2019
Elder Peter M. Johnson
Mayo 2019


Elder Peter M. Johnson

General Authority Seventy

Elder Peter M. Johnson

Matapos tanggapin ni Peter M. Johnson, anak ng isang facility supervisor at drayber ng taxi, ang basketball scholarship sa Brigham Young University–Hawaii, natagpuan niya ang kanyang sarili na kausap ang isang institute teacher.

“Sasapi ka agad sa Simbahan, o maaaring matagalan pa, ngunit tiyak na sasapi ka,” ang hula ng guro.

Tama ang guro. Mahigit isang taon kalaunan, si Peter ay “nag-ayuno at nagdasal at nakatanggap ng sagot.” Siya ay nabinyagan noong Agosto 16, 1986.

Si Peter Matthew Johnson, ang pang-apat sa limang anak, ay isinilang kina McKinley Johnson at Geneva Paris Long noong Nobyembre 29, 1966, sa Queens, New York, USA.

Nagdiborsyo ang Kanyang mga magulang nang siya ay 11, at ang kanyang ina ay lumipat sa Hawaii. Isang taon kalaunan, sumapi si Peter sa Nation of Islam at naging Muslim. Ang samahang ito ay nagbigay ng gabay at suporta at inihanda siya sa pagtanggap sa ebanghelyo ni Jesucristo.

Sa edad na 15, lumipat si Peter sa Hawaii para manirahang kasama ng kanyang ina. Doon, nakahiligan niya ang sports—lalo na ang basketball—at pinagsikapang makatapos ng kolehiyo, naging miyembro ng Ang Simbahan ng mga Banal sa mga Huling Araw, nagmisyon sa Alabama Birmingham Mission, at pinakasalan si Stephanie Lyn Chadwick sa templo noong 1990. Ang mag-asawa, na nagkakilala habang naglalaro ng basketball sa Southern Utah University, ay may apat na anak.

“Narito ako para maglingkod sa Panginoon,” sabi ni Elder Johnson tungkol sa kanyang tungkulin bilang Seventy. “Anuman ang nasyonalidad o kultura o saan man ako nagmula, ang tungkulin ko ay paglingkuran ang Panginoon nang buong puso, isip, at lakas upang kumatawan sa Panginoon at sa Kanyang mga tao. Mahal tayong lahat ng Tagapagligtas. Tayo ay mga anak na lalaki at babae ng Diyos.”

Si Elder Johnson ay nagtamo ng bachelor’s at master’s degree sa accounting mula sa Southern Utah University at PhD sa accounting mula sa Arizona State University. Nagtrabaho siya bilang associate professor sa BYU–Hawaii, assistant professor sa Brigham Young University, at associate professor sa University of Alabama. Siya ay naglingkod bilang Area Seventy, stake president, stake financial clerk, at ward mission leader.