Ang mga Sister ay Nagminister, Bumisita, at Nagbigay
Inilahad nina Sister Jean B. Bingham, Relief Society General President, at Bonnie H. Cordon, Young Women General President, ang maraming humanitarian program ng Simbahan, gaya ng malinis na tubig, neonatal care, at imunisasyon o pagbabakuna, at mga education at literacy program din ng Simbahan, nang makipagpulong sila sa mga lider ng pamahalaan at naglingkod sa mga miyembro ng Simbahan sa Ghana, Nigeria, at Ivory Coast (Côte d’Ivoire).
“Ang layunin ng aming pagbisita ay makausap ang mga Banal, magbigay ng ilang tagubilin sa kababaihan, pakinggan ang kanilang mga hamon sa buhay, madama ang kanilang puso, at maipaalam sa kanila na mahal namin sila,” sabi ni Sister Bingham.
Sina Sister Bingham at Sister Cordon ay nagdaos ng isang debosyonal kasama ang mga missionary ng Ghana Accra West Mission. Binisita din nila ang ilang mga miyembro sa kanilang mga tahanan. Nakibahagi si Sister Bingham sa paunang gospel literacy program, na nagtuturo sa mga tao kung paano magbasa habang itinuturo sa kanila ang tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo. At kapwa sila nakibahagi sa brodkast para sa pagsasanay sa pamumuno na idinaos sa Accra, na umabot sa mahigit 100 kongregasyon sa West Africa; nakausap ang First Lady ng Ghana at ang Permanent Secretary of the Ministry of Women Affairs and Poverty Alleviation of the Government of Lagos State sa Nigeria.
Pagkatapos makapulong ang mga miyembrong kababaihan sa Ivory Coast, sinabi ni Sister Cordon, “Ang kanilang pagtitiwala at pagkaunawa tungkol sa Diyos at kung sino Siya at kung ano ang magagawa Niya sa buhay nila, ay nagpamangha sa akin.” Sinabi niya na nang magsalita siya tungkol sa pagkakaroon ng templo sa Abidjan, isang sister ang naluha sa kagalakan. “Humayo kaming taglay ang pananaw ng mga taga Africa,” sabi ni Sister Cordon. “Humayo kaming taglay ang panibagong pagmamahal [para sa mga taong ito].”
Ibinigay ni Sister Joy D. Jones, Primary General President, ang pondong nakalap sa pamamagitan ng Light the World campaign sa mga tanggapan ng ilang organisasyong pangkawanggawa sa Manhattan, New York, USA. “Sinusunod natin ang Tagapagligtas na si Jesucristo sa pamamagitan ng paglilingkod,” sabi ni Sister Jones, binibigyang-diin na napakagandang makita kung ano ang nangyayari “kapag nauunawaan ng mga tao ang masayang pagkakataon na magbigay.”
Sa Salt Lake City, Utah, USA, ibinigay ni Sister Sharon Eubank, Unang Tagapayo sa Relief Society General Presidency, ang mga pondong nakalap mula sa Light the World “giving machines” sa isang food bank, isang kawanggawa na nagbibigay ng pangangalaga sa mata para sa mga bata, at sa isang center para sa mga refugee. Ito lamang ang ilan sa $2.3 milyon pondong mula sa mga machine sa Arizona, New York, at Utah, USA, at sa London, England, at Manila, Philippines, at ibinigay sa mga kawanggawa sa iba’t ibang panig ng mundo.