2019
Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo
Mayo 2019


2:3

Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo

Ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay hindi lamang walang hanggan ang sakop, kundi ang mga indibiduwal ay naaabot nito.

Sa panahong ito ng taon, lalo tayong nagdiriwang at nagninilay sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Tunay ngang ito ang pinakabanal, pinaka-nagpapalawak ng isipan, at pinaka-nakaaantig na doktrina na mayroon sa mundo o sansinukob. Ito ang nagbibigay ng pag-asa at layunin sa ating buhay.

Ano kung gayon ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo? Sa isang banda, ito ay ang magkakasunod na mga banal na pangyayari na nagsimula sa Halamanan ng Getsemani, na nagpatuloy sa krus, at natapos sa Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas mula sa libingan. Ito ay ginawa dahil sa hindi kayang maunawaan na pag-ibig para sa bawat isa sa atin. Ito ay nangangailangan ng isang nilalang na walang kasalanan; na walang-hanggan ang kapangyarihan sa mga elemento—maging sa kamatayan; na nagtataglay ng walang hanggang kakayahang pagdusahan ang mga ibinunga ng lahat ng ating mga kasalanan at sakit; at sa katunayan ay nagpakababa-baba sa lahat ng bagay.1 Ito ang misyon ni Jesucristo—ito ang Kanyang Pagbabayad-sala.

Ano kung gayon ang layunin nito? Ito ay upang gawing posible para sa atin na bumalik sa piling ng Diyos, maging mas katulad Niya, at magkaroon ng lubos na kagalakan. Ito ay nagawa sa pamamagitan ng pagdaig sa apat na hadlang:

  1. Pisikal na kamatayan

  2. Espirituwal na kamatayan na dulot ni Adan at ng ating mga kasalanan

  3. Ang ating mga paghihirap at sakit

  4. Ang ating mga kahinaan at pagiging hindi perpekto

Ngunit paano ito magagawa ng Tagapagligtas nang hindi nilalabag ang mga batas ng katarungan?

Pagbagsak mula sa eroplano

Isipin sandali na pinag-iisipan ng isang lalaki ang kapana-panabik na pagbagsak at basta na lamang tumalon mula sa isang maliit na eroplano. Pagkatapos magawa ito, natanto niya ang kahangalang ginawa niya. Gusto niyang bumagsak nang ligtas, pero mayroong isang hadlang—ang batas ng gravity. Mabilis niyang iniunat ang kanyang bisig, umaasang makalipad, ngunit walang nangyari. Ipinosisyon niya ang kanyang sarili para lumutang o dahan-dahang lumapag, ngunit ang batas ng gravity ay hindi napipigil at walang-awa. Sinubukan niyang mangatwiran sa pangunahing batas ng kalikasan: “Isa itong pagkakamali. Hindi ko na ito gagawing muli.” Ngunit ang kanyang mga pagsamo ay hindi narinig. Ang batas ng gravity ay walang-awa; wala itong eksepsyon. Buti na lang, biglang may nadama ang lalaki sa kanyang likuran. Ang kanyang kaibigan sa eroplano, na nakatunog sa kanyang sandali ng kahangalan, ay naglagay roon ng parachute bago siya tumalon. Nahanap niya ang pambukas na kurdon at hinila ito. Napanatag siya, at ligtas na nakalapag sa lupa. Maaaring maitanong natin, “Nilabag ba ang batas ng gravity, o sumunod ang parachute sa batas para magkaroon ng ligtas na paglapag?”

Gamit ang parachute para ligtas na makalapag

Kapag nagkakasala tayo, tayo ay katulad ng hangal na lalaking lumundag mula sa eroplano. Anuman ang gawin natin gamit ang sarili nating kakayahan, tanging mabilis na pagbagsak ang naghihintay sa atin. Tayo ay nasasakop ng batas ng katarungan na, tulad ng batas ng gravity, ay maraming hinihingi at hindi nagpapatawad. Tayo ay maliligtas lamang dahil ang Tagapagligtas, sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, ay buong-awang nagbibigay sa atin ng isang bagay na katulad ng isang espirituwal na parachute. Kung mayroon tayong pananampalataya kay Jesucristo at nagsisisi (ibig sabihin ay ginagawa natin ang ating bahagi at hinihila ang pambukas na kurdon), kung gayon ang mga pumuprotektang kapangyarihan ng Tagapagligtas ay nabubuksan alang-alang sa atin, at makalalapag tayo sa lupa nang hindi espirituwal na nasasaktan.

