2019
Paghahanda para sa Pagbabalik ng Panginoon
Mayo 2019


2:3

Paghahanda para sa Pagbabalik ng Panginoon

Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay ang katangi-tanging binigyang-kapangyarihan at inatasan na gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon.

Dalawang linggo mula ngayon ay ipagdiriwang na natin ang Pasko ng Pagkabuhay. Pinagtitibay ng Pagkabuhay na Mag-uli ang pagkadiyos ni Jesucristo at ang katunayan ng Diyos Ama. Ibinabaling natin ang ating isipan sa Tagapagligtas, at pinagninilayan ang “Kanyang hindi mapapantayang buhay at ang walang hanggang kapangyarihan ng Kanyang dakilang mapagbayad-salang sakripisyo.”1 Nawa ay iniisip din natin ang Kanyang nalalapit na pagbabalik kung kailan “mamamahala Siya bilang Hari ng mga Hari at … Panginoon ng mga Panginoon.”2

Ilang panahon na ang nakalilipas sa Buenos Aires, Argentina, nakibahagi ako sa isang kumperensya kasama ang mga lider mula sa maraming iba’t ibang relihiyon. Ang pagmamahal nila sa kanilang kapwa-tao ay malinaw na makikita. Determinado silang pagaanin ang pagdurusa at tumulong sa mga tao na umaahon mula sa pang-aapi at paghihirap. Pinagnilayan ko ang maraming pagkakawanggawa ng Simbahang ito, kabilang na ang mga proyektong kasama ang maraming grupo ng relihiyon na may mga kinatawan sa kumperensya. Nakadama ako ng lubos na pasasalamat sa pagiging bukas-palad ng mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw kaya naging posible ang ganitong paglilingkod na tulad ng kay Cristo.

Sa sandaling iyon, pinatotohanan sa akin ng Espiritu Santo ang dalawang bagay. Una, ang gawain ng ministering sa temporal na pangangailangan ay mahalaga at kailangang magpatuloy. Ang pangalawa ay hindi inaasahan, bagama’t makapangyarihan at malinaw. Ito iyon: higit pa sa di-makasariling paglilingkod, labis na napakahalaga na ihanda ang mundo para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoong Jesucristo.

Sa Kanyang pagparito, hindi lamang mababawasan ang kalupitan at kawalang katarungan; ang mga ito ay hihinto:

“At maninirahan din ang lobo na kasama ang kordero, at mahihiga ang leopardo na kasiping ang batang kambing, at ang guya at ang batang leon at ang patabain ay magkasamang manginginain; at aakayin sila ng isang maliit na bata. …

“Hindi sila mananakit ni maninira sa lahat ng aking banal na bundok; sapagkat mapupuno ang mundo ng kaalaman tungkol sa Panginoon, tulad ng pagkapuno ng tubig sa karagatan.”3

Ang kahirapan at pagdurusa ay hindi lamang mababawasan; ang mga ito ay maglalaho:

“Sila’y hindi na magugutom pa, ni mauuhaw pa man; ni hindi na sila tatamaan ng araw, o ng anomang init.

“Sapagka’t ang Cordero na nasa gitna ng luklukan ay siyang magiging pastor natin, at sila’y papatnugutan sa mga bukal ng tubig ng buhay: at papahirin ng Dios ang bawa’t luha ng kanilang mga mata.”4

Maging ang sakit at pighati sa kamatayan ay mawawala:

“Sa araw na iyon ang isang sanggol ay hindi mamamatay hanggang sa siya ay matanda na; at ang kanyang buhay ay magiging gaya sa gulang ng isang puno;

“At kapag siya ay namatay siya ay hindi matutulog, ibig sabihin ay sa lupa, kundi mababago sa isang kisap-mata, at aagawin, at ang kanyang pamamahinga ay magiging maluwalhati.”5

Kaya’t oo, gawin natin ang lahat ng ating makakaya para pagaanin ang pagdurusa at pighati ngayon, at mas masigasig nating ilaan ang ating mga sarili sa mga kailangang paghahanda para sa araw kung kailan ang sakit at kasamaan ay sama-samang matatapos, kung kailan “maghahari si Cristo sa mundo; at, ang mundo ay babaguhin at matatanggap nito ang malaparaisong kaluwalhatian.”6 Ito ay magiging isang araw ng pagtubos at paghatol. Maayos na inilarawan ng Anglican Bishop ng Durham na si Dr. N. T. Wright, ang kahalagahan ng Pagbabayad-sala, Pagkabuhay na Mag-uli, at Paghuhukom ni Cristo sa pagdaig sa kawalang-katarungan at sa paglalagay sa ayos ng lahat ng bagay.

