Mark L. Pace
Sunday School General President
Sa interbyu para sa pagtawag na maglingkod bilang bagong Sunday School General President ng Simbahan, nagbigay si Brother Mark L. Pace ng isang mapanalanging pangako.
“Ama sa Langit, anuman ang nais Ninyong ipagawa sa akin, masaya akong gawin ito,” panalangin niya. “Ipinaaalam ko po sa Inyo na buung-buo akong nangangako.”
Sinabi ni Brother Pace na ang pangunahing hangarin niya sa kanyang bagong tungkulin ay ang pagpalain, suportahan, at hikayatin ang mga miyembro ng Simbahan. “Gusto naming ibigay ang lahat ng mayroon kami,” ang sabi niya tungkol sa bagong Sunday School General Presidency.
Si Mark Leonard Pace ay ipinanganak noong Enero 1, 1957, sa Buenos Aires, Argentina, at kanyang mga magulang ay sina Lorin Nelson at Marylynn Haymore Pace. Noong panahong iyon, ang ama ni Brother Pace ang namumuno sa Argentine Mission.
Nakilala ni Brother Pace ang kanyang magiging asawa kalaunan na si Anne Marie Langeland, nang naging magkaklase sila sa ikalawang baitang sa Salt Lake City, Utah, USA. Kalaunan, habang dumadalo sa magkaibang high school sa lungsod, muli silang nagkita sa isang combined seminary activity. Nagsulatan sila nang sumunod na mga taon habang kasama ni Sister Pace ang kanyang pamilya sa Norway kung saan namuno ang kanyang ama sa Norway Oslo Mission, at habang naglilingkod naman si Brother Pace sa Spain Madrid Mission. Ikinasal sila sa Salt Lake Temple noong Nobyembre 21, 1978, at naging mga magulang ng pitong anak.
Nagtapos si Brother Pace ng bachelor’s degree in economics sa University of Utah noong 1980 at master of business administration degree sa Harvard Business School noong 1982. Matapos ang maikling panahon ng pagtatrabaho sa Price Waterhouse sa New York City, sumapi siya sa Boyer Company sa Salt Lake City at nagtrabaho sa commercial real estate development mula 1984 hanggang 2012. Pagkatapos ng tatlong taong tungkulin bilang pangulo ng Spain Barcelona Mission, sumapi siya sa Gardner Company noong 2015 at nagtrabaho sa real estate development.
Nang tawagin siya sa kanyang bagong tungkulin, si Brother Pace ay naglilingkod bilang Area Seventy. Ang kanyang mga nagdaang tungkulin sa Simbahan ay kinabibilangan ng pagiging tagapayo sa stake presidency, high councilor, bishop, tagapayo sa bishopric, pangulo ng elders quorum at ward Young Men, at Scoutmaster.