2019
Paggamit ng Ating mga Espirituwal na Kalamnan
Mayo 2019


2:3

Paggamit ng Ating mga Espirituwal na Kalamnan

Tulad ng pagbabasa at pag-aaral ng tungkol sa mga kalamnan ay hindi sapat para palakasin ang kalamnan, ang pagbabasa at pag-aaral ng tungkol sa pananampalataya nang walang dagdag na pagkilos ay hindi sapat para palakasin ang pananampalataya.

Nagpapasalamat ako para sa biyaya ng pagkakaroon ng pisikal na katawan, na isang kamangha-manghang kaloob mula sa ating Ama sa Langit. Ang ating mga katawan ay may mahigit 600 kalamnan.1 Maraming kalamnan ang nangangailangan ng ehersisyo para maging handa ang mga ito sa pagsasagawa ng ating mga aktibidad araw-araw. Maaari tayong magbasa at mag-aral nang husto tungkol sa ating mga kalamnan, ngunit kung iniisip natin na mapapalakas nito ang ating mga kalamnan, mabibigo lamang tayo. Lumalakas lamang ang ating mga kalamnan kapag ginagamit natin ang mga ito.

Napagtanto ko na gayon din ang mga espirituwal na kaloob. Kailangan ding gamitin ang mga ito para lumakas. Ang espirituwal na kaloob na pananampalataya, halimbawa, ay hindi lamang isang pakiramdam o nasasaloob; ito ay isang alituntunin ng pagkilos na madalas makita sa mga banal na kasulatan na karugtong ng pandiwang gamitin.2 Tulad ng pagbabasa at pag-aaral ng tungkol sa mga kalamnan ay hindi sapat para palakasin ang kalamnan, ang pagbabasa at pag-aaral ng tungkol sa pananampalataya nang walang dagdag na pagkilos ay hindi sapat para palakasin ang pananampalataya.

Noong 16 na taong gulang ako, umuwi isang araw ang panganay kong kapatid na si Ivan, na 22 taong gulang noon, at may ibinalita sa pamilya. Nagpasiya siyang magpabinyag sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Tiningnan siya ng aming mga magulang nang bahagyang may pagdududa, at naaalala ko na hindi ko lubos na naunawaan ang nangyayari. Pagkaraan ng isang taon o mahigit pa, may isa pa siyang nakakagulat na balita: nagpasiya siyang maglingkod bilang isang missionary ng Simbahan, na nangangahulugang dalawang taon namin siyang hindi makikita. Hindi natuwa ang mga magulang ko sa balitang ito; gayunman, nakita ko sa kanya ang matibay na determinasyon na nagpatindi ng aking paghanga sa kanya at sa ginawa niyang desisyon.

Ilang buwan kalaunan, habang nasa misyon si Ivan, nagkaroon ako ng pagkakataong magplano ng isang bakasyon kasama ng ilan sa aking mga kaklase. Gusto naming ipagdiwang ang pagtatapos namin sa high school at magpalipas ng ilang araw sa beach.

Sumulat ako sa aking kapatid na missionary, na binabanggit ang aking mga plano para sa bakasyon sa tag-init. Sumagot siya na madaraanan ko ang bayan kung saan siya naglilingkod papunta sa aking destinasyon. Nagpasiya ako na magandang ideya na tumigil doon saglit at bisitahin siya. Kalaunan ko na nalaman na hindi pala dapat bisitahin ng pamilya ang mga missionary.

Naisaayos ko na ang lahat. Naaalala ko na habang nakaupo ako sa bus, iniisip ko ang pagsasaya na gagawin namin ni Ivan sa maganda at maaliwalas na araw na iyon. Kami ay mag-aalmusal, mag-uusap, maglalaro sa buhangin, magbibilad sa araw—magiging masaya kami!

