2019
Ang Mata ng Pananampalataya
Mayo 2019


2:3

Ang Mata ng Pananampalataya

Kapag pinipili natin ang gusto lang nating tanggapin sa pagpapahayag, pinalalabo natin ang ating pananaw na pangwalang-hanggan, nag-uukol ng labis na importansya sa nangyayari sa atin dito at ngayon.

Bago maganap ang pagpapako sa Kanya sa Krus, si Jesus ay dinala sa hukuman upang iharap kay Pilato. “Ikaw baga ang Hari ng mga Judio?” Ang nanunuyang tanong ni Pilato. Sumagot si Jesus: “Ang kaharian ko ay hindi sa sanglibutang ito. … Ako [ay] naparito sa sanglibutan, upang bigyang patotoo ang katotohanan. Ang bawa’t isang ayon sa katotohanan ay nakikinig ng aking tinig.”

Pakutyang itinanong ni Pilato, “Ano ang katotohanan?”1

Sa mundo ngayon, ang tanong na “Ano ang katotohanan?” ay maaaring masalimuot sa may sekular na kaisipan.

Ang Google search para sa “Ano ang katotohanan?” ay nagbibigay ng milyun-milyong sagot. Marami pa tayong makukuhang impormasyon sa ating mga cell phone kaysa sa lahat ng silid-aklatan. Nabubuhay tayo sa mundong umaapaw ang impormasyon at opinyon. Ang mga tinig na mapanukso at mapanghalina ay lagi nang nakabuntot sa atin.

Sa gitna ng maligalig na panahon ngayon, hindi nakakapagtaka na maraming tao ang pinaniniwalaan na lamang ang mga salitang binanggit ni Protagoras sa batang Socrates 2,500 taon na ang nakararaan: “Ang totoo para sa iyo,” sabi niya, “ay totoo para sa iyo, at ang totoo para sa akin ay totoo para sa akin.”2

Katotohanan sa Pamamagitan ng Ipinanumbalik na Ebanghelyo ni Jesucristo

Pinagpala ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo, mapagpakumbaba naming ipinapahayag na may ilang bagay na ganap at lubos na totoo. Ang mga walang hanggang katotohanang ito ay angkop sa bawat anak na lalaki at anak na babae ng Diyos.

Itinuturo ng mga banal na kasulatan, “Ang katotohanan ay kaalaman ng mga bagay sa ngayon, at sa nakalipas, at sa mga darating pa.”3 Ang katotohanan ay sumasaklaw sa nakaraan at hinaharap, na pinapalawak ang pananaw ng ating kasalukuyan.

Sinabi ni Jesus, “Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay.”4 Ipinapakita sa atin ng katotohanan ang daan tungo sa buhay na walang hanggan, at nangyayari lamang ito sa pamamagitan ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Wala nang ibang paraan.

Itinuturo sa atin ni Jesucristo kung paano mamuhay, at, sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli, ay nag-alok Siya ng kapatawaran mula sa ating mga kasalanan at buhay na walang hanggan sa kabilang-buhay. Ito ay ganap na totoo.

Itinuturo Niya sa atin na hindi mahalaga kung tayo ay mayaman o mahirap, bantog o hindi, sopistikado o simple. Sa halip, ang ating mithiin sa buhay ay palakasin ang ating pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, piliin ang mabuti sa halip na masama, at sundin ang Kanyang mga kautusan. Habang ikinatutuwa natin ang mga inobasyong ito sa siyensya at medisina, ang mga katotohanan ng Diyos ay higit pa sa mga bagong tuklas na ito.

Sa hangad na salungatin ang mga katotohanan ng kawalang-hanggan, may mga panlilinlang na naglilihis sa mga anak ng Diyos mula sa katotohanan. Ang mga argumento ng kaaway ay laging magkakapareho. Pakinggan ninyo ito, na inihayag 2,000 taon na ang nakararaan:

“Hindi ninyo maaaring malaman ang mga bagay na hindi ninyo nakikita. … Ang ano mang gawin ng tao ay hindi pagkakasala.”

