2019
Nalinis sa Pamamagitan ng Pagsisisi
Mayo 2019


2:3

Nalinis sa Pamamagitan ng Pagsisisi

Dahil sa plano ng Diyos at sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, tayo ay maaaring maging malinis sa pamamagitan ng proseso ng pagsisisi.

Sa buhay na ito, nasasaklawan tayo ng mga batas ng tao at mga batas ng Diyos. Nagkaroon ako ng hindi pangkaraniwang karanasan na maghatol sa matitinding maling gawain sa ilalim ng dalawang batas na ito—bilang hukom ng Utah Supreme Court noon at bilang miyembro ngayon ng Unang Panguluhan. Ang nalaman kong pagkakaiba ng mga batas ng tao at ng mga batas ng Diyos ay nagpaibayo ng aking pasasalamat sa katotohanan at kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Sa ilalim ng mga batas ng tao, ang isang taong nakagawa ng pinakamabibigat na krimen ay maaaring mahatulan ng habambuhay na pagkabilanggo nang walang posibilidad na mabigyan ng parole. Ngunit hindi ganito sa maawaing plano ng mapagmahal na Ama sa Langit. Nasaksihan ko na ang kaparehong mga kasalanang ito ay maaaring mapatawad sa buhay na ito dahil sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas para sa mga kasalanan ng “lahat ng yaong may bagbag na puso at nagsisising espiritu” (2 Nephi 2:7). Nanunubos si Cristo, at ang Pagbabayad-sala Niya ay totoo.

Ang mapagmahal na awa ng ating Tagapagligtas ay ipinahayag sa napakagandang himnong kakakanta lamang ng koro.

Magsipaglapit kay Jesucristo,

Kung ikaw man ay naliligaw,

Kanyang pag-ibig ang S’yang aakay

Sa liwanag ng araw.1

Ang nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo ay nagbubukas ng pinto para sa “lahat ng tao [upang] magsisi at lumapit sa kanya” (Doktrina at mga Tipan 18:11; tingnan din sa Marcos 3:28; 1 Nephi 10:18; Alma 34:8, 16). Ang aklat ni Alma ay naglalahad ng pagsisisi at kapatawaran maging ng mga tao na naging masasama at uhaw sa dugo (tingnan sa Alma 25:16; 27:27, 30). Ang aking mensahe ngayon ay mensahe ng pag-asa para sa ating lahat, kabilang ang mga taong nawala ang pagiging miyembro sa Simbahan sa pamamagitan ng pagkakatiwalag o pagtatanggal ng pangalan. Tayong lahat ay mga makasalanan na maaaring malinis sa pamamagitan ng pagsisisi. “Hindi madaling magsisi ng kasalanan,” itinuro ni Elder Russell M. Nelson sa isang pangkalahatang kumperensiya noon. “Ngunit sulit ang kapalit nito.”2

I. Pagsisisi

Ang pagsisisi ay nagsisimula sa Tagapagligtas, at ito ay isang kagalakan, hindi isang pasanin. Sa pinakahuling Pamaskong debosyonal noong Disyembre, itinuro ni Pangulong Nelson: “Ang tunay na pagsisisi ay hindi isang pangyayari. Ito ay isang walang-hanggang pribilehiyo. Ito ay napakahalaga sa pag-unlad at pagkakaroon ng kapayapaan ng isip, kapanatagan, at kagalakan.”3

Ang ilan sa pinakadakilang turo tungkol sa pagsisisi ay nasa sermon ni Alma sa Aklat ni Mormon sa mga miyembro ng Simbahan na kalaunan ay inilarawan niya na nasa kalagayan ng “labis na kawalang-paniniwala,” “naiangat sa ... kapalaluan,” at ang mga puso ay inilagak “sa mga kayamanan at sa mga walang kabuluhang bagay ng sanlibutan” (Alma 7:6). Ang bawat miyembro ng ipinanumbalik na Simbahang ito ay maraming matututuhan mula sa mga inspiradong turo ni Alma.

