2019
Gawaing Misyonero: Pagbabahagi ng Nasa Puso Mo
Mayo 2019


2:3

Gawaing Misyonero: Pagbabahagi ng Nasa Puso Mo

Saan man kayo naroon sa mundong ito, maraming pagkakataon upang ibahagi ang mabuting balita ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Noong nakaraang buwan ang Labindalawa ay inanyayahan ng ating mahal na propeta, si Pangulong Russell M. Nelson, na magbiyaheng kasama niya papunta sa paglalaan ng Rome Italy Temple. Habang nasa biyahe, naisip ko si Apostol Pablo at ang kanyang mga paglalakbay. Noong panahon niya, sa pagpunta sa Roma mula Jerusalem ay kailangan ng mga 40 araw. Ngayon, sa isa sa mga paborito kong eroplano, ito ay wala pang 3 oras.

Naniniwala ang mga iskolar ng Biblia na si Pablo ay nasa Roma noong isulat niya ang ilan sa kanyang mga liham, na mga susi sa pagpapalakas ng mga miyembro ng Simbahan noon at ngayon.

Si Pablo at ang iba pang mga miyembro ng sinaunang Simbahan, ang Sinaunang mga Banal, ay personal na dumanas ng sakripisyo. Marami ang inusig nang matindi, maging hanggang sa kamatayan.

Sa huling 200 taon, ang mga miyembro ng ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo, ang mga Banal sa mga Huling Araw, ay dumanas din ng maraming uri ng pang-uusig. Ngunit sa kabila ng pang-uusig na iyon, (at kung minsan nang dahil dito), Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay patuloy na lumago at matatagpuan na ngayon sa lahat ng sulok ng mundo.

Napakaraming Gagawin

Gayunman, bago tayo magdiwang, at batiin ang ating sarili sa pambihirang tagumpay na ito, dapat nating maunawaan ang pag-unlad na ito at ang kahalagahan nito.

Tinatayang nasa pito at kalahating bilyon ang mga tao sa mundo, kumpara sa mga 16 na milyong miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw—na talagang napakaliit na kawan.1

Samantala, ang bilang ng mga mananampalatayang Kristiyano sa ilang panig ng mundo ay nangangaunti.2

Maging sa ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon—habang patuloy na dumarami ang mga mga miyembro—napakarami ng hindi nagtatamasa ng mga pagpapalang dulot ng regular na partisipasyon sa Simbahan.

Sa madaling salita, saan man kayo naroon sa mundong ito, maraming pagkakataon upang ibahagi ang mabuting balita3 ng ebanghelyo ni Jesucristo sa mga taong nakikilala ninyo, kasamang nag-aaral, at kabahay o katrabaho at kasalamuha.

Nitong nakaraang taon, nagkaroon ako ng napakagandang pagkakataon na makibahagi sa pandaigdigang aktibidad ng mga missionary ng Simbahan. Pinagnilayan ko nang madalas at ipinagdasal ang tungkol sa utos ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo: ‘Dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang mga bansa, na sila’y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo.”4

Nahirapan akong sagutin ang tanong na “Paano natin, na mga miyembro at disipulo ni Cristo, pinakamainam na matutupad ang dakilang utos na ito sa ating buhay?”

Inaanyayahan ko kayo ngayon na pag-isipan ang tanong na ito sa inyong puso at isipan.5

Isang Kaloob para sa Gawaing Misyonero

Binigyang-diin ng mga pinuno ng Simbahan ang matinding panawagan na “Bawat miyembro ay missionary!” sa loob ng maraming dekada.6

Ang mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo—kapwa noon at ngayon—ay buong sigla at galak na ibinabahagi ang ebanghelyo sa mga kaibigan at mga kakilala. Nag-aalab sa puso nila ang patotoo kay Jesucristo, at taos-pusong nais nilang maranasan ng iba ang katulad na kagalakan na natagpuan nila sa ebanghelyo ng Tagapagligtas.

Ang ilang mga miyembro ng Simbahan ay tila mayroong ganitong kaloob. Gustung-gusto nilang maging mga kinatawan ng ebanghelyo. Buong tiwala at galak silang naglilingkod at namumuno sa gawain bilang mga miyembrong missionary.