“[Hindi kayo pinagpapala ng Diyos, kundi] ang bawat tao ay umuunlad alinsunod sa kanyang [sariling] likas na talino.”5

“Hindi makatwiran na isang gayong nilikha gaya ni Cristo ay [maging] Anak ng Diyos.”6

“[Ang pinaniniwalaan ninyo ay mga hangal na kaugalian ng inyong mga ama] at likha ng isang isipang matinding nababalisa.”7 Parang ganito ang naririnig natin ngayon, ‘di ba?

Sa Panunumbalik ng ebanghelyo, binigyan tayo ng Diyos ng paraan na matutuhan at malaman ang mahahalagang katotohanang espirituwal: natututuhan natin ito sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan, personal na panalangin, sariling karanasan, payo ng mga buhay na propeta at apostol, at sa paggabay ng Espiritu Santo, na makatutulong sa atin para “[malaman] ang katotohanan ng lahat ng bagay.”8

Ang Katotohanan ay Sinisiyasat Ayon sa Espiritu

Malalaman natin ang mga bagay ng Diyos kapag espirituwal nating hinangad ang mga ito. Sinabi ni Pablo, “Ang mga bagay ng Diyos ay hindi nakikilala ng sinoman, maliban kung nasa kanya ang Espiritu ng Diyos. … Sapagka’t ang mga yaon ay sinisiyasat ayon sa espiritu.”9

Tingnan ninyo ang magandang artwork na ito ni Michael Murphy. Mula sa perspektibong ito, hindi mo aakalaing isa itong malikhaing paglalarawan ng mata ng tao. Ngunit kapag tiningnan mo ang mga tuldok mula sa ibang perspektibo, makikita mo ang napakagandang likha ng isang artist.

Gayundin, nakikita natin ang mga espirituwal na katotohanan sa pamamagitan ng perspektibo ng mata ng pananampalataya. Sinabi ni Pablo: “Ang taong ayon sa laman ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Dios: sapagka’t ang mga ito ay kamangmangan sa kaniya; at hindi niya nauunawa, sapagka’t ang mga yaon ay sinisiyasat ayon sa espiritu.”10

Ang mga banal na kasulatan, ating mga panalangin, sariling mga karanasan, mga propeta ngayon, at ang kaloob na Espiritu Santo ay nagbibigay sa atin ng espirituwal na pananaw ng katotohanan sa buhay natin sa mundo.

Ang Pagpapahayag sa Pamamagitan ng Mata ng Pananampalataya

Tingnan natin ang pagpapahayag tungkol sa pamilya sa pamamagitan ng mata ng pananampalataya.

Ipinakilala ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” sa pahayag na ito: “Sa dami ng maling ideya ng daigdig na nagsasabing iyon ang totoo, sa dami ng panlilinlang hinggil sa mga pamantayan at pinahahalagahan, sa dami ng tukso at pang-aakit na unti-unti ay natatangay kayo, nadama namin na kailangan kayong mabalaan.”11

Nagsimula ang pagpapahayag sa: “Lahat ng tao—lalaki at babae—ay nilalang sa wangis ng Diyos. Bawat isa ay minamahal na espiritung anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang na nasa langit, at, bilang gayon, bawat isa ay may banal na katangian at tadhana.”

Ito ay mga walang-hanggang katotohanan. Hindi tayo nilikha nang nagkataon lamang.

Gustung-gusto ko ang mga salitang ito: “Sa buhay bago pa ang buhay sa mundo, kilala at sinamba ng mga espiritung anak na lalaki at anak na babae ang Diyos bilang kanilang Ama at tinanggap ang Kanyang plano.”12

Nabuhay tayo bago pa man tayo isinilang. Ang ating indibiduwal na pagkakakilanlan ay bahagi ng ating pagkatao. Sa mga bagay na hindi natin ganap na nauunawaan, ang ating espirituwal na pag-unlad doon ay nakakaimpluwensiya sa pagkatao natin dito.13 Tinanggap natin ang plano ng Diyos. Alam natin na makararanas tayo ng paghihirap, pasakit, at kalungkutan sa mundo.14 Alam din natin na paparito ang Tagapagligtas at kapag pinatunayan nating karapat-dapat ang ating sarili, tayo ay babangon sa Pagkabuhay na Mag-uli, na may “kaluwalhatiang idaragdag sa [ating] mga ulo magpakailanman at walang katapusan.”15

Tuwirang inilahad sa pagpapahayag: “Ipinahahayag namin na ang paraan ng paglikha ng buhay na mortal ay itinakda ng Diyos. Pinagtitibay namin ang kabanalan ng buhay at ang kahalagahan nito sa walang hanggang plano ng Diyos.”

