Ang Inyong Priesthood Playbook
Gumawa ng sarili ninyong playbook tungkol sa paraan kung paano ninyo mapapatunayan na kayo ay isang disipulo ni Cristo.
Noong nakaraang Disyembre, naglabas ng pahayag ang Unang Panguluhan na nagpapabatid na ang mga 11-taong-gulang na batang lalaki ay “magsisimula nang dumalo sa … mga korum ng Aaronic Priesthood … simula sa Enero ng taong tutuntong sila sa edad na 12.”1
Bunga nito, sa mga unang buwan ng taong ito, may mga nagulat na 11-taong-gulang na inakala na mananatili pa rin sila sa Primary hanggang sa susunod nilang kaarawan pero ngayon ay nagpapasa na ng sakramento sa araw ng Linggo bilang mga pinakabagong inordenang deacon.
Iniisip ko kung sino kaya ang mas nagulat sa pagbabago—ang mga deacon o ang mga magulang nila. Sa halos 80,000 na bagong deacon na ito, marami ay kasama natin ngayong gabi sa malaking Conference Center na ito o kaya’y nakikibahagi gamit ang teknolohiya. Malugod namin kayong tinatanggap sa malaking kapatiran ng priesthoodl!
Dahil sa pagbabagong ito naging makasaysayan ang pulong na ito—marahil ito na ang pinakamalaking grupo ng mga maytaglay ng Aaronic Priesthood na dumalo sa pangkalahatang sesyon ng priesthood ng pangkalahatang kumperensya. Dahil sa espesyal na pagkakataong ito, nais kong magsalita lalung-lalo na sa mga kabataang lalake ng Aaronic Priesthood.
Mga Aral na Natutuhan mula sa Sports
Bilang mga estudyante, marami sa inyo ang nagpapahusay din ng inyong mga talento, interes, at mga libangan sa pamamagitan ng mga extracurricular activity sa paaralan o sa mga pribadong aralin, koponan, at mga grupo sa labas ng paaralan, at sa isports.
Dahil mahilig ako sa isports noon pa man, hanga ako sa mga naglilinang ng kanilang mga kasanayan bilang mga atleta para makalaro nang napakahusay. Para maging talagang magaling ang isang tao sa anumang bagay, bukod sa likas na talento ay kailangan ng matinding disiplina, sakripisyo, at maraming oras ng pagsasanay at praktis. Ang gayong mga atleta ay madalas makarinig ng kung minsan ay masasakit na salita sa kanilang mga coach at kusang isinasantabi ang gusto nila ngayon para sa mas magandang matatamo sa hinaharap.
May kilala tayo na mga miyembro ng Simbahan at mga maytaglay ng priesthood na matagumpay na mga propesyonal na atleta. Maraming magagandang halimbawa, pero kaunti lang ang inilista ko para matapos ako sa oras. Maaaring kilala ninyo ang ilan sa mga atletang ito: sa baseball, sina Jeremy Guthrie at Bryce Harper; sa basketball, sina Jabari Parker at Jimmer Fredette; sa soccer, si Ricardo Rojas; at sa rugby league, si William Hopoate; at sa football, sina Taysom Hill at Daniel Sorensen. Bawat isa ay nagbigay ng mahalagang kontribusyon sa kanyang isport.
Bagama’t labis na matagumpay sa kanilang isports, ang mga atletang ito ang unang-unang magsasabi na hindi sila mga perpektong atleta o perpektong tao. Nagsisikap sila upang humusay sa kanilang isport—at maipamuhay ang ebanghelyo. Bumabangon sila kapag nagkakamali at nagsisikap na magpatuloy hanggang wakas.
Pag-aralan ang Playbook
Sa team sports, may ginagawang mga estratehiya para sa ilang sitwasyon sa laro at tinitipon ang mga ito sa isang playbook. Pinag-aaralan ng mga atleta ang kanilang partikular na gagawin sa bawat sitwasyon. Ang matagumpay na mga manlalaro ay pinag-aaralan nang maigi ang playbook kaya kapag kinailangang gawin ang taktika, alam na nila agad kung saan eksaktong pupuwesto at ano ang gagawin.
Sa gayunding paraan, tayo na mga maytaglay ng priesthood ay mayroon ding team (isang korum) at playbook (ang mga banal na kasulatan at mga salita ng mga propeta ngayon).
Pinapalakas ba ninyo ang teammates ninyo?
Gaano kaigi ninyong pinag-aaralan ang playbook ninyo?
Naiintindihan ba ninyo nang lubos ang itinakdang gawain ninyo?
Pagharap sa Oposisyon
Para mas maunawaan pa ang analohiya, alam ng magagaling na coach ang lakas at kahinaan ng kanilang team pati na ang sa kalaban. Pinaplano nila ang laro para malaki ang tyansa nila na manalo. Kayo kaya?
