2019
Ang Kapangyarihan ng Pananampalataya sa Pagsang-ayon
Mayo 2019


2:3

Ang Kapangyarihan ng Pananampalataya sa Pagsang-ayon

Sa pamamagitan ng pagtataas ng inyong kamay, nangangako kayo sa Diyos, na pinaglilingkuran ng mga taong ito, na sasang-ayunan ninyo sila.

Maraming beses ko nang narinig ang mga pinuno ng priesthood na nagpasalamat para sa pananampalataya sa pagsang-ayon ng mga taong pinaglilingkuran nila. Mula sa emosyon sa kanilang mga tinig, nalalaman na ang kanilang pagpapasalamat ay malalim at tapat. Ang layunin ko ngayong araw ay iparating ang pasasalamat ng Panginoon para sa inyong pagsang-ayon sa Kanyang mga tagapaglingkod sa Kanyang Simbahan. Gayundin, ito ay para hikayatin rin kayong gamitin ang at lumago sa kakayahan na palakasin ang iba gamit ang inyong pananampalataya.

Bago pa kayo isilang, ipinamalas na ninyo ang ganyang kakayahan. Isipin ang nalalaman natin tungkol sa daigdig ng mga espiritu bago tayo isinilang. Inilahad ng ating Ama sa Langit ang isang plano para sa Kanyang mga anak. Naroon tayo. Sinalungat ni Lucifer, na ating kapatid sa espiritu, ang plano na magtutulot sa atin ng kapangyarihang pumili. Si Jehova, ang Pinakamamahal na Anak ng Ama sa Langit, ay sumang-ayon sa plano. Pinamunuan ni Lucifer ang isang paghihimagsik. Nagwagi ang sumasang-ayon na tinig ni Jehova, at nagboluntaryo Siya na maging Tagapagligtas natin.

Ang katotohanang buhay kayo ngayon ay tumitiyak na sumang-ayon kayo sa Ama at sa Tagapagligtas. Kinailangan ang pananampalataya kay Jesucristo upang sang-ayunan ang plano ng kaligayahan at ang tungkulin ni Jesucristo rito sapagkat kakaunti lamang ang inyong pagkakaalam tungkol sa mga hamong haharapin ninyo sa mortalidad.

Ang inyong pananampalatayang sang-ayunan ang mga tagapaglingkod ng Diyos ay nasa kaibuturan ng inyong kaligayahan maging sa buhay na ito. Nang tinanggap ninyo ang hamon ng isang missionary na manalangin upang malaman na ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos, nanampalataya kayo upang sumang-ayon sa isang tagapaglingkod ng Panginoon. Nang tinanggap ninyo ang paanyayang mabinyagan, sinang-ayunan ninyo ang isang mapagpakumbabang tagapaglingkod ng Diyos.

Nang hinayaan ninyo ang isang tao na ipatong ang kanyang kamay sa inyong ulo at sabihing, “Tanggapin ang Espiritu Santo,” sinang-ayunan ninyo siya bilang maytaglay ng Melchizedek Priesthood.

Simula noong araw na iyon, sa pamamagitan ng matapat na paglilingkod, sinang-ayunan ninyo ang bawat tao na naggawad sa inyo ng priesthood at inordena kayo sa isang katungkulan sa priesthood na iyon.

Noong bago pa lamang kayo sa priesthood, ang bawat pagsang-ayon ay isang simpleng pagpapakita ng pagtitiwala sa isang tagapaglingkod ng Diyos. Ngayon, marami sa inyo ang nasa sitwasyon kung saan ang pagsang-ayon ay mas malaki ang hinihingi.

Makakapagdesisyon kayo kung sasang-ayon kayo sa lahat ng tinawag ng Panginoon—saanmang tungkulin sila tinawag ng Panginoon. Ang paggawa ng desisyong iyan ay nangyayari sa mga kumperensya sa buong daigdig. Nangyari iyan ngayon. Sa mga ganitong pagpupulong, ang mga pangalan ng kalalakihan at kababaihan—mga tagapaglingkod ng Diyos—ay binabasa at kayo ay inaanyayahang itaas ang inyong kamay para sumang-ayon. Maaari kayong hindi sumang-ayon, o maaari ninyo ipakita ang inyong pananampalataya sa pagsang-ayon. Sa pamamagitan ng pagtataas ng inyong kamay, nangangako kayo. Nangangako kayo sa Diyos, na pinaglilingkuran ng mga taong ito, na sasang-ayunan ninyo sila.