Nagsisimula tayo sa pananampalataya kay Jesucristo, dahil “siya itong paparito upang alisin ang mga kasalanan ng sanlibutan” (Alma 5:48). Kailangan tayong magsisi dahil, tulad ng itinuro ni Alma, “maliban kung kayo ay magsisisi hindi kayo sa anumang paraan magmamana ng kaharian ng langit” (Alma 5:51). Ang pagsisisi ay mahalagang bahagi ng plano ng Diyos. Dahil ang lahat ay magkakasala sa buhay na ito at mawawalay mula sa piling ng Diyos, ang tao ay hindi “maliligtas” kung walang pagsisisi (Alma 5:31; tingnan din sa Helaman 12:22).

Ito ay itinuro na sa simula pa lamang. Iniutos ng Panginoon kay Adan, “Ituro ito sa iyong mga anak, na ang lahat ng tao, sa lahat ng dako, ay kinakailangang magsisi, o sila sa anumang paraan ay hindi makamamana ng kaharian ng Diyos, sapagkat walang maruming bagay ang makatatahan doon, o makatatahan sa kanyang kinaroroonan” (Moises 6:57). Kailangan nating magsisi sa lahat ng ating mga kasalanan—lahat ng ating mga ginawa o hindi ginawa na salungat sa mga kautusan ng Diyos. Dapat itong gawin ng lahat. Kagabi lamang ay hinimok tayo ni Pangulong Nelson, “Mga kapatid, kailangan nating lahat na magsisi.”4

Para malinis sa pamamagitan ng pagsisisi, kailangan nating talikuran ang ating mga kasalanan at aminin ang mga ito sa Panginoon at sa Kanyang mortal na tagahatol kung kinakailangan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 58:43). Itinuro ni Alma na kailangan nating “gumawa ng mga gawa ng kabutihan” (Alma 5:35). Ang lahat ng ito ay bahagi ng madalas na paanyaya mula sa mga banal na kasulatan na lumapit kay Cristo.

Kailangan nating makibahagi ng sakramento tuwing araw ng Sabbath. Sa ordenansang iyan, gumagawa tayo ng mga tipan at tumatanggap ng mga pagpapala na tumutulong sa atin na mapaglabanan ang lahat ng mga gawain at pagnanais na humahadlang sa atin sa pagiging perpekto na siya ring paanyaya ng Tagapagligtas na kamtin natin (tingnan sa Mateo 5:48; 3 Nephi 12:48). Kapag “pinagkakaitan [natin] ang [ating mga] sarili ng lahat ng kasamaan, at iibigin ang Diyos nang buo [nating] kakayahan, pag-iisip at lakas,” kung gayon tayo ay maaaring maging “ganap kay Cristo” at maging “pinabanal” sa pamamagitan ng pagbubuhos ng Kanyang dugo para “maging banal, na walang bahid-dungis” (Moroni 10:32–33). Napakagandang pangako! Kaylaking himala! Kaylaking pagpapala!

II. Pananagutan at mga Paghatol ng Tao

Ang isang layunin ng plano ng Diyos para sa mortal na karanasan na ito ay ang “subukin” tayo “upang makita kung [ating] gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa [atin] ng Panginoon [nating] Diyos” (Abraham 3:25). Bilang bahagi ng plano, tayo ay may pananagutan sa Diyos at sa Kanyang mga piniling tagapaglingkod, at ang pananagutang iyon ay nangangailangan ng kapwa mga paghatol ng tao at ng Diyos.

Sa Simbahan ng Panginoon, ang mga paghatol ng tao para sa mga miyembro o magiging miyembro ay ginagawa ng mga lider na naghahangad ng patnubay ng Diyos. Responsibilidad nila na hatulan ang mga tao na nagnanais na lumapit kay Cristo para matanggap ang kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala sa landas ng tipan tungo sa buhay na walang hanggan. Ang mga paghatol ng tao ang tutukoy kung ang tao ay handa nang mabinyagan. Ang tao bang ito ay marapat para sa isang recommend para makadalo sa templo? Ang tao bang ito na naalis ang pangalan mula sa mga rekord ng Simbahan ay nagsisi na nang husto sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo para muling tanggapin sa pamamagitan ng binyag?

