Elder Benjamin M. Z. Tai
General Authority Seventy
Ang ama ng tatay ni Elder Benjamin M. Z. Tai ay dinakip, ibinilanggo, at pinatay ng mga puwersang Hapones na sumakop sa Hong Kong noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Ilang dekada ang lumipas, nakilala ni Elder Tai ang kanyang mapapangasawa, na si Naomi Toma, mula sa Japan, habang naglilingkod bilang elders quorum president sa kanilang student ward sa Brigham Young University. Si Naomi ay naglilingkod bilang Relief Society president.
Nang sabihin ni Benjamin sa kanyang ama, na si emeritus General Authority Elder Kwok Yuen Tai, na idinideyt niya at gustong pakasalan si Naomi, hindi naghinanakit ang kanyang ama. Katunayan, ang mga magulang ni Naomi, sina Rikuo at Fumiko Toma, ay pumunta sa Hong Kong para dalawin ang mga magulang ni Benjamin. Sinabi ng kanyang mga magulang na dahil sa ebanghelyo ni Jesucristo naging posible ang kanilang kasal. Ikinasal ang magkasintahan sa Salt Lake Temple noong Disyembre 23, 1995. Sila ay may anim na anak.
“Nagmula kami sa magkaibang kultura, ngunit magkakapareho ang mga alituntunin ng pananampalataya at pagsasakripisyo,” sabi ni Elder Tai. Alam ni Elder Tai na ang mga alituntuning iyon ng pananampalataya at pagsasakripisyo ay mag-uugnay sa kanya sa mga Banal sa mga Huling Araw sa iba’t ibang panig ng mundo simula ngayon.
Si Benjamin Ming Zhe Tai ay isinilang noong Mayo 20, 1972, sa Hong Kong kina Kwok Yuen at Hui Hua Tai. Dahil sa trabaho ng kanyang ama napunta sila sa iba’t ibang panig ng mundo bago sila nandayuhan sa Southern California, USA, kung saan ginugol ni Elder Tai ang kanyang kabataan. Sa kanilang tahanan, idinispley ng kanyang mga magulang ang isang iskrol na may nakasulat na mga salitang ito sa Chinese calligraphy: “Sa ganang akin at ng aking sangbahayan ay maglilingkod kami sa Panginoon” (Josue 24:15). Nagsilbi itong motto ng pamilya Tai.
Pagkatapos maglingkod sa Australia Melbourne Mission, natapos ni Elder Tai ang bachelor’s degree sa exercise science mula sa BYU noong 1996 at master of business administration degree mula sa University of California, Los Angeles (UCLA), noong 2003. Nagtrabaho siya sa Japan at Hong Kong sa investment banking at real estate development.
Si Elder Tai ay naglingkod bilang Area Seventy, district president, tagapayo sa district presidency, district executive secretary, elders quorum president, branch president, at Sunday School teacher.