Alam ninyo kung saan kayo madaling matukso, at mahuhulaan ninyo kung paano tatangkain ng kalaban na hadlangan kayo at pahinain ang loob ninyo. Nakagawa na ba kayo ng sariling game plan at playbook para malaman ninyo kung paano tutugon kapag kaharap na ninyo ang kalaban?
Kapag tinutukso kayong gumawa ng mga bagay na imoral—kasama man ninyo ang inyong mga kaibigan o mag-isa kayong nakatitig sa screen—alam ninyo ang inyong game plan. Kung niyaya kayo ng kaibigan ninyo na uminom ng alak o subukang gumamit ng droga, alam ninyo ang gagawin. Nakapagpraktis na kayo at maaga pa lang ay alam na ninyo ang gagawin.
Kapag may game plan, playbook, at determinasyong gawin ang bahagi ninyo, makikita ninyo na halos wala nang kontrol sa inyo ang kalaban. Napagpasiyahan na ninyo kung paano tutugon at ano ang gagawin. Hindi na ninyo kailangang magdesisyon sa tuwing tinutukso kayo.
Kamakailan ibinahagi ng isa sa Labindalawa ang kuwentong naglalarawan ng alituntuning ito. Noong siya ay priest sa high school, lumabas sila ng mga kaibigan niya. Pagkatapos nilang kumain at nasa sasakyan na, may nagsabi na panoorin nila ang isang pelikula. Ang problema, alam niyang hindi niya dapat panoorin ang pelikulang iyon. Kahit kaagad siyang kinabahan at nag-alala sa kinalagyang sitwasyon, napagplanuhan na niya ito. Planado na sa priesthood playbook niya ang gagawin dito.
Huminga siya nang malalim at lakas-loob na sinabi, “Hindi ko gusto ang pelikulang iyan. Pakibaba na lang ako sa bahay namin,” na ginawa naman nila. Isang simpleng estratehiya at pagkapanalo ang resulta! Ilang taon kalaunan, isa sa mga kaibigan niya na kasama niya nang gabing iyon ang nagsabi kung paano siya nabigyan ng lakas ng loob ng halimbawang ito na harapin ang kaparehong sitwasyon.
Mga pahina mula sa Playbook
Hiningan ko ang ilan sa mga Kapatid na magrekomenda ng maaari ninyong isama sa inyong playbook. Narito ang ilan sa inspirado nilang mungkahi:
-
Ipagdasal araw-araw na mabigyan ng karagdagang liwanag at patotoo tungkol kay Jesucristo.
-
Pakinggang mabuti ang mga turo ng inyong mga magulang, bishop, at mga lider sa Young Men at korum.
-
Iwasan ang pornograpiya at imoralidad sa social media.
-
Tandaan ang mga pangakong ginawa ninyo sa Diyos, at pagsikapang tuparin ang mga ito.
-
Pag-aralan ang mga kuwento ng mga dakilang propeta sa mga banal na kasulatan, at tularan ang kanilang magagandang katangian.
-
Pagpalain ang mga anak ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng paglilingkod.
-
Magkaroon ng mabubuting kaibigan na makakatulong na mabuo ninyo ang gusto ninyong pagkatao.
-
Maging eksperto sa FamilySearch app, at saliksikin ang sarili ninyong family history.
-
Magplano ng mga ligtas na mapupuntahan kung saan makakaiwas kayo sa masasamang impluwensya.
-
Mahalin at palakasin ang iba pang miyembro ng priesthood quorum ninyo.
Kinausap ko rin ang mga atleta na nasa mga larawan na nakita natin kanina. Natuwa ako nang malaman ko na hindi lamang nila ipinapakilala ang kanilang sarili sa ginagawa nila, bilang mga propesyonal na atleta, kundi sa kung sino sila, bilang mga anak ng mapagmahal na Ama sa Langit at mga maytaglay ng priesthood ng Diyos.
Ngayon pakinggan natin ang kanilang mga ibinahagi:
-
Si Jimmer Fredette, na narito bilang isang deacon na nag-aaral pa magsuot ng kanyang kurbata, ay nagsabing: “Natutuhan kong umasa nang lubos sa aking kaalaman at pananalig sa katotohanan ng ebanghelyo. Ginabayan ako nito na maging … karapat-dapat na maytaglay ng priesthood at higit sa lahat—magandang halimbawa.”
-
Ito naman ang isinulat ni Bryce Harper bilang asawa: “Ang akala ko ay kasikatan, kayamanan, at isang MVP award ang magpapasaya sa akin. May kulang. Kaya, … naghanda at [pumasok] ako sa templo. Ngayon ay tumatahak ako sa landas upang [makabalik] sa aking Ama sa Langit at magkaroon ng pamilya na makakasama ko nang walang hanggan—na siyang pinakamalaking kagalakan sa mundo!”
