Elder John A. McCune
General Authority Seventy
Sa simula ng kanyang business career, nakausap ni Elder John A. McCune ang kanyang boss at nalaman niya kaagad na walang gaanong alam ang taong ito tungkol sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Itinanong ng boss ni Elder McCune kung bakit hindi sumasayaw o kumakain ng cookies ang mga Banal sa mga Huling Araw.
“Kumakain ako ng cookies,” sabi ni Elder McCune sa kanyang boss na nakangiti at hinahaplos ang kanyang tiyan. “Sa palagay ko ay hindi kami ang tinutukoy mo.”
Habang nag-uusap sila, nilinaw ni Elder McCune ang mga maling paniniwala tungkol sa Simbahan. Ang pag-uusap na iyon ay humantong sa iba pang mga pag-uusap tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo at napatunayan ni Elder McCune ang kahalagahan ng pagiging palaging handa na ibahagi ang ebanghelyo.
“Tayo ay mga disipulo ng Tagapagligtas na si Jesucristo, saanman tayo naroon, sa anumang kalagayan, sa anumang pagkakataon,” sabi ni Elder McCune. “May mga trabaho at career tayo, ngunit ang mga ito ay para masuportahan ang ating mga pamilya at inilalagay tayo sa mga sitwasyon para maibahagi ang ebanghelyo. Iyan ang pangunahin nating responsibilidad bilang mga disipulo ni Jesucristo.”
Si John Allen McCune ay isinilang sa Santa Cruz, California, USA, noong Hunyo 20, 1963, sa kanyang mga magulang na sina Clifford at Joan Schulthies McCune. Siya ay lumaki sa Nyssa, Oregon, USA.
Pagkatapos ng full-time mission sa Fukuoka, Japan, pinakasalan ni Elder McCune si Debbra Ellen Kingsbury sa Salt Lake Temple noong 1984. Mayroon silang apat na anak at nakatira sa Midway, Utah, USA.
Natanggap ni Elder McCune ang bachelor of science degree in finance mula sa Brigham Young University at kalaunan ang master of business administration degree in finance mula sa University of California, Los Angeles (UCLA). Nagtrabaho siya bilang senior vice president at managing director para sa Capital Investment Advisors mula 1997 hanggang 2012. Naglingkod siya noon bilang pangulo ng Utah Provo Mission bago naging donor liaison para sa principal gifts kasama ang LDS Philanthropies.
Si Elder McCune ay naglilingkod bilang Area Seventy noong tinawag siya sa kanyang bagong tungkulin. Siya ay naglingkod din bilang stake president, bishop, tagapayo sa bishopric at sa branch presidency, at elders quorum president.