2019
Elder Rubén V. Alliaud
Mayo 2019


Elder Rubén V. Alliaud

General Authority Seventy

Elder Rubén V. Alliaud

Si Rubén Alliaud ay 14 anyos nang umalis sa kanyang tahanan sa Argentina para mamalagi ng isang taon sa kanyang tiyuhin sa Estados Unidos. Ang kanyang ama na si Rubén Reynaldo Alliaud, ay pumanaw na bago pa iyon, kaya unti-unting naging “mapagrebelde” si Ruben.

Dahil sa pag-aalala, ipinadala siya ng kanyang ina sa Houston, Texas, para patirahin siya sa kanyang kapatid, si Manuel Bustos, at sa pamilya nito. May isang kondisyon siyang hiniling sa pamilya ng kanyang kapatid: “Huwag ninyong ituro sa anak ko ang mga paniniwala ninyong mga Banal sa mga Huling Araw.”

Subalit ang diwa ng ebanghelyo ay nakaakit sa balisang tinedyer. Nakita niya kung paano pinag-isa ng Simbahan ang pamilya Bustos sa pamamagitan ng panalangin at paglilingkod, at hindi niya maiwasang pansinin ang maraming kopya ng Aklat ni Mormon sa mga estante ng kanyang silid.

Nais pang malaman ang tungkol dito, kumuha siya ng isang kopya at natuklasan ang pangako ni Moroni na malalaman niya na totoo ang Aklat ni Momron sa pamamagitan ng panalangin.

“Naantig ako ng pangakong iyon,” sabi ng bagong tawag na General Authority Seventy. “Ginusto kong basahin ang aklat.”

Sineryoso niya ang pangako ni Moroni, tumanggap ng positibong sagot, at sinabi sa kanyang nagulat na tiyuhin na gusto niyang magpabinyag. Kaagad na pinauwi ni Tiyo Manuel si Rubén sa Argentina para humingi ng pahintulot sa kanyang ina. Hindi nagtagal ay nabinyagan siya. Mula noon, ang ipinanumbalik ng ebanghelyo ang naging sentro ng buhay ni Elder Alliaud.

Si Rubén Vicente Alliaud ay ipinanganak noong Enero 8, 1966, sa Buenos Aires. Pinakasalan niya si Fabiana Bennett Lamas sa Buenos Aires Argentina Temple noong Disyembre 17, 1992. Sila ay may anim na anak.

Si Elder Alliaud ay nagtapos ng kurso sa abogasya mula sa University of Belgrano, sa Buenos Aires, at nagtagumpay sa kanyang propesyon bilang abogado, na ang espesyalisasyon ay criminal law. Simula noong 1998 nagtrabaho siya bilang managing partner para sa Alliaud & Asociados.

Siya ay naglingkod bilang Area Seventy, pangulo ng Argentina Córdoba Mission, stake president, high councilor, bishop, elders quorum president, at missionary sa Uruguay Montevideo Mission. Noong tinawag sa tungkulin, siya ay kasalukuyang naglilingkod bilang institute teacher, unang tagapayo sa panguluhan ng Argentina Missionary Training Center, at public affairs director.