Gayunman, ang iba sa atin ay mas atubili. Kapag pinag-uusapan ang gawaing misyonero sa mga pulong ng Simbahan, nakayuko ang mga ulo hanggang sa lumubog na sa upuan, nakatuon ang mga mata sa mga banal na kasulatan o kaya naman ay nakapikit sa matinding pagmumuni upang maiwasang tumitig sa iba pang mga miyembro.

Bakit kaya? Marahil nakokonsensya tayo sa hindi pinagbuting pagbabahagi ng ebanghelyo. Siguro hindi natin tiyak kung paano gawin ito. O baka nahihiya tayong gawin ang isang bagay na asiwa para sa atin.

Nauunawaan ko ito.

Ngunit tandaan, hindi kailanman hiningi ng Panginoon ang eksperto, walang kamaliang pagsisikap ng missionary. Sa halip, “hinihingi ng Panginoon ang puso at may pagkukusang isipan.”7

Kung masaya kayo sa gawaing misyonero, sana ipagpatuloy ninyo, at maging halimbawa sa iba. Pagpapalain kayo ng Panginoon.

Kung sakaling nag-aalangan kayo pagdating sa pagbabahagi ng mensahe ng ebanghelyo, maaari bang magmungkahi ako ng limang bagay na magagawa ng sinuman upang makabahagi sa dakilang utos ng Tagapagligtas na tumulong sa pagtitipon ng Israel?

Limang Simpleng Mungkahi

Una, lumapit sa Diyos. Ang unang dakilang utos ay ibigin ang Diyos.8 Ito ay pangunahing dahilan kung bakit narito tayo sa lupa. Itanong sa sarili mo, “Naniniwala ba talaga ako sa Ama sa Langit?”

“Mahal ko ba Siya at pinagtitiwalaan?”

Kapag lalo kayong lumalapit sa ating Ama sa Langit, lalong magliliwanag sa inyo ang Kanyang liwanag at galak. Mapapansin ng ibang tao na may isang bagay na kakaiba at espesyal tungkol sa inyo. At magtatanong sila tungkol dito.

Pangalawa, punuin ang inyong puso ng pagmamahal sa ibang tao. Ito ang pangalawang dakilang utos.9 Sikaping ituring ang lahat ng nasa paligid ninyo bilang anak ng Diyos. Maglingkod sa kanila—kahit hindi kasama ang pangalan nila sa listahan ng inyong ministering sister o brother.

Tumawang kasama nila. Magalak na kasama nila. Tumangis na kasama nila. Igalang sila. Pagalingin, hikayatin, at palakasin sila.

Sikaping tularan ang pag-ibig ni Cristo at mahabag sa iba—kahit sa mga hindi mabait sa inyo, na lumalait sa inyo at nais kayong saktan. Mahalin at tratuhin sila bilang mga kapwa anak ng Ama sa Langit.

Pangatlo, sikaping lumakad sa landas ng pagkadisipulo. Habang lumalalim ang inyong pagmamahal sa Diyos at sa Kanyang mga anak, gayundin ang inyong pangakong sundin si Jesucristo.

Natututuhan ninyo ang Kanyang paraan sa pagpapakabusog sa Kanyang salita at pakikinig at pagsasabuhay ng mga aral ng mga makabagong propeta at apostol. Lalo kayong nagtitiwala at lumalakas ang loob na sundin ang Kanyang landas sa pakikipag-ugnayan ninyo sa Ama sa Langit taglay ang isang pusong natuturuan.

Ang pagtahak sa landas ng pagkadisipulo ay kailangan ng pagsasanay—bawat araw, unti-unti, “biyaya sa biyaya,”10 “tuntunin sa tuntunin.”11 Kung minsan sumusulong tayo ngunit napakahirap at napakabagal nito.