Sabi niya: “Itinakda ng Diyos ang isang araw kung kailan ay matwid na mahuhusgahan ang mundo ng isang taong itinalaga niya—at nagbigay siya sa lahat ng katiyakan sa bagay na ito sa pamamagitan ng pagpapabangon sa taong ito mula sa kamatayan. Ang mga katotohanan tungkol kay Jesus ng Nazareth, at lalo na tungkol sa kanyang pagkabuhay na mag-uli mula sa kamatayan, ay ang pundasyon ng katiyakan na ang mundo ay hindi sapalaran. Ito sa kasukdulan ay hindi isang kaguluhan; na kapag naging patas tayo ngayon, hindi tayo nagpapagod lamang, na nagsisikap na magtayo ng isang gusali na sa huli ay guguho rin naman, o magkukumpuni ng isang kotse na dadalhin din naman sa tambakan ng basura. Nang ibinangon ng Diyos si Jesus mula sa mga patay, iyon ang maliit na pangyayari kung saan napapaloob ang malaking gawain ng paghatol, [ang] binhi … ng pinakahuling pag-asa. Ipinahayag ng Diyos, sa pinakamabisang paraan na maaaring maisip, na si Jesus ng Nazareth talaga ang Mesiyas. … Sa pinakamalaking kabalintunaan ng kasaysayan, [si Jesus] mismo ay dumanas ng malupit at hindi patas na paghusga, nagtungo sa lugar na sumisimbolo at nagtitipon ng lahat ng napakaraming kalupitan at kawalan ng hustiya sa kasaysayan, para pasanin ang kaguluhang iyon, ang kadilimang iyon, ang kalupitang iyon, ang kawalang-hustiyang iyon, sa kanyang sarili, at upang wasakin ang kapangyarihan nito.”7

Habang nasa kumperensya sa Buenos Aires na binanggit ko kanina, nilinaw sa akin ng Espiritu na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay ang katangi-tanging binigyang-kapangyarihan at inatasan na gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon; tunay ngang ito ay ipinanumbalik para sa layuning iyon. Makakahanap ba kayo kahit saan ng mga tao na kinikilala ang kasalukuyang panahon bilang ang dispensasyon ng “kaganapan ng mga panahon” kung kailan nilalayon ng Diyos na “tipunin ang lahat ng mga bagay kay Cristo”?8 Kung hindi kayo nakahanap dito ng komunidad na naglalayong isagawa ang kailangang isakatuparan para sa mga buhay at mga patay para makapaghanda sa araw na iyon, kung hindi kayo nakakita rito ng isang organisasyon na handang maglaan ng napakaraming oras at pondo para sa pagtitipon at paghahanda ng nakipagtipang mga taong handang tumanggap sa Panginoon, hindi ninyo ito makikita kahit saan man.

Nagsasalita sa Simbahan noong 1831, ipinahayag ng Panginoon:

“Ang mga susi ng kaharian ng Diyos ay ipinagkatiwala sa tao sa mundo, at mula rito ang ebanghelyo ay lalaganap hanggang sa mga dulo ng mundo. …

“Manawagan sa Panginoon, upang ang kanyang kaharian ay lumaganap sa mundo, upang ang mga naninirahan dito ay matanggap ito, at maging handa para sa mga araw na darating, na kung kailan ang Anak ng Tao ay bababa mula sa langit, nadaramitan ng liwanag ng kanyang kaluwalhatian, upang salubungin ang kaharian ng Diyos na itinatag sa mundo.”9

Ano ang magagawa natin para makapaghanda ngayon para sa araw na iyon? Maaari nating ihanda ang ating mga sarili bilang isang grupo ng tao; maaari nating tipunin ang mga nakipagtipang mga tao ng Panginoon; at maaari nating tulungang tubusin ang pangako ng kaligtasang “ginawa sa mga ama,” na ating mga ninuno.10 Ang lahat ng ito ay kailangang maisagawa sa malawak na antas bago ang muling pagparito ng Panginoon.