Pagdating ng bus sa terminal, nakita kong nakatayo si Ivan sa tabi ng isa pang binata, pareho silang nakasuot ng puting polo at kurbata. Bumaba ako sa bus, nagyakapan kami, at ipinakilala niya sa akin ang kanyang kompanyon. Para hindi maaksaya ang oras, sinabi ko kaagad kay Ivan ang aking mga plano para sa araw na iyon, pero hindi ko alam kung ano ang kanyang iskedyul. Tiningnan niya ako, ngumiti, at sinabing, “Sige! Gayunman, may mga kailangan muna kaming gawin. Gusto mo bang sumama sa amin?” Pumayag ako dahil inisip ko na magkakaroon pa kami ng sapat na oras para magpunta sa beach pagkatapos.

Noong araw na iyon, sa loob ng mahigit 10 oras, naglakad ako sa mga kalye ng bayang iyon kasama ng aking kapatid at ng kanyang kompanyon. Buong araw akong ngumiti sa mga tao. Binati ko ang mga taong hindi ko pa nakita kailanman. Kami ay nakipag-usap sa lahat, kumatok sa mga pintuan ng mga taong hindi namin kilala, at bumisita sa mga tinuturuan ng aking kapatid at ng kanyang kompanyon.

Sa isang pagbisita, nagturo ang aking kapatid at ang kanyang kompanyon tungkol kay Jesucristo at sa plano ng kaligtasan. Biglang huminto si Ivan at tumingin sa akin. Nagulat ako nang magalang niya akong inanyayahan na ibahagi ang aking opinyon tungkol sa itinuturo nila. Naging tahimik ang lahat ng nasa silid, at nakatingin silang lahat sa akin. Kahit medyo mahirap, sa wakas ay naisip ko rin ang sasabihin at ibinahagi ko ang aking damdamin tungkol sa Tagapagligtas. Hindi ko alam kung tama o mali ang sinabi ko. Hindi ako itinama ng aking kapatid kahit kailan; bagkus, pinasalamatan niya ako para sa pagbabahagi ng aking naisip at nadama.

Sa mga oras na iyon na magkasama kami, ang kapatid ko at ang kanyang kompanyon ay hindi gumugol ni isang minuto sa pagtuturo ng isang lesson na para lamang sa akin, pero mas marami akong natutuhan noon kaysa sa lahat ng nauna naming mga pag-uusap. Nasaksihan ko kung paano nagbago ang ekspresyon sa mga mukha ng mga tao nang matanggap nila ang espirituwal na liwanag sa kanilang buhay. Nakita ko kung paano nakasumpong ng pag-asa sa mga mensahe ang ilan sa kanila, at natutuhan ko kung paano maglingkod sa iba at kalimutan ang aking sarili at ang aking sariling mga hangarin. Ginawa ko noon kung ano ang itinuro ng Tagapagligtas: “Kung ang sinomang tao’y ibig sumunod sa akin ay tumanggi sa kaniyang sarili.”3

Sa pagbabalik-tanaw, napagtanto ko na lumakas ang aking pananampalataya noong araw na iyon dahil binigyan ako ng aking kapatid ng oportunidad na gamitin iyon. Ginamit ko ang aking pananampalataya nang kami ay magbasa ng mga banal na kasulatan, maghanap ng mga tuturuan, magpatotoo, maglingkod sa iba, at iba pa. Hindi kami nagkaroon ng oras para makapagbilad sa araw noong araw na iyon, ngunit napuno ang aking puso ng liwanag mula sa langit. Wala akong nakita ni isang butil ng buhangin sa dalampasigan, ngunit nadama kong lumago ang aking pananampalataya katulad ng isang maliit na butil ng binhi ng mustasa.4 Hindi ko ginugol ang maaliwalas na araw bilang isang turista, ngunit nagkaroon ako ng magagandang karanasan, at hindi ko namalayan na naging missionary ako—kahit hindi pa ako miyembro ng Simbahan!

Mga Oportunidad para Mapalakas ang mga Espirituwal na Kalamnan

Dahil sa Panunumbalik ng ebanghelyo, maaari nating maunawaan kung paano tayo tinutulungan ng Ama sa Langit na magkaroon ng mga espirituwal na kaloob. Mas malamang na bibigyan Niya tayo ng mga oportunidad na paunlarin ang mga kaloob na iyon sa halip na ipagkaloob lang sa atin ang mga iyon nang walang espirituwal at pisikal na pagsisikap. Kung nakaayon tayo sa Kanyang Espiritu, matututo tayong tukuyin ang mga oportunidad na iyon at pagkatapos ay kumilos ayon doon.