Sa plano ng ating Ama, hinihikayat ang mga mag-asawa na magkaroon ng mga anak at iniuutos sa atin na magsalita upang ipagtanggol ang mga batang hindi pa isinisilang.

Ang mga Alituntunin ng Pagpapahayag ay Magandang Nagkakaugnay

Kapag pinipili natin ang gusto lang nating tanggapin sa pagpapahayag, pinalalabo natin ang ating pananaw na pangwalang-hanggan, nag-uukol ng labis na importansya sa nangyayari sa atin dito at ngayon. Kapag pinagninilayan natin nang may panalangin ang pagpapahayag sa pamamagitan ng mata ng pananampalataya, mas nauunawaan natin kung paano magandang nagkakaugnay ang mga alituntunin, na naghahayag sa plano ng ating Ama para sa Kanyang mga anak.16

Dapat ba nating ipagtaka na kapag ipinapahayag ng mga propeta ng Panginoon ang Kanyang kalooban, ay may mga tao na nag-aalinlangan pa rin? Mangyari pa, may ilang kaagad na sumasalungat sa tinig ng mga propeta,17 samantalang ang iba naman ay pinagninilayan nang may panalangin ang kanilang matatapat na tanong—mga tanong na masasagot sa pagtitiyaga at nang may mata ng pananampalataya. Kung ang pagpapahayag ay inilahad sa ibang siglo, may mga itatanong pa rin, naiiba nga lamang sa mga itinatanong ngayon. Isang layunin ng mga propeta ay tulungan tayo sa paglutas ng matatapat na tanong.18

Bago siya maging Pangulo ng Simbahan, sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Nakikita ng mga propeta ang mangyayari. Nakikita nila ang nakakatakot na mga panganib na inilagay o ilalagay pa ng kaaway sa ating daan. Nakikinita rin ng mga propeta ang magagandang posibilidad at pribilehiyong naghihintay sa mga nakikinig na may layuning sumunod.19

Pinapatotohanan ko ang espirituwal na kapangyarihan ng nagkakaisang tinig ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol.

Ang Pagsuway ng Mundo

Sa buhay ko, nakita ko ang maraming pagbabago sa mga paniniwala ng mundo tungkol sa maraming alituntuning itinuro sa pagpapahayag. Noong ako ay tinedyer at noong kasisimula ko pa lang sa buhay may-asawa, maraming tao sa mundo ang sumuway sa pamantayan ng Panginoon na tinatawag nating batas ng kalinisang-puri, na nag-uutos na ang seksuwal na relasyon ay dapat lamang mamagitan sa isang lalaki at isang babae na ikinasal. Noong ako ay nasa edad 20s at 30s, marami ang nagbalewala sa sagradong proteksyon para sa mga batang nasa sinapupunan, dahil mas tanggap na ang aborsyon. Sa sumunod pang mga taon, marami ang nagbalewala sa batas ng Diyos na ang kasal ay sagradong pagsasama ng isang lalaki at isang babae.20

Ang masaksihan ang maraming tao na sumusuway sa mga itinakda ng Panginoon ay nagpapaalala sa atin noong araw na iyon sa Capernaum nang ihayag ng Panginoon ang Kanyang pagkadiyos, at nakalulungkot na “marami sa kaniyang mga alagad ay … hindi na nagsisama sa kaniya.”

Pagkatapos ay itinanong ng Tagapagligtas sa Labindalawa: “Ibig baga ninyong magsialis din naman?”

Sumagot si Pedro:

“Panginoon, kanino kami magsisiparoon? Ikaw ang may mga salita ng buhay na walang hanggan.

