2019
Mabuting Pastol, Kordero ng Diyos
Mayo 2019


2:3

Mabuting Pastol, Kordero ng Diyos

Tinatawag tayo ni Jesucristo sa Kanyang tinig at sa Kanyang pangalan. Hinahanap at tinitipon Niya tayo. Tinuturuan Niya tayo kung paano maglingkod nang may pagmamahal.

Mahal kong mga kapatid, nahirapan na ba kayong makatulog at sinubukang magbilang ng mga tupa sa inyong isip? Habang tumatalon ang mga mababalahibong tupa sa bakod, nagbibilang kayo ng: 1, 2, 3, … 245, 246, … 657, 658 …1

Para sa akin, hindi ako inaantok sa pagbibilang ng mga tupa. Nag-aalala ako na baka may hindi ako mabilang o may mawala, kaya hindi ako makatulog.

Kasama ng batang pastol na naging hari, sinasabi nating:

“Ang Panginoon ay aking pastol; hindi ako mangangailangan.

“Kaniyang pinahihiga ako sa sariwang pastulan: pinapatnubayan niya ako sa siping ng mga tubig na pahingahan.

“Kaniyang pinapananauli ang aking kaluluwa.”2

Ang Mabuting Pastol na nakalarawan sa stained glass

Sa panahong ito ng Pasko ng Pagkabuhay, ipinagdiriwang natin ang Mabuting Pastol, na siya ring Kordero ng Diyos. Sa lahat ng Kanyang mga banal na titulo, wala nang mas magiliw o mahalaga kaysa sa mga ito. Marami tayong natututuhan mula sa ating Tagapagligtas mula sa pagtawag Niya sa Kanyang sarili bilang Mabuting Pastol at mula sa mga patotoo ng mga propeta tungkol sa Kanya bilang Kordero ng Diyos. Ang mga tungkulin at simbolo na ito ay makapangyarihan kapag magkasama—sino ba ang mas makatutulong sa bawat minamahal na tupa maliban sa Pastol, at sino ba ang mas mainam na maging ating Mabuting Pastol maliban sa Kordero ng Diyos?

“Sapagka’t gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak,” at ibinigay ng Bugtong na Anak ng Diyos ang Kanyang buhay bilang kusang pagsunod sa Kanyang Ama.3 Nagpapatotoo si Jesus, “Ako ang mabuting pastol: ibinibigay ng mabuting pastol ang kanyang buhay para sa mga tupa.”4 Si Jesus ay may kapangyarihan na ibigay ang Kanyang buhay at may kapangyarihan na kunin itong muli.5 Kaisa ng Kanyang Ama, natatangi ang pagpapala sa atin ng ating Tagapagligtas, kapwa bilang ating Mabuting Pastol at bilang Kordero ng Diyos.

Bilang ating Mabuting Pastol, tinatawag tayo ni Jesucristo sa Kanyang tinig at Kanyang pangalan. Hinahanap at tinitipon Niya tayo. Tinuturuan Niya tayo kung paano maglingkod nang may pagmamahal. Nais kong pag-isipan natin ang tatlong temang ito, simula sa pagtawag Niya sa atin sa Kanyang tinig at sa Kanyang pangalan.

Una, “tinatawag [ng ating Mabuting Pastol] ang kaniyang sariling mga tupa sa pangalan. … Nakikilala nila ang kaniyang tinig.”6 At “sa kanyang sariling pangalan kayo ay tinatawag niya, na ang pangalan ay Cristo.”7 Kapag hinahangad natin nang may tunay na layunin na sundin si Jesucristo, dumarating ang inspirasyon na gumawa ng mabuti, ibigin ang Diyos, at maglingkod sa Kanya.8 Kapag tayo ay nag-aaral, nagninilay, at nagdarasal; kapag palagi nating pinaninibago ang mga tipan sa sakramento at templo; at kapag inaanyayahan natin ang lahat na lumapit sa Kanyang ebanghelyo at mga ordenansa, tayo ay nakikinig sa Kanyang tinig.

Sa ating panahon, pinapayuhan tayo ni Pangulong Russell M. Nelson na tawagin ang ipinanumbalik na Simbahan sa pangalang inihayag ni Jesucristo: Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.9 Sinabi ng Panginoon, “Anuman ang inyong gagawin, gawin ninyo ito sa aking pangalan; kaya nga tatawagin ninyo ang simbahan sa aking pangalan; at kayo ay mananawagan sa Ama sa aking pangalan upang kanyang pagpalain ang simbahan alang-alang sa akin.”10 Sa iba’t ibang panig ng mundo, sa ating mga puso at mga tahanan, nananawagan tayo sa Ama sa pangalan ni Jesucristo. Nagpapasalamat tayo para sa masaganang pagpapala ng ating pagsamba, pag-aaral ng ebanghelyo, at mga makabuluhang aktibidad ng pamilya na nakasentro sa tahanan at sinusuportahan ng Simbahan.