Gayunman, magiging posible lamang ito dahil dinaig ng Tagapagligtas ang apat na hadlang na nakapipigil sa ating espirituwal na pag-unlad.

1. Kamatayan. Dinaig Niya ang kamatayan sa pamamagitan ng Kanyang maluwalhating Pagkabuhay na Mag-uli. Itinuro ni Apostol Pablo, “Sapagka’t kung paanong kay Adan ang lahat ay nangamamatay, gayon din naman kay Cristo ang lahat ay bubuhayin.”2

2. Kasalanan. Dinaig ng Tagapagligtas ang kasalanan at pagkabagabag ng konsensya para sa lahat ng nagsisisi. Napakalalim at napakalawak ng Kanyang nakalilinis na kapangyarihan na ipinangako ni Isaias, “Bagaman ang inyong mga kasalanan ay maging tila mapula, ay magiging mapuputi na parang niebe.”3

May mga pagkakataon na may nakikilala akong mabubuting Banal na may problema sa pagpapatawad sa kanilang sarili, na sa kawalang-muwang at sa maling paraan ay naglagay ng mga hangganan sa mga nakatutubos na kapangyarihan ng Tagapagligtas. Hindi nila sinasadyang lagyan ng hangganan ang walang katapusang Pagbabayad-sala na sa ilang paraan ay nagkukulang para sa kanilang partikular na kasalanan o kahinaan. Ngunit ito ay isang walang hanggang Pagbabayad-sala dahil sinasakop at ibinibilang nito ang bawat kasalanan at kahinaan, gayundin ang bawat pang-aabuso o sakit na idinulot ng iba.

Ibinigay ni Truman G. Madsen ang nakapapanatag na obserbasyong ito:

“Kung mayroon sa inyo na nalinlang sa paniniwalang huli na ang lahat para sa inyo … na nalason na kayo ng kasalanan kaya imposible na muli kayong maging tulad ng dapat na kinahinatnan ninyo—kung gayon ay pakinggan ninyo ako.

“Pinatototohanan ko sa inyo na hindi kayo maaaring lumubog nang higit pa sa maaabot ng liwanag at malawak na katalinuhan ni Jesucristo. Pinatototohanan ko na hangga’t mayroong isang kislap ng hangaring magsisi at humingi ng tulong, Siya ay naroon. Hindi lamang Siya bumaba sa inyong kalagayan; Siya ay mas nagpakababa-baba sa ibaba nito, ‘upang Siya ay mapasalahat at magdaan sa lahat ng bagay, ang liwanag ng katotohanan.’ [Doktrina at mga Tipan 88:6.]”4

Isang dahilan kung bakit napakahalaga na maunawaan ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas at ang walang hanggang implikasyon nito ay dahil ang dagdag na pagkaunawa ay nagdudulot ng dagdag na hangaring patawarin ang ating sarili at ang iba.

Kahit na naniniwala tayo sa nakapaglilinis na kapangyarihan ni Cristo, madalas na naitatanong: “Paano ko malalaman kung napatawad na ako sa aking mga kasalanan?” Kung nadarama natin ang Espiritu, kung gayon iyon ang ating patunay na tayo ay napatawad na, o nagaganap na ang proseso ng paglilinis. Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring, “Kung nadarama ninyo ang impluwensya ng Espiritu Santo … , maituturing ninyong katibayan ito na nagkakaroon ng epekto ang Pagbabayad-sala sa inyong buhay.”5

Dead-end na landas

Naitanong ng ilan, “Kung napatawad na ako, bakit binabagabag pa rin ako ng konsensya ko?” Marahil sa awa ng Diyos, ang alaala ng kasalanang iyon ay isang babala, isang espirituwal na “hudyat na tumigil,” kahit man lang sa sandaling panahon, na nananawagan kapag nahaharap tayo sa iba pang mga tukso: “Huwag kang dumaan diyan. Alam mo ang pasakit na maidudulot nito.” Sa ganitong paraan, ito ay nagsisilbing proteksiyon, hindi isang parusa.

