2019
Naglilingkod ang mga Apostol sa Iba’t Ibang Panig ng Mundo
Mayo 2019


Naglilingkod ang mga Apostol sa Iba’t Ibang Panig ng Mundo

Sa kauna-unang pagkakataon sa kasaysayan ng ipinanumbalik na Simbahan, lahat ng miyembro ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ay nagtipon sa isang lugar sa labas ng Estados Unidos, nang lahat sila ay maglakbay patungo sa Italy para sa paglalaan ng Rome Italy Temple noong Marso 2019. (Tingnan ang kuwento sa pahina xx.)

Sa iba pang mga ministering assignment sa huling anim na buwan:

Pagkatapos bisitahin ang North at South Carolina, USA, nagsalita sina Pangulong Dallin H. Oaks at Elder David A. Bednar sa mga pagod na biktima ng bagyo sa isang debosyonal sa gabi sa Tallahassee, Florida, USA. Ipinaalala ni Pangulong Oaks sa mga nakikinig na ang paghihirap at pagdurusa ay bahagi ng mortal na buhay, ngunit “Kung tayo ay tapat at mapanalangin, tutulungan tayo ng Panginoon na makayanan ang mga ito.”

Sa Chicago, Illinois, USA, pinayuhan ni Elder Oaks ang mga bagong kasal na miyembro ng Simbahan na, “Ang pagbabalik-loob sa Panginoon ay nangyayari bago ang pagbabalik-loob sa Simbahan. At ang pagbabalik-loob sa Panginoon ay nangyayari sa pamamagitan ng pagdarasal at pag-aaral at paglilingkod.” At sa Arizona kasama si Pangulong Russell M. Nelson, ipinaalala ni Pangulong Oaks sa mga kabataan at young adult na, “Ang nag-iisang pinakamagandang katangian para tukuyin ang ating sarili ay na tayo ay anak na lalaki o anak na babae ng Diyos.”

Ginampanan din ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mga karagdagang tungkulin sa iba’t ibang panig ng mundo:

Sa England, mag-isa lamang si Elder Jeffrey R. Holland na nagsalita sa isang programa sa Pasko sa Pembroke College Chapel sa Oxford University, kung saan itinuro niya na ang masayang kahulugan ng Pasko ay nakasentro hindi lamang sa pagsilang ni Cristo kundi pati na rin sa Kanyang buhay, kamatayan, at “Kanyang matagumpay na nagbabayad-salang sakripisyo.”

Sa São Paulo at Salvador, Brazil, hindi lamang naglingkod si Elder Dieter F. Uchtdorf sa malalaking grupo kundi sa maliliit na grupo at mga indibiduwal din, kabilang ang pag-alo sa pamilya ng isang pumanaw na full-time missionary kamakailan, pagdalo sa dalawang sacrament meeting at Sunday School meeting ng mga ward, pagsama sa ilang magkompanyon na mga missionary habang binibisita nila ang mga part-member family, at nakilala ng isang bagong miyembro habang nakasakay sa São Paulo subway. Sinabi niya na ang Brazil ay isang “lugar kung saan kitang-kita at ipinamumuhay ang alituntuning lahat tayo ay anak ng Ama sa Langit.”

Sa United Arab Emirates, pinamunuan ni Elder David A. Bednar ang isang espesyal na miting sa mga kabataan at young adult ng Abu Dhabi Stake. Pinuntahan niya ang isang learning center para sa mga African refugee sa Egypt at ang isang center para sa mga internally displaced person [mga taong tumakas sa kanilang mga tirahan dahil sa kaguluhan at iba pang kadahilanan] sa Iraqi Kurdistan. “Lahat tayo ay mga anak na lalaki at anak na babae ng Diyos,” sabi ni Elder Bednar pagkatapos makausap ang mga refufee. Sa Israel, siya ang nangulo sa isang kumperensya ng Jerusalem District at sa isang debosyonal sa Brigham Young University Jerusalem Center. Noong RootsTech family history conference sa Salt Lake City, Utah, USA, nagbigay si Elder Bednar ng $2 milyong donasyon sa ngalan ng Simbahan sa International African American Museum Center for Family History.

Sa Ukraine, Armenia, France, Hungary, Switzerland, Romania, at Czechia, tinalakay ni Elder Quentin L. Cook ang temang ipamuhay ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo araw-araw at ibahagi ang mga ito sa pamamagitan ng pagpapakita ng magandang halimbawa at pagtulong sa kapwa. Sa New York City, USA, nagsalita si Elder Cook tungkol sa magkaparehong mga paniniwala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at ng mga komunidad ng mga Judio. “Ibinahagi namin sa mga kaibigan nating Judio ang pag-aalala para sa mga taong inaapi at nakakaranas ng mga pambihirang hamon o pagsubok,” sabi niya.

Sa Mexico City, Mérida, at Cancún, Mexico, naglingkod si Elder Cook sa mga pinuno, miyembro, at mga missionary ng Simbahan at sa mga pinuno ng relihiyon, pamahalaan, at negosyo. Isang debosyonal para sa mga kabataan na dinaluhan ng 800 kabataan mula sa walong stake sa Mexico City ang ibinrodkast sa 38,000 kabataan sa buong Mexico. At nagsalita rin si Elder Cook sa isang forum sa auditorium ng Mexican Senate, kung saan nanawagan siya sa mga taong nananampalataya na matatag na manindigan at magkaisa sa pagtatanggol sa kalayaang panrelihiyon.