Ang una, at napakahalaga para sa pagbabalik ng Panginoon ay ang pagkakaroon ng mga tao sa mundo na handang tumanggap sa Kanya sa Kanyang pagdating. Sinabi Niya na ang mga nananatili sa mundo sa araw na iyon “mula sa pinakamaliit hanggang sa pinakamalaki, … [ay] mapupuno ng kaalaman ng Panginoon, at makikita nang mata sa mata, at itataas ang kanilang mga tinig, at sa mga tinig na magkakasabay ay aawit ng bagong awiting ito, sinasabing: Dinala muli ng Panginoon ang Sion. … Tinipon ng Panginoon ang lahat ng bagay sa isa. Ibinaba ng Panginoon ang Sion mula sa itaas. Itinaas ng Panginoon ang Sion mula sa ilalim.”11

Noong sinaunang panahon, kinuha ng Diyos ang matwid na lungsod ng Sion sa Kanyang sarili.12 Sa kabilang banda, sa mga huling araw, isang bagong Sion ang tatanggap sa Panginoon sa Kanyang pagbabalik.13 Ang Sion ay ang dalisay na puso, mga tao na may isang puso at isang isipan, namumuhay sa kabutihan at walang maralita sa kanila.14 Sinabi ni Propetang Joseph Smith, “Dapat ay pagtatayo ng Sion ang ating pinakadakilang layunin.”15 Itinatayo natin ang Sion sa ating mga tahanan, ward, branch, at stake sa pamamagitan ng pagkakaisa, kabanalan, at pag-ibig sa kapwa-tao.16

Dapat nating kilalanin na ang pagtatayo ng Sion ay nagaganap sa magugulong panahon—“isang araw ng poot, isang araw ng pagsunog, isang araw ng kapanglawan, ng pagtangis, ng pagdadalamhati, at ng pananangis; at gaya ng isang ipu-ipo ito ay darating sa balat ng lupa, wika ng Panginoon”17 Kaya, ang pagtitipon sa mga stake ay nagiging “isang tanggulan, at isang kanlungan mula sa bagyo, at mula sa poot sa panahong ito ay ibubuhos nang walang halo sa buong lupa”18

Tulad ng mga nagdaang panahon, tayo ay “madalas na nagtitipun-tipon upang mag-ayuno at manalangin, at makipag-usap sa bawat isa hinggil sa kapakanan ng [ating] mga kaluluwa. At … upang makibahagi sa tinapay at [tubig], sa pag-alaala sa Panginoong Jesus.”19 Tulad ng ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson sa pangkalahatang kumperensiya noong nakaraang Oktubre, “Ang pangmatagalan na layunin ng Simbahan ay [ang] tulungan ang lahat ng mga miyembro na dagdagan ang kanilang pananampalataya sa ating Panginoong Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, tulungan sila sa paggawa at pagtupad ng mga tipan nila sa Diyos, at [ang] palakasin at ibuklod ang kanilang mga pamilya.”20 Alinsunod dito, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng mga tipan sa templo, pagpapabanal sa Sabbath, at araw-araw na pagpapakabusog sa ebanghelyo, na nakasentro sa tahanan at suportado ng pinag-isang kurikulum ng pag-aaral sa simbahan. Gusto nating malaman ang tungkol sa Panginoon, at gusto nating makilala ang Panginoon.21

Ang gawain na pundasyon sa pagtatayo ng Sion ay ang pagtitipon ng matagal nang nagkawatak-watak na mga nakipagtipang tao ng Panginoon.22 “Naniniwala kami sa literal na pagtitipon ng Israel at sa pagpapanumbalik ng Sampung Lipi.”23 Ang lahat ng magsisisi, maniniwala kay Cristo, at mabibinyagan ay ang Kanyang mga nakipagtipang tao.24 Nagpropesiya mismo ang Panginoon na bago Siya bumalik, ang ebanghelyo ay ipapangaral sa buong mundo25 “upang mapanumbalik muli ang [Kanyang] mga tao, na mula sa sambahayan ni Israel,”26 “at pagkatapos ay sasapit ang katapusan.”27 Ang propesiya ni Jeremias ay natutupad na:

“Kaya’t, narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na hindi na [nila] sasabihin pa, Buhay ang Panginoon, na nagahon ng angkan ni Israel mula sa lupain ng Egipto;

“Kundi, Buhay ang Panginoon, na nagahon ng mga anak ni Israel mula sa lupain sa hilagaan, at mula sa lahat ng lupain na kinatabuyan sa kanila: at akin silang ipapasok uli sa kanilang lupain na aking ibinigay sa kanilang mga magulang.”28