Kung ang isang mortal na hukom na tinawag ng Diyos ay nagpahintulot sa isang tao na patuloy na umunlad, tulad ng pagkakaroon ng mga pribilehiyo sa templo, hindi niya ipinahihiwatig na ang taong iyon ay perpekto, at hindi siya ang nagpapatawad sa anumang kasalanan. Itinuro ni Elder Spencer W. Kimball na pagkatapos ng “pag-aalis [ng] mga parusa” sa buhay na ito, “kailangan ring hingin at matanggap [ng taong ito] ang kapatawaran mula sa Diyos ng kalangitan sa pamamagitan ng pagsisisi, dahil siya lamang ang maaaring magpatawad.”5 At kung ang makasalanang mga gawain at pagnanais ay hindi pa rin napagsisihan hanggang sa Huling Paghuhukom, ang taong hindi nagsisi ay mananatiling marumi. Ang lubos na pananagutan, kabilang na ang huling nakalilinis na epekto ng pagsisisi, ay nasa pagitan ng bawat isa sa atin at ng Diyos.

III. Pagkabuhay na Mag-uli at ang Huling Paghuhukom

Ang paghuhukom na pinakakaraniwang inilalarawan sa mga banal na kasulatan ay ang Huling Paghuhukom na magaganap pagkatapos ng Pagkabuhay na Mag-uli (tingnan sa 2 Nephi 9:15). Maraming banal na kasulatan ang nagsasabi na “tayong lahat ay tatayo sa hukuman ng Dios” (Mga Taga Roma 14:10; tingnan din sa 2 Nephi 9:15; Mosias 27:31) “upang hatulan alinsunod sa mga gawang kanilang ginawa sa katawang-lupa” (Alma 5:15; tingnan din sa Apocalipsis 20:12; Alma 41:3; 3 Nephi 26:4). Ang lahat ay hahatulan “alinsunod sa kanilang mga gawa” (3 Nephi 27:15) at “alinsunod sa [mga] pagnanais ng kanilang mga puso” (Doktrina at mga Tipan 137:9; tingnan din sa Alma 41:6).

Ang layunin ng Huling Paghuhukom na ito ay upang malaman kung nagawa natin ang inilalarawan ni Alma na isang “malaking pagbabago ng puso” (tingnan sa Alma 5:14, 26), kung saan tayo ay nagiging mga bagong nilalang na “wala nang hangarin pang gumawa ng masama, kundi ang patuloy na gumawa ng mabuti” (Mosias 5:2). Ang hukom nito ay ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo (tingnan sa Juan 5:22; 2 Nephi 9:41). Pagkatapos ng Kanyang paghatol, tayong lahat ay magsasabi “na ang kanyang mga paghahatol ay makatarungan” (Mosias 16:1; tingnan din sa 27:31; Alma 12:15), dahil nalalaman Niya ang lahat ng bagay (tingnan sa 2 Nephi 9:15, 20), Siya ay may perpektong kaalaman sa lahat ng ating mga gawain at pagnanais, kapwa sa mga matwid o napagsisihan at sa mga hindi matwid o hindi napagsisihan o hindi binago.