Sa Puerto Rico at sa Dominican Republic, nalaman ni Elder D. Todd Christofferson na sa kabila ng pagkawasak na dulot ng malalakas na bagyo, ang mga miyembro ay nakabangong muli. Sinabi niya na “natuwa” ang mga miyembro, dahil nalaman nila na magtatayo ng tatlong templo sa Caribbean (sa Haiti, Puerto Rico, at sa Dominican Republic). Nagsalita rin siya sa isang business ethics conference at sa isang religious freedom conference. Sa isang news summit sa Washington, D.C., USA, tinalakay ni Elder Christofferson ang kahalagahan ng katotohanan at integridad. At habang nasa tungkulin sa Guatemala at El Salvador, bukod pa sa iba pang mga miting, nakibahagi si Elder Christofferson sa mga brodkast na napanood sa iba’t ibang panig ng Central America, binibigyang-diin ang kahalagahan ng pag-aaral ng ebanghelyo sa tahanan.

Sa South Africa at Zimbabwe, pinayuhan ni Elder Neil L. Andersen ang mga miyembro na alalahanin ang Tagapagligtas at suportahan ang konsepto ng pag-aaral na nakasentro sa tahanan at sinusuportahan ng Simbahan. Sa England, Wales, France, at Austria, inilahad niya ang lakas na natatamo kapag ang mga pamilya sa Simbahan ay nagiging maraming henerasyon at sinabing ang mga miyembrong European ay patuloy na nagiging mahalagang bahagi ng pag-unlad at katatagan ng Simbahan. Sila, ayon sa kanya, ay mga tagapagtanggol ng pananampalataya.

Lubos na pinagtutuunan ng Simbahan ang tungkol sa pagpapakamatay ng mga kabataan, pagbibigay-diin ni Elder Ronald A. Rasband nang magsalita siya sa mga titser ng seminary at institute sa Salt Lake City, Utah. Maaaring makatulong ang mga titser ng seminary at institute sa pamamagitan ng paggamit ng mga suicide-prevention resources na inilaan ng Simbahan at sa pagpapaalala sa mga estudyante na ang banal na tulong at ministering ay matatagpuan sa Tagapagligtas.

Sa Rwanda, binisita ni Elder Gary E. Stevenson ang isang genocide memorial, kung saan sinabi niya na sa kabila ng mga kaguluhan noon, ang mga taong Rwandan ay puno ng “kabaitan, kabutihan, pakikipagkasundo, at pagpapatawad” na nagpapakita ng pinakamagandang katangian ng sangkatauhan. Nagbigay siya ng donasyon sa memoryal sa ngalan ng Simbahan. Binisita rin ni Elder Stevenson ang Uganda, Ethiopia, Tanzania, at Madagascar, nagdaos ng mga kumperensya para sa pamumuno ng priesthood, nagsalita sa mga miyembro at mga missionary, nakibahagi sa debosyonal para sa mga kabataan at young single adult, nakipag-usap sa mga opisyal ng pamahalaan, at sinagot ang mga tanong ng media.

Pinuntahan ni Elder Dale G. Renlund ang malalayong lugar habang nasa tungkulin sa Argentina at Chile, gaya ng Antofagasta sa disyerto ng hilagang Chile; isang kumperensya para sa Argentina Comodoro Rivadavia Mission; ang El Calafate Branch sa Argentina, kung saan puno ng mga tao ang isang maliit na chapel na lagpas sa 30–40 katao na inaasahang dumalo; at ang pagtitipon sa Ushuaia, Argentina, kung saan dumalo ang 600 katao na kumakatawan sa karamihan sa mga aktibong miyembro sa iba’t ibang dako ng buong rehiyon ng Tierra del Fuego. Sa mga lugar na tulad ng Rio Gallegos, Argentina, nagsalita si Elder Renlund tungkol sa mga pagpapala ng kurikulum na nakasentro sa tahanan at sinusuportahan ng Simbahan at kung paano mapagpapala ang mga pamilya sa pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath.

Sa Paraguay, Uruguay, Chile, at Argentina, nagbahagi si Elder Gerrit W. Gong ng mga alituntunin mula sa mga banal na kasulatan at mula sa mga itinuro ni Pangulong Nelson—kabilang ang mga tema tungkol sa ministering, pananatili sa landas ng tipan, personal na paghahayag, tamang paggamit ng pangalan ng Simbahan, at paggamit ng ebanghelyo sa paghahanap ng mga sagot at pagdaig sa mga hamon at pagsubok.

Sa missionary training center sa Guatemala, nagbahagi ng mga aral si Elder Ulisses Soares na natutuhan niya mula sa pagbabalik-loob ng kanyang mga magulang. Ginamit niya ang mga aral na iyon para hikayatin ang mga missionary na manatiling tapat at matatag. Binisita rin niya ang Costa Rica at Panama at sinabi na ang mga miyembro sa Central America ay “nais maglingkod sa Panginoon. Gusto nilang gawin ang ipinagagawa Niya sa kanila.” Sa pagbisita kalaunan na kinabilangan ng Dominican Republic at Trinidad at Tobago, sinabi niya na sa Caribbean, “masayang tinatamasa ng mga tao ang ebanghelyo ni Jesucristo sa kanilang buhay.” Inilaan din niya ang islang bansa ng Curaçao para sa pangangaral ng ebanghelyo. “Magiging malaki ang pag-unlad ng Simbahan sa Curaçao,” idinagdag pa niya. “Ang mga tao ay tapat at handang tanggapin ang ebanghelyo.”