“At kami’y nagsisisampalataya at nakikilala namin na ikaw ang Banal ng Dios.”21

Hindi Lahat ay Akma sa Pagpapahayag

Maraming bata at matatanda na tapat at totoo sa ebanghelyo ni Jesucristo, kahit na ang kanilang nararanasan sa kasalukuyan ay hindi akma sa pagpapahayag sa mag-anak: mga anak na napariwara dahil sa diborsyo; mga kabataan na may mga kaibigang kumukutya sa batas ng kalinisang-puri; mga kababaihan at kalalakihan na labis na nasaktan sa kataksilan ng asawa; mag-asawa na hindi magkaanak; mga kababaihan at kalalakihan na may asawa na hindi naniniwala sa ipinanumbalik na ebanghelyo, mga dalaga at binata, na sa iba’t ibang kadahilanan, ay hindi nakapag-asawa.

May isang tao na halos 20 taon ko nang kaibigan at lubos kong hinahangaan ang hindi nakapag-asawa dahil naaakit siya sa kaparehong kasarian. Nanatili siyang tapat sa kanyang mga tipan sa templo, pinag-ibayo ang kanyang pagkamalikhain at husay sa propesyon, at marangal na naglingkod sa Simbahan at sa komunidad. Sinabi niya sa akin kamakailan, “Naaawa ako sa mga katulad ko ang sitwasyon ngunit piniling suwayin ang batas ng kalinisang-puri sa mundong aming ginagalawan. Ngunit hindi ba’t sinabi sa atin ni Cristo na ‘huwag maging makamundo’? Malinaw na ang mga pamantayan ng Diyos ay naiiba sa mga pamantayan ng mundo.”

Ang mga batas ng tao ay madalas na kumikilos sa labas ng mga hangganang itinalaga ng mga batas ng Diyos. Para sa mga nagnanais na malugod ang Diyos, tiyak na kakailanganin ang pananampalataya, tiyaga, at sigasig.22

Kami ng asawa kong si Kathy ay may kilalang miyembro na dalaga pa, siya ay nasa mid-40s na ngayon, na mahusay sa kanyang propesyon at tapat na naglilingkod sa kanyang ward. Sinunod din niya ang mga batas ng Diyos. Isinulat niya:

“Pinangarap ko ang araw na magkakaasawa at magkakaanak ako. Umaasa pa rin ako. Minsan, dahil sa sitwasyon ko, pakiwari ko ay nakalimutan at nag-iisa na ako, pero sinisikap kong huwag isipin kung ano ang wala ako kundi ang mayroon ako at kung paano ako makakatulong sa iba.

“Ang paglilingkod sa aking mga kamag-anak, sa ward, at sa templo ang nakatulong sa akin. Hindi ako nalimutan o nag-iisa dahil bahagi ako, at tayong lahat ng mas malaking pamilya.”

May Isang Nakakaunawa

Sasabihin ng ilan, “Hindi mo naiintindihan ang sitwasyon ko.” Maaaring hindi ko naiintindihan, ngunit pinapatotohanan ko na may Isang nakakaunawa.23 May Isang nakababatid ng inyong mga pasanin, dahil sa sakripisyong ginawa Niya sa halamanan ng Eden at sa krus. Kapag hinanap ninyo Siya at sinunod ang Kanyang mga kautusan, ipinapangako ko na pagpapalain Niya kayo at tatanggalin ang mabibigat na pasaning hindi ninyo kakayaning dalhin nang mag-isa. Bibigyan Niya kayo ng mga kaibigang pangwalang hanggan at mga pagkakataong maglingkod. Higit sa lahat, pupuspusin Niya kayo ng makapangyarihang diwa ng Espiritu Santo at ipapaalam sa inyo na Siya ay nalulugod sa inyo. Walang desisyon, walang alternatibo na nagtatatwa sa patnubay ng Espiritu Santo o ng walang hanggang mga pagpapala ang karapat-dapat nating isaalang-alang.

Alam kong buhay ang Tagapagligtas. Pinapatotohanan ko na Siya ang pinagmumulan ng lahat ng katotohanan na tunay na mahalaga at Kanyang tutuparin ang lahat ng pagpapalang ipinangako Niya sa mga sumusunod sa Kanyang mga kautusan. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Juan 18:33, 36–38.