Kung gayon, posible ba na maalaala ang ating mga kasalanan at hindi makonsensya?

Naalaala ni Alma ang kanyang mga kasalanan, kahit mga taon na ang nakalipas matapos siyang magsisi. Ngunit nang nagsumamo siya kay Jesus para kaawaan siya, sinabi niya, “Hindi ko na naaalaala pa ang aking mga pasakit; oo, hindi na ako sinaktan pa ng alaala ng aking mga kasalanan.”6

Paano niya naaalaala ang kanyang mga kasalanan at hindi na ang kanyang pasakit o pagkakonsensya? Dahil kapag tayo ay nagsisisi, tayo ay “isini[si]lang sa Diyos.”7 Tulad ng sinasabi sa mga banal na kasulatan, tayo ay nagiging “mga bagong nilikha”8 kay Cristo. Masasabi na natin ngayon nang may ganap na katapatan, “Hindi na ako ang lalaki o babae na gumawa ng mga kasalanang iyon noon. Isa na akong bago at nagbagong nilalang.”

3. Mga Paghihirap at Sakit. Iprinopesiya ni Alma na si Cristo ay “hahayo, magdaranas ng mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso.” Bakit? “Upang ang kanyang sisidlan ay mapuspos ng awa, … upang malaman niya nang ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan.”9

Paano Niya ito nagagawa? Kung minsan, inaalis Niya ang ating mga paghihirap, kung minsan ay pinalalakas Niya tayo para makapagtiis tayo, at kung minsan ay binibigyan Niya tayo ng walang hanggang pananaw para mas maunawaan natin ang mga pansamantalang katangian ng mga ito. Matapos ang pagtitiis ni Joseph Smith sa Liberty Jail sa loob ng dalawang buwan, sa huli ay ibinulalas niya, “O Diyos, nasaan kayo?”10 Sa halip na magbigay ng agarang kaginhawahan, tumugon ang Diyos, “Aking anak, kapayapaan ay mapasaiyong kaluluwa; ang iyong kasawian at ang iyong mga pagdurusa ay maikling sandali na lamang; at muli, kung ito ay iyong pagtitiisang mabuti, ang Diyos ay dadakilain ka sa itaas.”11

Naunawaan na ngayon ni Joseph na ang mapait na karanasang ito ay isang tuldok lamang sa walang hanggan. Taglay ang mas mabuting pananaw, isinulat niya sa mga Banal mula sa kulungang iyon, “Mga minamahal na kapatid, ating malugod na gawin ang lahat ng bagay sa abot ng ating makakaya; at pagkatapos nawa tayo ay makatayong hindi natitinag, na may lubos na katiyakan, na makita ang pagliligtas ng Diyos.”12 Dahil sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, maaari tayong magkaroon ng walang hanggang pananaw na nagbibigay ng kahulugan sa ating mga pagsubok at pag-asa para sa ating kaginhawahan.

4. Mga Kahinaan at Pagiging Hindi Perpekto. Dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala, ang Tagapagligtas ay mayroong mga nakapagbibigay-kakayahang kapangyarihan, na kung minsan ay tinatawag na biyaya,13 na makatutulong sa atin na madaig ang ating mga kahinaan at pagiging hindi perpekto at sa gayon ay matulungan tayo sa ating pagsisikap na maging mas katulad Niya.

Tulad ng itinuro ni Moroni: “Oo, lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya, … upang sa pamamagitan ng kanyang biyaya kayo ay maging ganap kay Cristo.”14 Tila may hindi bababa sa dalawang daluyan o paraan para magkaroon tayo ng nagbibigay-kakayahan na mga kapangyarihang iyon na nakadadalisay—nagpeperpekto—sa atin.

