2019
Jan E. Newman
Mayo 2019


Jan E. Newman

Pangalawang Tagapayo sa Sunday School General Presidency

Jan E. Newman

Bilang batang missionary na naglilingkod sa Strasbourg, France, si Jan E. Newman ay nagkaroon ng espesyal na espirituwal na karanasan na nagpalakas sa kanyang patotoo at ipinadama sa kanya ang pagmamahal ng Ama sa Langit. Nangyari ang karanasang ito nang mabasa niya ang mga salita ni propetang Alma sa Aklat ni Mormon tungkol sa pagtatanim ng binhi ng ebanghelyo sa ating mga puso (tingnan sa Alma 32:28; 33:22–23).

“Nabasa ko na kung bibigyan mo ng puwang sa puso mo ang binhi, lalaki ito, at talagang madarama mo ang paglaki nito” sabi ni Brother Newman. “Naaalala ko na nabasa ko iyan at matinding pinatotohanan sa akin ng Espiritu na ito ay totoo. Nadama ko ang gayong paglaki. Hinding-hindi ko malilimutan ito habang ako’y nabubuhay.”

Ito at ang iba pang mga karanasan ang nakatulong para mapatibay ang patotoo ni Brother Newman sa ebanghelyo at maihanda siya sa patuloy na paglilingkod bilang asawa, ama, at disipulo ni Jesucristo.

Si Jan Eric Newman ay ipinanganak noong Abril 16, 1960, sa Jerome, Idaho, USA, kina George Raymond at Dora Walker Newman. Siya ay lumaki sa Overton, Nevada, USA. Ang kanyang ama ay convert sa Simbahan, at ang kanyang ina ay mula sa pamilya na maraming henerasyon nang mga Banal sa mga Huling Araw.

Nagkaroon siya ng patotoo sa murang edad at naglingkod ng full-time mission sa France at Belgium. Kasunod ng kanyang misyon, si Brother Newman ay nagtamo ng bachelor’s degree in French mula sa Brigham Young University. Gustung-gusto niya ang kanyang digri kaya kinunsidera niyang magturo ng French pero pinili niyang magtrabaho sa software industry. Nagtrabaho siya bilang serial entrepreneur nang mahigit 30 taon, at nagtatag ng ilang matagumpay na software company. Sa kasalukuyan, siya ay kasosyo sa SageCreek Partners, isang technology consulting company sa Alpine, Utah.

Sina Brother Newman at Lucia Price ay ikinasal sa Oakland California Temple noong Agosto 18, 1984. Sila ay may anim na anak at nakatira sa Elk Ridge, Utah.

Si Brother Newman ay naglingkod bilang stake president, bishop, ward Young Men president, Scoutmaster, at temple worker. Mula 2006 hanggang 2009, naglingkod siya bilang pangulo ng Nebraska Omaha Mission.