  2. William S. Sahakian at Mabel Lewis Sahakian, Ideas of the Great Philosophers (1966), 28.

  3. Doktrina at mga Tipan 93:24.

  4. Juan 14:6.

  5. Alma 30:15, 17.

  6. Helaman 16:18.

  7. Tingnan sa Alma 30:14, 23, 27.

  8. Moroni 10:5.

  9. Joseph Smith Translation, 1 Corinthians 2:11 [sa 1 Corinthians 2:11, footnote c]; 1 Corinthians 2:14.

  10. I Mga Taga Corinto 2:14.

  11. Gordon B. Hinckley, “Stand Strong against the Wiles of the World,” Ensign, Nob. 1995, 100. Ipinaliwanag kamakailan ni Pangulong Russell M. Nelson ang ilan sa kasaysayan ng pagpapahayag, na ibinuod ni Sheri Dew sa Insights from a Prophet’s Life: Russell M. Nelson (2019), 208:

    “Isang araw noong 1994, nag-ukol ng isang araw ang Korum ng Labindalawang Apostol sa silid na kanilang pinagpupulungan sa Salt Lake Temple at tinatalakay ang mga isyung nauugnay sa pamilya. Pinag-usapan nila ang lahat tungkol sa talamak na pornograpiya hanggang sa iba’t ibang batas na laban sa pamilya na posibleng ipatupad. Hindi na ito bagong paksa, ngunit nang araw na iyon umikot ang buong agenda sa napakahalagang paksang ito.

    “Nirepaso ng Labindalawa ang doktrina at mga patakaran, isinasaalang-alang ang mga bagay na hindi mababago—doktrina—at ang mga maaaring mabago—mga patakaran. Tinalakay nila ang mga isyu na malamang na lumitaw, kabilang na ang pilit na isinusulong ng lipunan na kasal ng mga taong magkapareho ng kasarian at mga karapatan ng mga transgender. ‘Ngunit hindi pa riyan natatapos ang nakinita naming mangyayari,’ paliwanag ni Elder Nelson. ‘Nakinita namin ang iba’t ibang komunidad na pinipilit na tanggalin ang lahat ng pamantayan at limitasyon sa seksuwalidad. Nakinita namin ang kalituhan sa kasarian. Nakinita naming mangyayari ang lahat ng ito.’

    “Ang mahabang talakayang ito, kabilang na ang iba pa sa nakaraang mga araw, ay humantong sa konklusyon na dapat maghanda ang Labindalawa ng dokumento, marahil maging ng pagpapahayag, na bumabalangkas sa pamantayan ng Simbahan ukol sa pamilya at ilahad ito sa Unang Panguluhan para mapag-isipan.”

  12. Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Mayo 2017, 145.

  13. Sinabi ni Pangulong Dallin H. Oaks: “Lahat ng napakaraming tao na isinilang na sa mundong ito ay pinili ang plano ng Ama at ipinaglaban ito. Nakipagtipan din sa Ama ang marami sa atin hinggil sa gagawin natin sa mortalidad. Sa mga paraang hindi pa naihahayag, ang ating mga ginawa sa daigdig ng mga espiritu ay nakakaimpluwensya sa atin sa mortalidad” (“The Great Plan of Happiness,” Ensign, Nob. 1993, 72).

  14. Tingnan sa Dallin H. Oaks, “Katotohanan at ang Plano,” Liahona, Nob. 2018, 25–28.

  15. Abraham 3:26.

  16. Sinabi ni Pangulong Dallin H. Oaks:

    “Naniniwala ang mga Banal sa mga Huling Araw na ang pagpapahayag tungkol sa pamilya, na ipinahayag halos dalawampu’t limang taon na ang nakararaan at naisalin na ngayon sa maraming wika, ay ang muling pagbibigay-diin ng Panginoon sa mga katotohanan ng ebanghelyo na kinakailangan natin upang mapatatag tayo sa mga hamon sa pamilya sa kasalukuyan. …

    “Pinapatotohanan ko na ang pagpapahayag tungkol sa pamilya ay isang pahayag ng katotohanan na walang hanggan, ang kalooban ng Panginoon para sa Kanyang mga anak na naghahangad ng buhay na walang hanggan. Naging batayan ito sa pagtuturo at gawain ng Simbahan sa loob ng nakalipas na 22 taon at magpapatuloy sa hinaharap. Pag-isipan ito, ituro ito, ipamuhay ito, at kayo ay pagpapalain sa inyong pagsulong tungo sa buhay na walang hanggan. …

    “… Naniniwala ako na ang saloobin natin sa pagpapahayag tungkol sa pamilya at ang paggamit nito ay isa sa mga pagsubok na iyon para sa henerasyong ito. Dalangin ko na lahat ng Banal sa mga Huling Araw ay manatiling matatag sa pagsubok na iyan” (“Ang Plano at ang Pagpapahayag,” Liahona, Nob 2017, 30–31).