Ang mahalaga ay hindi kayo sumusuko; patuloy na sikaping itama ito. Kalaunan kayo ay magiging mas mabuti, mas masaya, at mas sumusunod sa mga kautusan. Ang pagkukuwento sa iba ng inyong pananampalataya ay magiging karaniwan at likas. Sa katunayan, ang ebanghelyo ay magiging gayon kahalaga, importanteng bahagi ng inyong buhay na magiging di natural ang pakiramdam kapag hindi ito tinalakay sa iba. Maaaring hindi ito kaagad mangyari—ito ay habambuhay na pagsisikap. Ngunit mangyayari ito.

Pang-apat, ibahagi ang nasa puso ninyo. Hindi ko sinasabing tumayo kayo sa isang kanto na may mikropono at isinisigaw ang mga talata ng Aklat ni Mormon. Ang sinasabi ko ay palagi kayong maghanap ng mga pagkakataon na banggitin ang inyong pananampalataya sa likas at normal na paraan sa mga tao—kapwa personal at online. Hinihiling kong “tumayo [kayo] bilang mga saksi”12 ng bisa ng ebanghelyo sa lahat ng oras—at kapag kailangan, gamitin ang mga salita.13

Dahil “ang evangelio [ni Cristo] … [ang] siyang kapangyarihan ng Dios sa ikaliligtas,” kayo ay maaaring magkarooon ng tiwala, may lakas ng loob, at mapagpakumbaba sa pagbabahagi nito.14 Ang pagtitiwala, lakas ng loob, at pagpapakumbaba ay tila magkakasalungat na katangian, ngunit hindi. Nakikita rito ang paanyaya ng Tagapagligtas na huwag itago ang mga pinahahalagahan at alituntunin ng ebanghelyo sa takalan kundi hayaang magningning ang inyong liwanag, upang luwalhatiin ng inyong mabubuting gawa ang inyong Ama sa Langit.15

Maraming karaniwan at likas na paraan upang magawa ito, mula sa araw-araw na kabaitan hanggang sa personal na patotoo sa YouTube, Facebook, Instagram, o Twitter hanggang sa simpleng pakikipag-usap sa mga taong nakikilala ninyo. Sa taong ito natututo tayo mula sa Bagong Tipan sa ating mga tahanan at sa Sunday School. Napakagandang pagkakataon na anyayahan ang mga kaibigan at kapitbahay na pumunta sa simbahan at sa inyong mga tahanan upang kasama ninyong matuto tungkol sa Tagapagligtas. Ibahagi sa kanila ang Gospel Library app, kung saan nila matatagpuan ang Come, Follow Me. Kung may kilala kayong mga kabataan at kanilang mga pamilya, bigyan sila ng buklet na Para sa Lakas ng mga Kabataan at anyayahan sila at tingnan kung paano sinisikap ng ating mga kabataan na ipamuhay ang mga alituntuning iyon.

Kung may nagtatanong tungkol sa katapusan ng inyong linggo, huwag mag-atubiling banggitin ang naranasan ninyo sa simbahan. Banggitin ang maliliit na batang tumayo sa harapan ng kongregasyon at buong siglang umawit kung paano nila sinisikap na maging tulad ni Jesus. Banggitin ang tungkol sa grupo ng kabataan na gumugol ng oras sa pagtulong sa matatanda sa mga bahay-kalinga upang bumuo ng personal na mga kasaysayan. Banggitin ang tungkol sa pagbabago kamakailan sa ating iskedyul ng pulong sa Linggo at paano nito pinagpapala ang inyong pamilya. O ipaliwanag kung bakit binibigyang-diin natin na ito ang Simbahan ni Jesucristo at na tayo ay mga Banal sa mga Huling Araw, gaya ng mga miyembro noon ng Simbahan na tinawag ding mga Banal.

Sa anumang paraan na tila likas at karaniwan sa inyo, ibahagi sa mga tao kung bakit mahalaga sa inyo si Jesucristo at ang Kanyang Simbahan. Anyayahan sila at sabihing “Pumarito ka at tingnan mo.”16 At himukin sila at sabihing halika at tumulong. Maraming pagkakataon para makatulong ang mga tao sa ating Simbahan.