Inilarawan sa mga banal na kasulatan ang proseso ng Huling Paghuhukom na ito. Itinuro ni Alma na kinakailangan sa katarungan ng ating Diyos na ang “lahat ng bagay ay manumbalik sa kanilang wastong kaayusan” (Alma 41:2) sa Pagkabuhay na Mag-uli. Nangangahulugan ito na “kung ang kanilang mga gawa sa buhay na ito ay mabuti, at ang mga pita ng kanilang mga puso ay mabuti, … sa huling araw, [sila] ay manunumbalik doon sa mabuti” (Alma 41:3). Tulad nito, “kung ang kanilang mga gawa [o ang kanilang mga pagnanais] ay masama, ito ay manunumbalik sa kanila sa masama” (Alma 41:4–5; tingnan din sa Helaman 14:31). Tulad din nito, itinuro ng propetang si Jacob na sa Huling Paghuhukom “sila na mabubuti ay mananatili pa ring mabubuti, at sila na marurumi ay mananatili pa ring marurumi” (2 Nephi 9:16; tingnan din sa Mormon 9:14; 1 Nephi 15:33). Iyan ang proseso bago tayo tumayo sa tinatawag ni Moroni na “nakalulugod na hukuman ng dakilang Jehova, ang Walang Hanggang Hukom ng kapwa buhay at patay” (Moroni 10:34; tingnan din sa 3 Nephi 27:16).

Para matiyak na magiging malinis tayo sa harapan ng Diyos, kailangan nating magsisi bago ang Huling Paghuhukom (tingnan sa Mormon 3:22). Tulad ng sinabi ni Alma sa kanyang makasalanang anak, hindi natin maitatago ang ating mga kasalanan sa Diyos “at maliban kung ikaw ay magsisisi, ang mga ito ay tatayo bilang patotoo laban sa iyo sa huling araw” (Alma 39:8; idinagdag ang pagbibigay-diin). Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay nagbibigay sa atin ng nag-iisang paraan para makamit ang kailangang paglilinis sa pamamagitan ng pagsisisi, at ang buhay na ito ang panahon para gawin ito. Bagamat itinuro sa atin na ang ilang pagsisisi ay maaaring maganap sa mundo ng mga espiritu (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138:31, 33, 58), iyan ay hindi kasing tiyak ng pagsisisi sa mundong ito. Itinuro ni Elder Melvin J. Ballard: “Higit na mas madali na magtagumpay at paglingkuran ang Panginoon kapag magkasama ang laman at ang espiritu. Ito ang panahon kung kailan ang mga tao ay mas naiimpluwensiyahan at nakakatugon. … Ang buhay na ito ang panahon upang magsisi.”6

Kapag tayo ay nagsisisi, tinitiyak sa atin ng Panginoon na ang ating mga kasalanan, kabilang na ang ating mga gawa at pagnanais, ay malilinis at ang ating huling hukom na maawain ay “hindi na [ma]aalaala ang mga ito” (Doktrina at mga Tipan 58:42; tingnan din sa Isaias 1:18; Jeremias 31:34; Mga Hebreo 8:12; Alma 41:6; Helaman 14:18–19). Nalinis sa pamamagitan ng pagsisisi, tayo ay maaaring maging marapat para sa buhay na walang hanggan, na inilarawan ni Haring Benjamin na “[pananahanang] kasama ng Diyos sa kalagayan ng walang katapusang kaligayahan” (Mosias 2:41; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 14:7).

Bilang isa pang bahagi ng “plano ng panunumbalik” ng Diyos (Alma 41:2), ipanunumbalik ng Pagkabuhay na Mag-uli ang “lahat ng bagay … sa kanilang wasto at ganap na anyo” (Alma 40:23). Kabilang dito ang pagiging perpekto ng lahat ng ating mga pisikal na kapansanan at depekto ng katawan sa buhay na ito, kabilang na ang mga kapansanan o karamdaman mula sa pagsilang o sanhi ng trauma o sakit.