Sila ay mga taong hindi perpekto, katulad ninyo. Ang pagtupad sa inyong mga pangako ay nangangailangan ng hindi natitinag na pananampalatayang tinawag sila ng Panginoon. Ang pagtupad sa mga pangakong iyan ay magdadala rin ng walang hanggang kaligayahan. Ang hindi pagtupad sa mga ito ay magdadala ng kalungkutan sa inyo at sa mga minamahal ninyo—at maging mga pagkawala na hindi ninyo mawawari.

Maaaring itinanong na sa inyo, o itatanong sa inyo, kung sinasang-ayunan ninyo ang inyong bishop, stake president, ang mga General Authority, at ang mga Pangkalahatang Opisyal ng Simbahan. Maaaring mangyari ito kapag hiniling sa inyo na sang-ayunan ang mga opisyal at pinuno sa isang kumperensya. Minsan, mangyayari ito sa isang interbyu kasama ng isang bishop o stake president.

Ang payo ko ay itanong sa inyong mga sarili ang mga tanong na iyon bago pa dumating ang mga pagkakataong iyon, nang may maingat at mapanalanging pag-iisip. Sa paggawa nito, maaaring alalahanin ninyo ang inyong mga saloobin, salita, at gawa kamakailan. Subukang alalahanin at ibalangkas ang mga sagot na ibibigay ninyo kapag ininterbyu kayo ng Panginoon, nalalaman na balang-araw ay gagawin Niya iyon. Makapaghahanda kayo sa pamamagitan ng pagtatanong sa inyong mga sarili ng mga tanong na katulad ng sumusunod:

  1. Naisip o naikuwento ko na ba ang tungkol sa kahinaan ng mga taong ipinangako kong sasang-ayunan?

  2. Naghanap na ba ako ng ebidensyang pinapatnubayan sila ng Panginoon?

  3. Matiyaga at tapat ko bang sinusunod ang kanilang pamumuno?

  4. Nasabi ko na ba ang tungkol sa ebidensyang nakita ko na mga tagapaglingkod sila ng Diyos?

  5. Regular ko ba silang ipinagdarasal gamit ang kanilang pangalan at nang may pagmamahal?

Ang mga tanong na ito, para sa karamihan sa atin, ay magdudulot ng kaunting pagkabalisa at ng pangangailangang magsisi. Inutusan tayo ng Diyos na huwag husgahan ang iba nang hindi matwid, subalit sa katotohanan, nakikita nating mahirap iwasan iyon. Halos lahat ng bagay na ginagawa natin sa pakikisalamuha sa mga tao ay nagdudulot sa atin na suriin sila. At sa halos bawat aspeto ng ating buhay, inihahambing natin ang ating mga sarili sa iba. Maaaring ginagawa natin ito dahil sa maraming kadahilanan, ang ilan sa mga ito ay katanggap-tanggap, subalit kadalasang nagdudulot ito na maging mapamintas tayo.

Ibinigay ni Pangulong George Q. Cannon ang isang babala na ipapasa ko sa inyo bilang akin. Naniniwala ako na katotohanan ang sinabi niya: “Pinili ng Diyos ang Kanyang mga tagapaglingkod. Inaangkin Niya bilang Kanyang karapatan ang isumpa sila kung kailangan silang isumpa. Hindi Niya ibinigay sa atin bilang mga indibiduwal na pintasan at isumpa sila. Walang tao, gaano man siya katibay sa pananampalataya, gaano man kataas sa Priesthood, ang makapagsasalita ng masama tungkol sa pinili ng Panginoon at maghahanap ng kamalian sa awtoridad ng Diyos sa mundo nang hindi nakatatanggap ng Kanyang galit. Inilalayo ng Espiritu Santo ang kanyang sarili mula sa ganitong tao, at masasadlak siya sa kadiliman. Dahil dito, nakikita ba ninyo kung gaano kahalaga na mag-ingat tayo?”1

Ang obserbasyon ko ay ang mga miyembro ng Simbahan sa buong daigdig ay karaniwang tapat sa bawat isa at sa mga namumuno sa kanila. Gayunman, mayroong mga pagpapabuti na magagawa at kailangan nating gawin. Magagawa nating mas paigtingin ang ating kakayahang sang-ayunan ang bawat isa. Kakailanganin nito ang pananampalataya at pagsusumikap. Narito ang apat na mungkahing maibibigay ko sa kumperensyang ito na dapat nating gawin.

  1. Maaari nating tukuyin ang mga partikular na gawaing itinagubilin ng mga tagapagsalita at gawin ang mga ito simula ngayon. Sa paggawa nito, madaragdagan ang ating kakayahang sang-ayunan sila.

