Patakaran para sa mga Anak ng mga Magulang na LGBT, mga Miyembro sa mga Kasal na Homosekswal
Ang mga magulang na itinuturing ang kanilang mga sarili na naaakit sa kapwa babae, kapwa lalaki, magkaparehong kasarian, o transgender [na kasal sa kaparehong kasarian] ay maaari na ngayong humiling na basbasan ang kanilang mga anak na sanggol ng isang marapat na maytaglay ng Melchizedek Priesthood, at ang kanilang mga anak ay maaari nang mabinyagan kapag sumapit sila ng walong taong gulang nang hindi kinakailangan ang pahintulot ng Unang Panguluhan, pahayag ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, sa sesyon ng pamumuno noong pangkalahatang kumperensya.
Bukod dito, bagamat ang kasal na homosekswal ay itinuturing pa rin na “isang malaking paglabag,” hindi na ito itinuturing ng Simbahan na “apostasiya” para sa mga layunin ng pagdisiplina sa Simbahan. “Ang imoral na pag-uugali sa heterosekswal o homosekswal na pakikipagrelasyon ay ituturing na magkatulad,” sabi ni Pangulong Oaks.
Ang mga pagbabago sa patakarang ito “ay hindi nagpapakita ng pagbabago ng doktrina ng Simbahan na may kinalaman sa kasal o mga kautusan ng Diyos tungkol sa kalinisang-puri o moralidad,” pagsulat ng Unang Panguluhan sa isang opisyal na pahayag. “Ang doktrina ng plano ng kaligtasan at ng kahalagahan ng kalinisang-puri ay hindi magbabago.”
Sinabi ni Pangulong Oaks na ang mga patakarang ito ay dapat makatulong sa mga apektadong pamilya, at, “gayundin, ang pagsisikap ng mga miyembro na magpakita ng pag-unawa, pakikiramay at pagmamahal ay dapat magpataas ng paggalang at pag-unawa ng lahat ng tao na may mabubuting layunin.”