Gagawin bang perpekto ng panunumbalik na ito ang lahat ng ating mga hindi banal o hindi nasupil na mga pagnanasa o adiksiyon? Hindi ito mangyayari. Nalaman natin mula sa paghahayag sa panahong ito na tayo ay hahatulan ayon sa ating mga pagnanais gayundin sa ating mga gawa (tingnan sa Alma 41:5; Doktrina at mga Tipan 137:9) at maging ang ating mga iniisip ay magpapahamak sa atin (tingnan sa Alma 12:14). Hindi natin dapat “ipagpaliban ang araw ng [ating] pagsisisi” hanggang kamatayan, ayon sa itinuro ni Amulek (Alma 34:33), dahil ang parehong espiritu na nag-aangkin ng ating katawan sa buhay na ito—sa Panginoon man ito o sa diyablo—“ang may kapangyarihan na angkinin ang [ating] katawan sa walang hanggang daigdig na yaon” (Alma 34:34). Ang ating Tagapagligtas ang may kapangyarihan at handang linisin tayo mula sa kasamaan. Ngayon ang panahon para hangarin ang Kanyang tulong para mapagsisihan natin ang ating mga masasama o hindi marapat na mga pagnanais at iniisip para maging malinis at handa tayo na tumayo sa harapan ng Diyos sa Huling Paghuhukom.

IV. Ang mga Bisig ng Awa

Nangingibabaw sa plano ng Diyos at sa lahat ng Kanyang mga kautusan ang Kanyang pagmamahal sa bawat isa sa atin, na “pinakakanais-nais sa lahat ng bagay … at ang labis na nakalulugod sa kaluluwa” (1 Nephi 11:22–23). Tiniyak ng propetang si Isaias maging sa masasama na kapag sila ay “[n]anumbalik … sa Panginoon … kaaawaan niya [sila] … [at patatawarin nang] sagana” (Isaias 55:7). Itinuro ni Alma, “Masdan, siya ay nagpadala ng paanyaya sa lahat ng tao, sapagkat ang mga bisig ng awa ay nakaunat sa kanila” (Alma 5:33; tingnan din sa 2 Nephi 26:25–33). Sinabi ng nagbangon na Tagapagligtas sa mga Nephita, “Masdan, ang aking bisig ng awa ay nakaunat sa inyo, at kung sinuman ang lalapit, siya ay tatanggapin ko” (3 Nephi 9:14). Mula sa mga ito at sa marami pang ibang mga turo sa mga banal na kasulatan, nalalaman natin na nakabukas ang mga bisig ng ating mapagmahal na Tagapagligtas para tanggapin ang lahat ng lalaki at babae ayon sa mapagmahal na kondisyon na ibinigay Niya para matamasa ang pinakamalalaking pagpapala ng Diyos para sa Kanyang mga anak.7

Dahil sa plano ng Diyos at sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, nagpapatotoo ako nang may “ganap na kaliwanagan ng pag-asa” na minamahal tayo ng Diyos at tayo ay maaaring maging malinis sa pamamagitan ng proseso ng pagsisisi. Ipinangako sa atin na “kung [t]ayo ay magpapatuloy, nagpapakabusog sa salita ni Cristo, at magtitiis hanggang wakas, masdan, ganito ang wika ng Ama: Kayo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan” (2 Nephi 31:20). Nawa’y magawa nating lahat ito, ang aking pagsusumamo at dalangin, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. “Magsipaglapit kay Jesucristo,” Mga Himno, blg. 68.

  2. Russell M. Nelson, “Pagsisisi at Pagbabalik-loob,” Liahona, Mayo 2007, 102.

  3. Russell M. Nelson, “Ang Apat Na Regalong Inihahandog ni Jesucristo sa Inyo” (Pamaskong Debosyonal ng Unang Panguluhan 2018, Dis. 2, 2018), broadcasts.ChurchofJesusChrist.org.

  4. Russell M. Nelson, “Kaya Nating Gumawa ng Higit na Mabuti at Maging Mas Mabuti,” Liahona, Mayo 2019, 69.

  5. The Teachings of Spencer W. Kimball, inedit ni Edward L. Kimball (1982), 101.

  6. Melvin J. Ballard, sa Melvin R. Ballard, Melvin J. Ballard: Crusader for Righteousness (1966), 212–13.

  7. Tingnan sa Tad R. Callister, The Infinite Atonement (2000), 27–29.