Paulit-ulit na binigyang-diin ni Pangulong Nelson na “ang pagtitipon [ng Israel] ang pinakamahalagang nangyayari sa daigdig ngayon. Walang anumang maikukumpara sa laki, walang anumang maikukumpara sa halaga, walang anumang maikukumpara sa kadakilaan. At kung pipiliin ninyo … maaari kayong maging malaking bahagi nito.”29 Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay mga missionary na noon pa man. Daan-daang libo ang tumugon sa mga tawag simula pa ng pag-uumpisa ng Pagpapanumbalik; sampu-sampung-libo ang kasalukuyang naglilingkod. At, tulad ng katuturo lamang ni Elder Quentin L. Cook, lahat tayo ay maaaring makilahok sa simple at natural na mga paraan, nang may pagmamahal, nag-aanyaya sa iba na sumama sa atin sa simbahan, bumisita sa ating mga tahanan, at maging bahagi ng ating grupo. Ang pagkakalathala ng Aklat ni Mormon ang hudyat na ang pagtitipon ay nagsimula na.30 Ang Aklat ni Mormon mismo ang instrumento ng pagtitipon at pagbabalik-loob.

Mahalaga rin sa paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ang dakilang gawain ng pagtubos para sa kapakanan ng ating mga ninuno. Ipinangako ng Panginoon na ipadadala si Elijah, ang propeta bago ang Ikalawang Pagparito, “ang dakila at kakilakilabot na kaarawan ng Panginoon,”31 para “[ihayag] … ang Pagkasaserdote” at “[itanim] sa mga puso ng mga anak ang mga pangakong ginawa sa mga ama.”32 Dumating si Elijah tulad nang ipinangako. Ang petsa ay Abril 3, 1836; ang lugar ay Kirtland Ohio Temple. Sa lugar na iyon at sa pagkakataong iyon, tunay niyang ipinagkaloob ang ipinangakong pagkasaserdote, ang mga susi para sa pagtubos ng mga patay at ang pagsasama ng mga mag-aasawa, at mga pamilya sa lahat ng mga henerasyon ng panahon at sa kabuuan ng kawalang-hanggan.33 Kung wala nito, ang layunin ng paglikha ay mabibigo, at kaugnay nito, ang mundo ay isusumpa o “lubusang mawawasak.”34

Sa debosyonal para sa mga kabataan na idinaos bago ang dedikasyon ng Rome Italy Temple, daan-daang kabataang lalaki at babae na dumalo ang nagpakita kay Pangulong Nelson ng mga kard na may mga pangalan ng kanilang mga ninuno na inihanda nila. Handa silang pumasok sa templo para gawin ang mga pagbibinyag para sa kanilang mga ninuno sa oras na magbukas ito. Ito ay tunay na kasiya-siyang sandali, gayunman ito ay isang halimbawa ng mga gawaing nagpapabilis sa pagtatayo ng Sion para sa mga henerasyong nauna.

Habang nagsisikap tayong maging masigasig sa pagtatayo ng Sion, kabilang na sa ating bahagi sa pagtitipon ng mga hinirang ng Panginoon at sa pagtubos sa mga patay, dapat tayong tumigil sandali para alalahanin na ito ay ang gawain ng Panginoon at Siya ang gumagawa nito. Siya ang Panginoon ng ubasan, at tayo ang Kanyang mga tagapaglingkod. Inaatasan Niya tayong magtrabaho sa ubasan gamit ang ating kakayahan sa “huling pagkakataong” ito at Siya ay gumagawa kasama natin.35 Maaaring mas tumpak na sabihin na pinahihintulutan Niya tayong gumawa na kasama Niya. Tulad ng sinabi ni Pablo, “Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig; nguni’t ang Dios ang siyang nagpalago.”36 Siya ang nagpapabilis sa Kanyang gawain sa panahon nito.37 Gamit ang ating mga pagsisikap—ang ating “maliliit na pamamaraan”—na inaamin nating hindi perpekto, ay naisasagawa ng Panginoon ang mahahalagang bagay.38

Ang dakila at huling dispensasyong ito ay tuluy-tuloy ang paglago patungo sa kasukdulan nito—Sion sa lupa, na sasamahan ng Sion mula sa itaas sa maluwalhating pagbabalik ng Tagapagligtas. Ang Simbahan ni Jesucristo ay inatasang maghanda—at inihahanda nito—ang mundo para sa araw na iyon. Kaya, ngayong Pasko ng Pagkabuhay, ipagdiwang natin ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo at ng lahat ng ibinabadya nito: ang Kanyang pagbabalik upang maghari sa loob ng isang libong taon ng kapayapaan, isang matuwid na kahatulan at perpektong katarungan para sa lahat, ang imortalidad ng lahat ng nabuhay sa mundong ito, at ang pangako ng buhay na walang hanggan. Ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo ang katiyakan na lahat ay maiwawasto. Gumawa tayo tungo sa pagtatayo ng Sion para pabilisin ang araw na iyon. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.