-
Bilang missionary, sinabi ni Daniel Sorensen: “Ang magandang playbook ay isang plano na gumagamit ng talento at lakas ng bawat miyembro ng team. … Sa pag-aaral at pagsasabuhay ko ng mga turo ng ebanghelyo ni Jesucristo, nalalaman ko kung paano gamitin ang mga talento ko sa paglilingkod sa priethood.”
-
Si Jeremy Guthrie, na naglilingkod ngayon bilang isang mission president, ay nagsabi: “Bilang 12 taong gulang na deacon … [nadama ko] ang Espiritu na nagpatotoo sa akin [na] ‘ang buhay na ito ang panahon para … maghanda sa pagharap sa Diyos.’2 Ang game plan ay pananampalataya sa Diyos tungo sa pagkilos [at] pagsisisi sa pamamagitan ng Tagapagligtas. … Ang playbook ay matatagpuan sa mga banal na kasulatan at sa pamamagitan ng buhay na mga propeta.”
-
Si Jabari Parker, na tumatanggap dito ng kanyang ordenasyon sa katungkulan ng elder, ay nagsabi: “Hindi ko mawari ang magiging uri ng pagkatao ko kung hindi ako nagdesisyong magpabinyag. … Nagpapasalamat ako na kasama ko ang Diyos sa aking buhay upang gabayan ako araw-araw.”
-
Si Ricardo Rojas, na naglilingkod ngayon bilang branch president, ay nagsabi: “Sa pamamagitan ng priesthood ng [Diyos], makakatulong [tayo] sa Kanyang gawain. Tinawag tayo na ‘magpakalakas at magpakatapang na mabuti’3 sa pagtatanggol sa katotohanan.” Nakatulong ito sa kanya na magtagumpay kapwa sa pitch at bilang mayhawak ng priesthood.
-
Bilang missionary, dama ni Taysom Hill na ang ebanghelyo ni Jesucristo ang nagsisilbing playbook sa kanyang buhay. Ibinahagi niya, “Ang paniniwala sa plano [ng Diyos] at pagsisikap na magampanan nang husto ang tungkulin ko ay nakapagbigay sa akin ng lubos na kapayapaan at kaligayahan sa buhay, dahil alam ko na nalulugod ang Diyos sa aking mga ginagawa.”
-
Si William Hopoate, nang basbasan ang kanyang anak na lalaki bilang bahagi ng apat na henerasyon, ay nagsabi na tinutulungan siya ng ebanghelyo na “matukoy ang mga estratehiya ng kalaban at nagbibigay ng espirituwal na kakayahan upang masalag ang nag-aalab na mga sibat at mas makapaglingkod sa iba.”
Kayo kaya? Nakikita ba ninyo ang mas mataas at mas banal na pagkakakilanlan ninyo bilang anak ng Diyos, na nagtataglay ng Kanyang banal na priesthood? Isinasaisip ang walang hanggan ninyong pagkakakilanlan, gumawa kayo ng game plan at priesthood playbook na gagabay sa inyo sa oras ng tukso at pagsubok. Heto ang mga istratehiya na offensive at defensive.
Ang mga estratehiya na offensive ay makakatulong na magpalakas ng patotoo at magpapaibayo ng determinasyong manatili sa makipot at makitid na landas. Kabilang sa mga halimbawa ang palaging pagdarasal, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pagsisimba at pagpunta sa templo, pagbabayad ng ikapu, at pagsunod sa payo na matatagpuan sa polyeto na Para sa Lakas ng mga Kabataan.
Kasama sa mga depensibong estratehiya ang maagang pagpaplano kung paano ninyo haharapin ang tukso. Kapag tinukso kayo na ibaba ang mga personal na pamantayan ninyo, alam na ninyo kung ano ang gagawin.
Kailangan ninyo ng playbook para diyan.
Wala kang ganang magdasal ngayon? Oras na para gamitin ang game plan.
Para bang humihina ang patotoo mo? May plano na kayo para diyan. Alam na ninyo ang gagawin.
Pinakamahuhusay sa Paningin ng Diyos
Taglay ninyo ang banal na priesthood ng Diyos. Ang inyong hangarin na humawak nang mahigpit sa gabay na bakal ang huhubog sa inyo na maging nilalang na pang-walang hanggan na siyang dapat ninyong kahinatnan.
Kilala at mahal kayo ng Diyos. Pagpapalain Niya kayo at gagabayan sa inyong mga hakbang.
Maaaring iniisip ninyo na walang espesyal sa inyo, na hindi kayo mahusay. Pero hindi totoo iyan. Hindi ba ninyo alam na ipinahayag ng Diyos, “Ang mahihinang bagay ng sanlibutan ay magsisilabas at bubuwagin ang mga makapangyarihan at ang malalakas”?4
Sa palagay ba ninyo ay mahina kayo? walang halaga? Binabati ko kayo, kasama kayo sa lineup!
