2019
Elder Hans T. Boom
Mayo 2019


Elder Hans T. Boom

General Authority Seventy

Elder Hans T. Boom

Noong walong taong gulang si Elder Hans T. Boom, ang kanyang pamilya ay lumipat sa lungsod ng Breda, na nasa timog na bahagi ng Netherlands mula sa Amsterdam. Nadama ng kanyang ama, na isang Dutchman na lumaki sa Indonesia at nabinyagan sa Simbahan, na kailangang lisanin ng kanyang pamilya ang malaking lungsod at bumalik sa bayan ng kanyang mga ninuno.

Ang panahong ginugol ni Elder Boom kasama ang kanyang pamilya sa maliit na branch ay naging lugar ng pagsasanay para sa paglilingkod sa Simbahan—paglilingkod na ibinigay niya sa buong buhay niya at patuloy na ibibigay sa kanyang bagong tungkulin bilang General Authority Seventy.

“Ang lahat ng narating ko at lahat ng mayroon ako ay utang ko sa Panginoon at sa mga pagkakataong ibinigay sa akin para matuto at umunlad,” sabi niya.

Isinilang noong Hulyo 13, 1963, sa Amsterdam kina Hans at Ankie Boom, si Hans Theodorus Boom ay pangalawa sa apat na mga anak ng mga Boom. Itinuro ng kanyang mga magulang ang ebanghelyo sa kanilang pamilya at hinikayat ang kanilang mga anak na magsipag sa trabaho.

Sa edad na 18, nagmisyon si Elder Boom sa England London East Mission. Ilang buwan pagkatapos ng kanyang misyon, nakilala niya ang kanyang mapapangasawa, na si Ariena Johanna “Marjan” Broekzitter, sa isang kumperensya para sa mga young adult ng Simbahan. Ikinasal ang magkasintahan noong Hulyo 27, 1984, sa Rhoon, Netherlands, at ibinuklod kalaunan sa London England Temple. Mayroon silang tatlong anak na lalaki.

Si Elder Boom ay nagtrabaho bilang secretary sa prinsipal ng Markenhage College at recruiter para sa Franchise Development Benelux. Nang tawagin siya para maging General Authority, nagtatrabaho siya bilang sales manager para sa MacLean Agencies.

Si Elder Boom ay naglingkod bilang Area Seventy, tagapayo sa a stake presidency, stake Young Men president, branch president, at tagapayo sa branch presidency. Noong tawagin siya sa tungkuling ito, naglilingkod siya bilang institute teacher at temple ordinance worker sa The Hague Netherlands Temple.