Pangalawa, hinahanap at tinitipon tayo ng ating Mabuting Pastol sa Kanyang isang kawan. Itinanong Niya, “Aling tao sa inyo, na kung mayroong isang daang tupa, at mawala ang isa sa mga yaon, ay hindi iiwan ang siyam na pu’t siyam sa ilang, at hahanapin ang nawala, hanggang sa ito’y kaniyang masumpungan?”11

Kadalasan, magkasabay na tinutulungan ng ating Tagapagligtas ang isang naligaw at ang siyam na pu’t siyam na nanatili. Habang naglilingkod tayo, kinikilala natin ang siyam na pu’t siyam na matatatag at di-natitinag, habang ninanais nating mahanap ang isang naligaw ng landas. Hinahanap at inililigtas tayo ng ating Panginoon sa “lahat ng dako,”12 “mula sa apat na sulok ng mundo.”13 Tinitipon Niya tayo sa pamamagitan ng banal na tipan at ng Kanyang nagbabayad-salang dugo.14

Sinabi ng ating Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo sa Bagong Tipan, “Mayroon akong ibang mga tupa, na hindi sa kulungang ito.”15 Sa mga lupain ng Amerika, nagpatotoo ang nabuhay na mag-uling Panginoon sa mga nakipagtipang anak ni Lehi, “Kayo ay aking mga tupa.”16 At sinabi ni Jesus na may iba pang mga tupa na makakarinig sa Kanyang tinig.17 Napakagandang pagpapala ng Aklat ni Mormon bilang isa pang tipan na sumasaksi sa tinig ni Jesucristo!

Inaanyayahan ni Jesucristo ang Simbahan na tanggapin ang lahat ng nakikinig sa Kanyang tinig18 at sumusunod sa Kanyang mga kautusan. Kabilang sa doktrina ni Cristo ang binyag sa pamamagitan ng tubig at ng apoy at ng Espiritu Santo.19 Itinanong ni Nephi, “Kung ang Kordero ng Diyos, siya na isang banal, ay kinakailangang mabinyagan sa pamamagitan ng tubig, upang ganapin ang lahat ng katwiran, O gaano pa kaya higit na kinakailangan na tayong mga hindi banal ay mabinyagan, oo, maging sa pamamagitan ng tubig!”20

Binibinyagan ni Juan si Jesus

Ngayon, nais ng ating Tagapagligtas na ang mga ginagawa natin at kung anong uri ng tao ang kinahihinatnan natin ay mag-aanyaya sa iba na lumapit at sumunod sa Kanya. Halina’t maghanap ng pagmamahal, paggaling, kaugnayan, at tipan na nasa Kanya, kabilang na ang nasa banal na templo ng Diyos, kung saan maaaring mapagpala ng mga sagradong ordenansa ng kaligtasan ang lahat ng mga miyembro ng pamilya, at sa gayon ay natitipon ang Israel sa magkabilang panig ng tabing.21

Pangatlo, bilang “Pastol ng Israel,”22 ipinakita ni Jesucristo kung paano naglilingkod nang may pagmamahal ang mga pastol sa Israel. Kapag nagtatanong ang ating Panginoon kung mahal natin Siya, tulad ng ginawa Niya noon kay Simon Pedro, iniuutos ng ating Tagapagligtas na: “Pakanin mo ang aking mga kordero. … Pakanin mo ang aking mga tupa. … Pakanin mo ang aking mga tupa.”23 Ipinangako ng Panginoon na kapag pinapakain ng Kanyang mga pastol ang Kanyang mga kordero at tupa, ang mga yaong nasa Kanyang kawan ay hindi na “matatakot, o manglulupaypay pa, o kukulangin ang sinoman sa kanila.”24

Nagbababala ang ating Mabuting Pastol na ang mga pastol sa Israel ay hindi dapat matulog,25 ni ikalat o iligaw ang mga tupa,26 ni lumiko sa ating sariling daan para sa ating sariling pakinabang.27 Kabilang sa gawain ng mga pastol ng Diyos ang pagpapalakas, pagpapagaling, pagtatali ng may bali, pagbabalik ng naligaw, at paghahanap ng nawala.28

Nagbabala rin ang Panginoon tungkol sa mga upahan, na “hindi ipinagmamalasakit ang mga tupa,”29 at “mga bulaang propeta, na lumalapit sa inyo na nakadamit tupa, ngunit sa loob ay lobong maninila.”30