Una, ang mga nakapagliligtas na ordenansa. Sinasabi sa atin ng mga banal na kasulatan, “Sa mga ordenansa nito, ang kapangyarihan ng kabanalan ay makikita.”15 Kung minsan, maaaring naiisip natin na ang mga ordenansa ay isang listahan—kailangan para sa kadakilaan; ngunit sa katotohanan ang bawat isa ay nagbibigay ng banal na kapangyarihan na tumutulong sa atin na maging mas katulad ni Cristo. Halimbawa:

  • Kapag tayo ay bininyagan at tinanggap ang kaloob na Espiritu Santo, tayo ay ginagawang malinis—kaya nagiging mas banal na tulad ng Diyos.

  • Dagdag pa rito, sa kaloob na Espiritu Santo, maaaring maliwanagan ang ating isipan at mapalambot ang ating puso para mas makapag-isip at makadama tayo na tulad Niya.

  • At kapag tayo ay nabuklod bilang mag-asawa, minamana natin ang karapatan sa “mga trono, kaharian, pamunuan, at kapangyarihan”16 bilang mga kaloob mula sa Diyos.

Ang ikalawang daluyan para sa mga kapangyarihang nakapagbibigay-kakayahan na ito ay ang mga kaloob ng Espiritu. Dahil sa Pagbabayad-sala ni Cristo, tayo ay marapat na tumanggap ng kaloob na Espiritu Santo at ng mga kalakip na espirituwal na kaloob nito. Ang mga kaloob na ito ay mga katangian ng pagiging banal; kung gayon, sa tuwing nagkakaroon tayo ng isang kaloob ng Espiritu, tayo ay nagiging mas katulad ng Diyos. Walang duda na iyon ang dahilan kung bakit hinihikayat tayo ng mga banal na kasulatan nang ilang ulit na hangarin ang mga kaloob na ito.17

Itinuro ni Pangulong George Q. Cannon: “Hindi dapat sabihin ng sinuman na, ‘Ah, hindi ko kontrolado ito; likas na sa akin ito.’ Hindi siya mabibigyang-katwiran dito, dahil ipinangako ng Diyos na … bibigyan tayo ng mga kaloob para alisin ang [ating mga kahinaan]. … Kung hindi perpekto ang sinuman sa atin, tungkulin nating ipagdasal na mapasaatin ang kaloob na gagawin tayong perpekto.”18

Bilang buod, ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay nagbibigay sa atin ng buhay na kahalili ng kamatayan, “putong na bulaklak na kahalili ng mga abo,”19 kagalingan na kahalili ng pasakit, at pagiging perpekto na kahalili ng kahinaan. Ito ang lunas ng langit para sa mga hadlang at paghihirap sa mundong ito.

Sa huling linggo ng Tagapagligtas sa mortalidad, sinabi Niya, “Sa sanglibutan ay mayroon kayong kapighatian: nguni’t laksan ninyo ang loob; aking dinaig ang sanglibutan.”20 Dahil ginawa ng Tagapagligtas ang Kanyang Pagbabayad-sala, walang panlabas na lakas o pangyayari o tao—walang kasalanan o kamatayan o diborsiyo—na makapipigil sa atin para makamit ang kadakilaan, kung susundin natin ang mga utos ng Diyos. Taglay ang kaalamang iyon, makasusulong tayo nang may nagagalak na puso at lubos na katiyakan na kasama natin ang Diyos sa banal na pagsisikap na ito.

Pinatototohanan ko na ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay hindi lamang walang hanggan ang sakop, kundi ang mga indibiduwal ay naaabot nito—na hindi lamang tayo nito maibabalik sa piling ng Diyos, kundi bibigyan tayo nito ng kakayahang maging katulad Niya—ang pangunahing layunin ng Pagbabayad-sala ni Cristo. Sa mga bagay na iyon ay ibinibigay ko ang aking nagpapasalamat at tiyak na patotoo sa pangalan ni Jesucristo, amen.