos. Kaya, ilagay ang inyong sarili sa posisyon na masimulang magkaroon ng mga karanasan sa Kanya. Magpakumbaba. Manalangin na magkaroon ng mga mata na makakakita sa kamay ng Diyos sa inyong buhay at sa mundong nakapaligid sa inyo. Hilingin sa Kanya na sabihin sa inyo kung naroroon Siya talaga—kung nakikilala Niya kayo. Tanungin Siya kung ano ang nadarama Niya para sa inyo. At pagkatapos ay makinig.”

Ang isang mahal kong kaibigan ay may kakaunting karanasan sa Diyos. Ngunit nais niyang makasama ang kanyang pumanaw na asawa. Kaya hiniling niya na tulungan ko siya. Hinikayat ko siya na makipagkita sa ating mga missionary para maunawaan ang doktrina ni Cristo at matutuhan ang mga tipan, ordenansa, at pagpapala ng ebanghelyo.

Ginawa niya iyon. Ngunit nadama niya na ang ipinayo nilang landas ay humihiling ng napakaraming pagbabago sa kanyang buhay. Sinabi niya, “Ang mga kautusan at tipang iyon ay talagang napakahirap para sa akin. At, hindi ko kayang magbayad ng ikapu, at wala akong panahong maglingkod sa Simbahan.” Pagkatapos ay hiniling niya sa akin, “Kapag namatay ako, pakigawa mo ang mga kinakailangang gawain sa templo para sa amin ng asawa ko para magkasama kaming muli.”

Mabuti na lang, hindi ako ang hahatol sa lalaking ito. Pero nagdududa ako sa bisa ng mga proxy na gawain sa templo para sa isang lalaki na nagkaroon ng pagkakataon na mabinyagan sa buhay na ito—na maorden sa priesthood at matanggap ang mga pagpapala sa templo habang narito sa buhay na ito—ngunit kusang nagdesisyon na tanggihan ang landas na iyon.

Minamahal kong mga kapatid, inaanyayahan tayo ni Jesucristo na tahakin ang landas ng tipan pabalik sa ating mga Magulang sa Langit at makasama ang mga mahal natin sa buhay. Inaanyayahan Niya tayong “pumarito ka, sumunod ka sa akin.”

Ngayon, bilang Pangulo ng Kanyang Simbahan, nakikiusap ako sa inyong mga lumayo sa Simbahan at sa inyo na hindi pa talaga naghangad na makaalam na ipinanumbalik na ang Simbahan ng Tagapagligtas. Gawin ang espirituwal na gawain para malaman ninyo ito mismo, at gawin na ito ngayon. Paubos na ang oras.

Pinatototohanan ko na ang Diyos ay buhay! Si Jesus ang Cristo. Ang Kanyang Simbahan at ang kabuuan ng Kanyang ebanghelyo ay ipinanumbalik na para pagpalain ang ating buhay ng kagalakan, dito at sa kabilang-buhay. Ito ang patotoo ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.