Nagagalak ang ating Mabuting Pastol kapag ginagamit natin ang ating moral na kalayaan nang may pagkukusa at pananampalataya. Ang mga yaong nasa Kanyang kawan ay tumitingin sa ating Tagapagligtas nang may pasasalamat para sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Nakikipagtipan tayong susunod sa Kanya, hindi nang basta-basta lang, nang walang lubos na pagkaunawa, o “nahihiya,” kundi sa halip ay nang may paghahangad sa ating buong puso at isipan na mahalin ang Diyos at ang ating kapwa, na pinapasan ang pasanin ng isa’t isa at nagagalak sa kagalakan ng bawat isa. Tulad ng kusang pagsunod ng kalooban ni Cristo sa kalooban ng Ama, tayo rin ay mapitagang tinataglay sa ating sarili ang Kanyang pangalan. Masaya nating hinahangad na makiisa sa Kanyang gawain ng pagtitipon at paglilingkod sa lahat ng anak ng Diyos.

Mga kapatid, si Jesucristo ang ating perpektong Mabuting Pastol. Dahil ibinigay Niya ang Kanyang buhay para sa atin at ngayon ay maluwalhating nabuhay na mag-uli, si Jesucristo rin ang perpektong Kordero ng Diyos.31

Ang isasakripisyong Kordero ng Diyos ay nakinita na sa simula pa lang. Sinabi ng anghel kay Adan na ang kanyang sakripisyo “ay kahalintulad ng sakripisyo ng Bugtong na Anak ng Ama,” na nag-aanyaya sa atin na “magsisi at manawagan sa Diyos sa pangalan ng Anak magpakailanman.”32

Naranasan ni Amang Abraham, na nagpasimula ng mga pagpapala ng tipan para sa lahat ng mga bansa sa mundo, kung ano ang ibig sabihin ng ialay ang kanyang bugtong na anak.

“At nagsalita si Isaac kay Abraham na kaniyang ama, [at] sinabi, Ama ko: at kaniyang sinabi, Narito ako, anak ko. At sinabi [niya], Narito ang apoy at ang kahoy, ngunit saan naroon ang kordero …?

“At sinabi ni Abraham, [Anak ko,] Dios ang maghahanda ng kordero.”33

Nakinita at ikinagalak ng mga apostol at ng mga propeta ang misyon ng Kordero ng Diyos na naorden noon pa man. Si Juan mula sa Bagong Tipan at si Nephi mula sa mga lupain ng Amerika ay nagpatotoo tungkol sa “Kordero ng Diyos,”34 “oo, maging ang Anak ng Walang Hanggang Ama[,] … ang Manunubos ng sanlibutan.”35

Nagpatotoo si Abinadi tungkol sa nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo: “Tayong lahat, tulad ng tupa, ay nangaligaw; ang bawat isa sa atin ay nagkani-kanyang landas; at pinasan ng Panginoon ang [kasamaan] nating lahat.”36 Tinawag ni Alma ang dakila at huling sakripisyo ng Anak ng Diyos na “isang bagay na higit na mahalaga kaysa sa lahat ng ito.” Naghikayat si Alma, “Magkaroon ng pananampalataya sa Kordero ng Diyos,” “halina at huwag matakot.”37

Ibinahagi ng isang malapit na kaibigan kung paano niya nakamit ang kanyang natatanging patotoo tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Lumaki siyang naniniwala na ang kasalanan ay palaging naghahatid ng malaking kaparusahan, na mag-isa nating papasanin. Nagsumamo siya sa Diyos na maunawaan ang posibilidad ng banal na pagpapatawad. Nanalangin siya upang maintindihan at malaman kung paano mapapatawad ni Jesucristo ang mga taong nagsisisi, kung paano matatapatan ng awa ang katarungan.

Isang araw ay nasagot ang kanyang panalangin sa isang espirituwal na karanasan na nakapagpapabago ng buhay. Isang desperadong binatilyo ang tumakbo palabas ng isang tindahan na may bitbit na dalawang ninakaw na supot ng pagkain. Tumakbo siya sa isang kalsada na maraming tao, na hinahabol ng tagapamahala ng tindahan, na nakahuli sa kanya at nagsimulang magsisisigaw at makipaglaban. Sa halip na husgahan ang takot na binatilyo dahil sa pagiging magnanakaw nito, di-inaasahang napuspos ang aking kaibigan ng matinding pagkaawa para sa kanya. Walang takot o pangamba para sa sarili niyang kaligtasan, kaagad niyang nilapitan ang dalawang lalaking nag-aaway. At sinabi niya na, “Babayaran ko ang pagkain. Palayain na ninyo siya. Hayaan na ninyong ako ang magbayad para sa pagkain.”

