Nakatulong sa Libu-libo ang mga Gawain ng Kawanggawa
Ang bisig na pangkawanggawa ng Simbahan na LDS Charities ay nakibahagi sa 2,885 na mga proyekto sa 141 na mga bansa noong nakaraang taon, sa pakikipagtulungan sa 1,900 na kabalikat na mga organisasyon sa pagkakawanggawa. Mula noong 1985, nakapagbigay na ang LDS Charities ng mahigit sa $2.2 bilyon na tulong—na kinabibilangan ng salapi, mga kagamitan, at iba pang mga donasyon sa 197 na mga bansa at teritoryo, ayon sa taunang ulat ng LDS Charities na inilabas noong Pebrero 19, 2019.
Ang mga gawain ng kawanggawa ng Simbahan ay bunsod ng pakikiramay at pagmamahal para sa lahat ng mga anak ng Diyos at nagbibigay-diin sa tatlong gabay na alituntunin—pangangalaga sa mga lubhang nangangailangan, paghihikayat ng pag-asa sa sariling kakayahan, at pagpapalaganap ng bolunterismo at paglilingkod. Ang mga alituntuning ito, na batay sa pananampalataya kay Jesucristo, ay nagpapalakas sa mga indibiduwal at pamilya anuman ang kanilang lahi, relihiyon, o nasyonalidad.
Tumutulong ang Simbahan sa pagtugon sa mga emergency (na kinabibilangan ng mga gawain ng mga boluntaryo), pagbibigay ng mga serbisyo para sa mga may problema sa mata, pag-aalaga sa mga ina at bagong silang na sanggol, malinis na tubig at sanitasyon, mga bakuna, paggawa ng mga wheelchair at mga walking aid, pagtulong sa mga tao na matustusan ang kanilang sariling pagkain gamit ang lokal na mga solusyon at mapagkukunan, at pangmadalian at pangmatagalan na tulong para sa mga refugee. Nakikibahagi rin ang Simbahan sa mga proyekto ng lokal na komunidad sa 43 estado at probinsya sa U.S. at Canada para makatulong sa kawalan ng tahanan, pagpapatira sa mga refugee, at sa iba pang mga pangangailangan.
“Nakakadama tayo ng napakalaking pasasalamat at pagkakapatiran sa bawat tao na nag-ambag sa tagumpay ng gawain ng kawanggawa noong 2018,” sabi ni Sister Sharon Eubank, pangulo ng LDS Charities at Unang Tagapayo ng Relief Society General Presidency. Sinabi niya na kinakatawan ng ulat ang kabaitan ng libu-libong mga tao.