Kung hangad nating magkaroon ng higit na pasensya, maaaring kailanganin nating gamitin iyon habang naghihintay ng isang sagot. Kung nais nating magkaroon ng higit na pagmamahal para sa ating kapwa, maaari natin itong pag-ibayuhin sa pamamagitan ng pagtabi sa isang taong hindi natin kilala sa simbahan. Gayon din sa pananampalataya: kapag pumapasok ang mga pagdududa sa ating mga isipan, kakailanganin nating magtiwala sa mga pangako ng Panginoon para makasulong. Sa ganitong paraan, nagagamit natin ang ating mga espirituwal na kalamnan at napapalakas ang mga ito upang mapagkunan ng lakas sa ating buhay.

Maaaring hindi ito magiging madali sa simula, at maaari pa nga itong maging isang malaking hamon sa atin. Ang mga salita ng Panginoon, sa pamamagitan ng propetang si Moroni, ay angkop sa atin ngayon: “At kung ang mga tao ay lalapit sa akin ay ipakikita ko sa kanila ang kanilang kahinaan. Ako ay nagbibigay ng kahinaan sa mga tao upang sila ay magpakumbaba; at ang aking biyaya ay sapat para sa lahat ng taong magpapakumbaba ng kanilang sarili sa aking harapan; sapagkat kung magpapakumbaba sila ng kanilang sarili sa aking harapan, at magkakaroon [o gagamit] ng pananampalataya sa akin, sa gayon ay gagawin ko ang mahihinang bagay na maging malalakas sa kanila.”5

Nagpapasalamat ako sa kapatid kong si Ivan, na hindi lamang ibinahagi sa akin ang ebanghelyo kundi inimbitahan din ako nang di-tuwiran na isabuhay iyon at tanggapin ang aking mga kahinaan. Tinulungan niya akong tanggapin ang paanyaya ng Panginoon: “Pumarito ka, sumunod ka sa akin”6—na gawin ang ginawa ng Tagapagligtas, hangarin ang hinangad ng Tagapagligtas, at mahalin ang iba katulad ng pagmamahal sa atin ng Tagapagligtas. Makalipas ang ilang buwan, pagkatapos ng aking karanasan sa misyon, nagpasiya akong magpabinyag at magmisyon din.

Tanggapin natin ang paanyaya ni Pangulong Russell M. Nelson at buong pusong lumapit sa Tagapagligtas7 sa pamamagitan ng pagtukoy sa mga kalamnang iyon na nangangailangan ng higit na espirituwal na aktibidad at simulang gamitin ang mga iyon. Ang buhay na ito ay isang mahabang karera, isang maraton, at hindi isang sprint o maikling takbuhan, kaya huwag ninyong kalimutan ang maliliit ngunit pang-araw-araw na mga espirituwal na aktibidad na iyon na magpapalakas sa mahahalagang espirituwal na kalamnang iyon. Kung nais nating palakasin ang ating pananampalataya, gumawa tayo ng mga bagay na nangangailangan ng pananampalataya.

Pinatototohanan ko na tayo ay mga anak ng mapagmahal na Ama sa Langit. Mahal tayo ng Kanyang Anak na si Jesucristo. Pumarito Siya sa mundong ito para ipakita sa atin ang daan at pagkatapos ay kusang ibinigay ang Kanyang buhay para bigyan tayo ng pag-asa. Inaanyayahan tayo ng Tagapagligtas na tularan ang Kanyang perpektong halimbawa, sumampalataya sa Kanya at sa Kanyang Pagbabayad-sala, at palakasin ang lahat ng espirituwal na kaloob na ibinigay sa atin. Siya ang daan. Ito ang aking patotoo sa pangalan ni Jesucristo, amen.