Nahikayat ng Espiritu Santo at napuno ng pagmamahal na noon lang niya nadama, sinabi ng aking kaibigan, “Ang nais ko lamang gawin noong panahong iyon ay tulungan at iligtas ang binatilyo.” Sinabi ng kaibigan ko na nagsimula niyang maunawaan si Jesucristo at ang Kanyang Pagbabayad-sala—kung paano at bakit sa taglay na dalisay at perpektong pag-ibig ay handa si Jesucristo na magsakripisyo para maging kanyang Tagapagligtas at Manunubos, at kung bakit nais niyang Siya ay maging kanyang Tagapagligtas at Manunubos.38

Kaya hindi nakapagtataka na kinakanta natin:

Masdan, sila’y hinahanap,

Hinahanap ng Pastol,

Kaysayang ‘binabalik N’ya,

Bawat tupang makita.39

Bilang Kordero ng Diyos, alam ng ating Tagapagligtas kapag tayo ay nakakaramdam ng pag-iisa, nanliliit, hindi nakatitiyak, o natatakot. Sa pangitain, nakita ni Nephi ang kapangyarihan ng Kordero ng Diyos na “[bumaba sa] mga banal ng simbahan ng Kordero, at sa mga pinagtipanang tao ng Panginoon.” Bagaman “nakakalat sa lahat ng dako ng mundo … nasasandatahan sila ng kabutihan at kapangyarihan ng Diyos sa dakilang kaluwalhatian.”40

Kasama ang ating panahon sa pangakong ito ng pag-asa at kapanatagan.

Ikaw lang ba ang tanging miyembro ng Simbahan sa inyong pamilya, paaralan, trabaho, o komunidad? Kung minsan ba ay nararamdaman ninyo na maliit o nakahiwalay ang inyong branch? Lumipat na ba kayo sa isang bagong lugar, na marahil ay may kakaibang wika o mga kaugalian? Marahil ay nagbago na ang mga kalagayan ng inyong buhay, at ang mga bagay noon na hindi ninyo inaakalang mangyayari ay nararanasan na ninyo ngayon? Tinitiyak sa atin ng Tagapagligtas, anuman ang ating kalagayan, sino man tayo, sa mga salita ni Isaias: “Kaniyang pipisanin ang mga kordero sa kaniyang kamay, at dadalhin sila sa kaniyang sinapupunan, at papatnubayan na marahan yaong mga nagpapasuso.”41

Ang Mabuting Pastol na tinitipon ang Kanyang mga tupa

Mga kapatid, tinatawag tayo ng ating Mabuting Pastol sa Kanyang tinig at sa Kanyang pangalan. Siya ay naghahanap, nagtitipon, at lumalapit sa Kanyang mga tao. Sa pamamagitan ng Kanyang mga buhay na propeta at ng bawat isa sa atin, inaanyayahan Niya ang lahat na maghanap ng kapayapaan, layunin, paggaling, at kagalakan sa kabuuan ng Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo at sa Kanyang landas ng tipan. Sa pamamagitan ng halimbawa, tinuturuan Niya ang mga pastol ng Israel na maglingkod na taglay ang Kanyang pagmamahal.

Bilang Kordero ng Diyos, ang banal na misyon ni Jesus ay naorden na noon pa man at ikinagalak ito ng mga apostol at mga propeta. Ang Kanyang Pagbabayad-sala, na walang katapusan at walang-hanggan, ay sentro sa plano ng kaligayahan at sa layunin ng paglikha. Tinitiyak Niya sa atin na mahal Niya tayo.

Mahal kong mga kapatid, nawa’y hangarin natin na maging “mga mapagpakumbabang tagasunod ng Diyos at ng Kordero,”42 marahil upang balang-araw ay maisulat ang ating mga pangalan sa aklat ng buhay ng Kordero,43 upang awitin ang awit ng Kordero,44 upang maimbitahan sa hapunan ng Kordero.45

Bilang Pastol at Kordero, panawagan Niya, Magsilapit muli “sa tunay na kaalaman … tungkol sa [inyong] Manunubos, … [inyong] dakila at tunay na pastol.”46 Nangangako Siya na “sa pamamagitan ng kanyang biyaya [tayo] ay [magiging] ganap kay Cristo.”47

Sa panahong ito ng Pasko ng Pagkabuhay, pinupuri natin Siya:

“Karapatdapat ang Cordero”48

“Hosanna sa Diyos at sa Kordero!”49

Pinatototohanan ko Siya, ang ating perpektong Mabuting Pastol, ang perpektong Kordero ng Diyos. Tinatawag Niya tayo sa ating pangalan, sa Kanyang pangalan—maging ang sagrado at banal na pangalan ni Jesucristo—amen.