Pakiramdam ba ninyo ay hindi kayo mahalaga? na kayo ay mahina? Baka kayo pa ang kailangan ng Diyos.
Ano pa bang halimbawa ang hihigit sa pagpunta ni David sa labanan para harapin ang nakakatakot na kalaban na si Goliath? Umaasa sa Panginoon, taglay ang plano, hindi lamang iniligtas ni David ang kanyang sarili kundi ang hukbo ng Israel!5 Dapat ninyong malaman na sasamahan kayo ng Diyos kapag nagpakatapang kayo na pumanig sa Kanya. “Kung ang Dios ay kakampi natin, sino ang laban sa atin?”6
Magbibigay siya ng mga oportunidad at tutulungan tayong makahanap ng lakas at kakayahang hindi natin sukat akalain.7
Pakinggan ang inyong pinagkakatiwalaang mga coach, gaya ng inyong mga magulang, bishop, at mga pinuno sa Young Men. Pag-aralan ang playbook. Magbasa ng mga banal na kasulatan. Pag-aralan ang mga salita ng mga propeta ngayon. Gumawa ng sarili mong playbook tungkol sa paraan na mapapatunayan mo na isa kang disipulo ni Cristo.
Maaga pa lang ay alamin na ninyo ang mga estratehiyang gagamitin para mapalakas ang inyong espiritu at maiwasan ang mga patibong ng kaaway.
Gawin ninyo ito at tiyak na gagamitin kayo ng Diyos.
Ngayon, maaaring may ilang inihihiwalay ang sarili sa ebanghelyo at lumalayo. May ilang nakatayo lang at pinapanood ang laro sa malayo. May ilang nakaupo lamang, kahit pinipilit silang pasalihin ng coach.. Inaanyayahan ko kayong iligtas, suportahan, at mahalin sila bilang mga kapwa team member!
Gusto ng iba na sumali—na ginagawa nila. Ang pinakamahalaga ay hindi kung gaano sila kahusay kundi kung gaano nila kagustong makibahagi. Hindi na nila hinihintay na tawagin ang bilang nila dahil alam nila ang banal na kasulatan na nagsasabing, “Kung ikaw ay may mga naising maglingkod sa Diyos ikaw ay tinatawag sa gawain.”8
Maaari ninyong isama ang sarili ninyo sa lineup.
Gawin ninyo iyan sa pag-aaral at pagsasagawa ng inyong priesthood playbook.
May mga pagkakataong magkakamali kayo at mabibigo—marahil nang maraming beses. Hindi kayo perpekto; ang kabiguan ay bahagi ng proseso ng pagbabago na magtutulot sa inyo na mapadalisay ang inyong pagkatao at mas makapaglingkod nang may habag. Ang Panginoon at ang Kanyang walang katapusang Pagbabayad-sala ay naglalaan ng paraan para maitama ang ating mga pagkakamali sa pamamagitan ng tapat na pagsisisi.
Ang mahuhusay na atleta ay nag-uukol ng maraming oras upang magawa nang perpekto ang isang maliit na aspeto ng laro. Bilang maytaglay ng priesthood, dapat ganyan din ang pananaw ninyo. Kung nabigo kayo, magsisi at matuto mula rito. Magpraktis upang mas mapagbuti ninyo sa susunod. Sa bandang huli kayo ang magpapasiya. Pag-aaralan ba ninyo ang playbook?
Hinihimok ko kayo: Magtiwala sa Panginoon. Isuot ang buong baluti ng Diyos9 at makibahagi.
Iilan lamang ang mahuhusay na propesyonal na manlalaro na napakahuhusay, ngunit pagdating sa pagkadisipulo, marami ang pumipiling sundin si Cristo.
Sa katunayan, iyan ang misyon ninyo sa buhay na ito—ang matutuhan ang mga paraan ng Panginoon, tumahak sa landas ng pagkadisipulo, at pagsikapang mamuhay ayon sa plano ng Diyos. Aakayin at pagpapalain kayo ng Diyos kapag bumaling kayo sa Kanya. Magagawa ninyon ito dahil kayo ang pinakamahusay sa Kanyang paningin.
Dalangin ko na tapat ninyong ipapangako na mamuhay nang karapat-dapat sa banal na priesthood na taglay ninyo at magsisikap na gampanan ang inyong sagradong tungkulin araw-araw. Binabasbasan ko kayo ng kakayahan at pagnanais na gawin ito. Idaragdag ko ang aking patotoo sa kapangyarihan ng priesthood na taglay ninyo, sa mga buhay na propeta, at kay Jesucristo at sa Kanyang papel bilang ating Tagapagligtas at Manunubos. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.