  17. Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “May mga taong binabansagan tayo na mga panatiko, ngunit ang mga panatiko ay yaong hindi tayo tinutulutang maramdaman ang talagang nadarama natin kundi ang nararamdaman lamang nila. Ang ating pananaw ay batay sa batas ng kalinisang-puri. Ang Sampung Utos ay may bisa pa rin. Hindi ito kailanman pinawalang-saysay. … Hindi natin karapatan na baguhin ang mga batas na iniutos ng Diyos” (sa Dew, Insights from a Prophet’s Life, 212).

  18. “Kahit nilulusob ng kaaway ang pamilya sa buong mundo, ang mga katotohanan sa pagpapahayag tungkol sa pamilya ay magpapatibay sa inyo.

    “Kayong kahanga-hangang mga kabataan na may marangal na karapatan ng pagkapanganay, dapat ninyong maunawaan ang malawak na kahihinatnan ng pagtatalu-talo ng lipunan ngayon tungkol sa mismong kahulugan ng kasal. Ang pinagdedebatihan sa kasalukuyan ay ang tanong kung puwedeng magpakasal ang dalawang taong pareho ang kasarian. Kung may tanong kayo tungkol sa posisyon ng Simbahan sa bagay na ito o sa anumang mahalagang usapin, mapanalangin itong pag-isipan, pagkatapos ay sundin ang mga mensahe ng propeta sa nalalapit na pangkalahatang kumperensya ng Simbahan sa Oktubre. Ang mga inspiradong mensaheng iyon, dagdag pa ang inspirasyon ng Espiritu Santo, ay maghahatid ng mas lubos at totoong pagkaunawa” (Russell M. Nelson, “Youth of the Noble Birthright: What Will You Choose?” [Church Educational System devotional para sa mga young adult, Set. 6, 2013], broadcasts.ChurchofJesusChrist.org).

  19. Russell M. Nelson, “Manindigan Bilang mga Tunay na Isinilang sa Milenyong Ito,” Liahona, Okt. 2016, 53.

  20. Sinabi ni Pangulong Nelson: “Ang mga pamahalaan ay malakas na naiimpluwensiyahan ng mga kalakaran sa lipunan at pilosopiya ng tao sa kanilang pagsulat, muling pagsulat, at pagpapatupad ng batas. Anuman ang ipatupad ng batas, ang doktrina ng Panginoon hinggil sa kasal at moralidad ay hindi mababago. Tandaan: ang kasalanan, kahit gawin itong legal ng tao, ay kasalanan pa rin sa mata ng Diyos!” (“Mga Pagpapasiya para sa Kawalang-hanggan,” Liahona, Nob. 2013, 108).

  21. Juan 6:66–69.

  22. Tingnan sa Alma 32:41–43; Lagi akong namamangha na sa kabanatang ito tungkol sa pagpapalago ng ating pananampalataya, ang kagalingan ng pananampalataya, pagtitiyaga, at pagsisikap ay magkakasamang binanggit sa bawat huling tatlong talata.

  23. Tingnan sa Alma 7:12; si Jesucristo ay nagdusa hindi lamang para sa ating mga kasalanan kundi para din sa ating mga kahinaan: “Dadalhin niya sa kanyang sarili ang kamatayan, upang makalag niya ang mga gapos ng kamatayan na gumagapos sa kanyang mga tao; at dadalhin niya ang kanilang mga kahinaan, upang ang kanyang sisidlan ay mapuspos ng awa, ayon sa laman, upang malaman niya nang ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan.” (Ang mga kasing-kahulugan ng kahinaan ay karamdaman, paghihirap, kakulangan.) Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:6: “Siya na umakyat sa itaas, na siya ring nagpakababa-baba sa lahat ng bagay, sa gayon kanyang nauunawaan ang lahat ng bagay, upang siya ay mapasalahat at sumasalahat ng bagay, ang liwanag ng katotohanan.”