Ipagdasal na hindi lamang matagpuan ng mga missionary ang mga hinirang. Ipagdasal araw-araw nang buong puso na mahanap ang mga taong lalapit at titingin, lalapit at tutulong, at lalapit at lalagi. Laging isali ang mga full-time missionary. Sila ay tulad ng mga anghel, na handang tumulong!

Sa pagbabahagi ninyo ng mabuting balita, gawin ito nang may pagmamahal at tiyaga. Kung sa pakikisalamuha sa mga tao ang iniisip lang natin ay magsusuot sila ng puting damit at magpapabinyag, mali ang ginagawa natin.

Ang ilan na lumalapit para tumingin, marahil, ay di kailanman sasapi sa Simbahan; ang ilan naman ay sasapi kalaunan. Sila ang pipili. Ngunit hindi niyan binabago ang ating pagmamahal sa kanila. At hindi nito binabago ang ating masigasig na pagsisikap na patuloy na anyayahan ang mga indibiduwal at pamilya at sabihing halika at tingnan, halika at tumulong, at halika at lumagi.

Panglima, magtiwala na gagawa ng mga himala ang Panginoon. Dapat ninyong maunawaan na hindi ninyo trabaho ang i-convert ang mga tao. Iyan ang papel ng Espiritu Santo. Ang papel ninyo ay ibahagi ang nasa puso ninyo at mamuhay nang naaayon sa inyong pinaniniwalaan.

Kaya, huwag masiphayo kung hindi kaagad tatanggapin ng isang tao ang mensahe ng ebanghelyo. Hindi ninyo ito personal na kabiguan.

Ito ay sa pagitan ng tao at ng Ama sa Langit.

Ang sa inyo ay mahalin ang Diyos at inyong kapwa.

Maniwala, magmahal, at gumawa.

Sundan ang landas na ito, at gagawa ang Diyos ng mga himala sa pamamagitan ninyo upang pagpalain ang Kanyang minamahal na mga anak.

Ang limang mungkahing ito ay makatutulong sa inyo na gawin ang ginawa noon ng mga disipulo ni Jesucristo. Ang Kanyang ebanghelyo at Kanyang Simbahan ay mahalagang bahagi ng inyong buhay at ng kung sino kayo at ano ang ginagawa ninyo. Kung gayon, anyayahan ang iba at sabihing halika at tingnan at halika at tumulong, at gagawin ng Diyos ang Kanyang gawain ng kaligtasan, at sila ay lalapit at lalagi.

Pero Paano Kung Mahirap?

“Pero,” maaaring itanong mo, “paano kung ginawa ko ang lahat ng ito at hindi gaanong tumutugon ang mga tao? Paano kung pinipintasan nila ang Simbahan? Paano kung hindi na nila ako kaibiganin?”

Oo, maaaring mangyari iyan. Simula noong unang panahon, ang mga disipulo ni Jesucristo ay palaging inuusig.17 Sinabi ni Apostol Pedro, “Magalak … yamang [tayo ay] nakikibahagi sa mga pagdurusa ni Cristo.”18 Nagalak ang mga Banal noong una na “ituring sila na karapat-dapat magtiis ng kahihiyan alang-alang sa [kanyang] pangalan.”19

Alalahanin, ang Panginoon ay gumagawa sa mahiwagang paraan. Maaaring ang inyong pagtugon na tulad ng kay Cristo sa pagtanggi ay magpalambot sa matigas na puso.

Bilang Apostol ng Panginoong Jesucristo, binabasbasan ko kayo ng tiwala na maging buhay na patotoo ng mga pinahahalagahan ng ebanghelyo, nang may tapang na palaging kilalanin bilang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, nang may pagpapakumbaba na tumulong sa Kanyang gawain bilang pagpapakita ng inyong pagmamahal sa Ama sa Langit at sa Kanyang mga anak.

Mahal kong mga kaibigan, magagalak kayo na malaman na kayo ay mahalagang bahagi ng matagal nang propesiya na pagtitipon ng Israel, naghahanda para sa pagparito ni Cristo sa “kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian; kasama ang lahat ng banal na anghel.”20

Kilala kayo ng Ama sa Langit. Mahal kayo ng Panginoon. Pagpapalain kayo ng Diyos. Ang gawaing ito ay inorden Niya. Magagawa ninyo ito. Magagawa nating lahat ito nang sama-sama.

Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Nakita ng dakilang propetang si Nephi sa pangitain na kahit na kumalat ang Simbahan ng Kordero ng Diyos “sa lahat ng dako ng mundo,” dahil sa kasamaan sa mundo, ang kabuuang “bilang ay kakaunti” (1 Nephi 14:12; tingnan din sa Lucas 12:32).

  2. Halimbawa, natuklasan sa isang pag-aaral kamakailan ng Pew Research Center na sa Estados Unidos, “ang porsiyento ng mga adult (edad 18 pataas) na naglalarawan sa sarili nila bilang mga Kristiyano ay bumaba nang halos walong porsiyentong puntos sa loob lamang ng pitong taon, mula 78.4% noong … 2007 ay naging 70.6% noong 2014. Sa loob din ng panahong iyon, ang porsiyento ng mga Amerikano na walang relihiyon—na naglalarawan sa sarili nila bilang ateista, agnostiko o ‘walang kinaaaniban’—ay tumalon nang mahigit anim na puntos, mula sa 16.1% ay naging 22.8%” (“America’s Changing Religious Landscape,” Pew Research Center, May 12, 2015, pewforum.org).

  3. Ang ibig sabihin ng salitang ebanghelyo ay “mabuting balita.” Ang mabuting balita ay ang paggawa ni Jesucristo ng isang perpektong pagbabayad-sala na makatutubos sa buong sangkatauhan mula sa kamatayan at gagantimpalaan ang bawat isa alinsunod sa kanyang mga gawa. Ang Pagbabayad-salang ito ay nagsimula sa Kanyang pagkatalaga sa premortal na daigdig, nagpatuloy sa Kanyang mortal na buhay, at humantong sa Kanyang maluwalhating Pagkabuhay na Mag-uli. Ang mga tala sa biblia tungkol sa Kanyang mortal na buhay, ministeryo, at sakripisyo ay tinatawag na mga Ebanghelyo: Mateo, Marcos, Lucas, at Juan.

  4. Mateo 28:19.

  5. “Sinasabi ko sa inyo, aking mga kaibigan, iniiwan ko ang mga pananalitang ito sa inyo upang bulay-bulayin sa inyong mga puso” (Doktrina at mga Tipan 88:62).

    “Subalit, masdan, sinasabi ko sa iyo, na kailangan mong pag-aralan ito sa iyong isipan, pagkatapos kailangang itanong mo sa akin kung ito ay tama, at kung ito ay tama aking papapangyarihin na ang iyong dibdib ay mag-alab; samakatwid, madarama mo na ito ay tama” (Doktrina at Tipan 9:8).

  6. Hinikayat ni Pangulong David O. McKay ang “bawat miyembro [na maging] missionary” nang siya ang nangulo sa European Mission mula 1922 hanggang 1924, at ibinahagi niya ang mensahe ring iyon sa Simbahan sa pangkalahatang kumperensya mula noong 1952 (tingnan sa “‘Every Member a Missionary’ Motto Stands Firm Today,” Church News, Peb. 20, 2015, news.ChurchofJesusChrist.org).

  7. Doktrina at mga Tipan 64:34.

  8. Tingnan sa Mateo 22:37–38.

  9. Tingnan sa Mateo 22:39.

  10. Doktrina at mga Tipan 93:12.

  11. Isaias 28:10.

  12. Mosias 18:9.

  13. Ang kaisipang ito ay madalas iugnay kay Saint Francis of Assisi; tingnan din sa Juan 10:36–38.

  14. Mga Taga Roma 1:16.

  15. Tingnan sa Mateo 5:15–16.

  16. Juan 1:46; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  17. Tingnan sa Juan 15:18.

  18. 1 Peter 4:13, English Standard Version; tingnan din sa mga talata 1–19 para sa karagdagan tungkol sa paano dapat ituring ng mga alagad ni Cristo ang pagdurusa sa ngalan ng ebanghelyo.

  19. Mga Gawa 5:41.

  20. Doktrina at mga Tipan 45:44.