  2. Maaari tayong manalangin para sa kanila habang nagsasalita sila upang madala ng Espiritu Santo ang kanilang mga salita sa mga puso ng mga espesipikong tao na minamahal natin. Kapag nalaman natin kalaunan na sinagot ang ating panalangin, madaragdagan ang ating kapangyarihang masang-ayunan ang mga pinuno na iyon.

  3. Maaari nating ipanalangin na mabasbasan at mapalakas ang mga espesipikong tagapagsalita habang ibinibigay nila ang kanilang mga mensahe. Kapag nakita natin na napalakas sila, lalago tayo sa ating pananampalataya na sang-ayunan sila, at magpapatuloy ito.

  4. Maaari nating pakinggan ang mga mensahe mula sa mga tagapagsalita na magiging sagot sa ating mga personal na panalangin upang matulungan tayo. Kapag dumating ang mga sagot, at darating ang mga ito, lalago ang ating pananampalataya na sang-ayunan ang lahat ng mga tagapaglingkod ng Panginoon.

Bukod pa sa pagpapabuti sa pagsang-ayon sa mga naglilingkod sa Simbahan, matututuhan natin na mayroon pang isa pang lugar kung saan maaaring maidagdag sa atin ang ganoong kakayahan. Doon ay makapagbibigay ito ng dagdag na mga pagpapala sa atin. Ito ay ang tahanan at pamilya.

Nangungusap ako sa mga batang priesthood holder na nakatira sa tahanan ng kanyang ama. Hayaan ninyong sabihin ko sa inyo mula sa aking sariling karanasan kung gaano kahalaga para sa isang ama na maramdaman ang inyong tapat na pagsang-ayon sa kanya. Maaaring mukhang may tiwala siya sa kanyang sarili. Subalit humaharap siya sa mas maraming hamon kaysa sa nalalaman ninyo. May mga pagkakataong hindi niya makita ang solusyon sa mga problemang nasa harapan niya.

Ang paghanga ninyo sa kanya ay makatutulong nang kaunti sa kanya. Ang pagmamahal ninyo sa kanya ay lalong mas makatutulong. Subalit ang bagay na pinakamakatutulong sa kanya ay ang taos-pusong mga salitang tulad nito: “Tay, ipinagdasal kita, at nadama kong tutulungan ka ng Panginoon. Magiging maayos ang lahat. Alam kong mangyayari iyon.”

May kaparehas ding bisa ang mga salitang ito kung manggagaling sa ama patungo sa anak. Kapag ang isang anak ay gumawa ng matinding pagkakamali, kahit sa espirituwal na bagay, maaari niyang maramdamang nabigo siya. Bilang tatay niya, maaaring magulat ka kapag sa sandaling iyon, matapos mong ipanalangin ang gagawin mo, ay ilagay ng Espiritu Santo ang mga salitang ito sa iyong bibig: “Anak, nandito ako para sa iyo hanggang sa huli. Mahal ka ng Panginoon. Sa tulong Niya, makababalik ka. Alam kong magagawa mo iyan at na gagawin mo iyan. Mahal kita.”

Sa priesthood korum at sa pamilya, ang dagdag na pananampalataya upang tulungan ang bawat isa ay ang paraan na maitataguyod natin ang Sion sa paraang nais ng Panginoon. Sa pamamagitan ng Kanyang tulong, magagawa, at gagawin natin iyon. Kakailanganing matutuhan nating mahalin ang Panginoon nang buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas at mahalin ang bawat isa tulad ng pagmamahal natin sa ating sarili.

Kapag lumago ang ating dalisay na pagmamahal ni Cristo na iyon, lalambot ang ating mga puso. Ang pagmamahal na iyon ay magtutulot sa atin na magpakumbaba at magsisi. Ang ating tiwala sa Panginoon at sa bawat isa ay lalago. At pagkatapos ay lalapit tayo tungo sa pagiging isa, tulad ng ipinangako sa atin ng Panginoon na magagawa natin.2

Pinatototohanan ko na kilala at minamahal kayo ng Ama sa Langit. Si Jesus ang buhay na Cristo. Ito ang Kanyang Simbahan. Taglay natin ang Kanyang priesthood. Tatanggapin Niya ang ating mga pagsisikap na palaguin ang kakayahang gamitin ito at palakasin ang bawat isa. Pinatototohanan ko ito sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Gospel Truth: Discourses and Writings of George Q. Cannon, ed. Jerreld L. Newquist (1974), 1:278.

  2. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 35:2.