2019
Maingat Laban sa Kaswal
Mayo 2019


2:3

Maingat Laban sa Kaswal

Habang lalong tinatanggap ng mga impluwensya ng mundo ang kasamaan, masigasig tayong magsikap na manatiling matibay sa landas na ligtas tayong inaakay patungo sa Tagapagligtas.

Minsa’y nakita ko ang isang karatula sa isang store window na nagsasabing: “Kaligayahan, $15.00.” Gusto kong usisain kung gaano kalaking kaligayahan ang mabibili ko sa halagang $15.00 kaya pumasok ako para alamin. Ang natagpuan ko ay sangkaterbang mumurahing alahas at souvenir—wala akong nakita ni isa na puwedeng magbigay sa akin ng uri ng kaligayahang ipinahiwatig sa karatula! Sa paglipas ng mga taon, ilang beses kong naisip ang karatulang iyon at kung gaano kadaling maghanap ng kaligayahan sa mga bagay na mumurahin o pansamantala. Bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, pinagpala tayong malaman kung paano at saan matatagpuan ang tunay na kaligayahan. Matatagpuan iyon sa maingat na pamumuhay ayon sa ebanghelyong itinakda ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, at sa pagsusumikap na maging higit na katulad Niya.

Mayroon kaming mahal na kaibigan na isang train engineer. Isang araw habang nagmamaneho siya ng tren, nakita niya sa daan ang isang kotse na nakatigil sa riles sa banda roon. Agad niyang napagtanto na naipit ang kotse at hindi makatawid ng riles. Agad niyang inilagay sa emergency mode ang tren, at kumagat ang preno nito sa bawat boxcar na abot hanggang tatlong-kapat ng isang milya sa likod ng makina, na may kargadong 6,500 tons (5,900 metric tons). Walang tsansang makatigil noon ang tren bago nito mabangga ang kotse, at nabangga nga nito. Mabuti na lang at narinig ng mga tao sa kotse ang pito ng tren at nakalabas ng kotse bago ito nabangga. Nang kausapin ng engineer ang imbestigador, nilapitan sila ng isang galit na babae. Sumigaw ito na nakita niya ang buong pangyayari at tumestigo na ni hindi sinubukan ng engineer na iwasan ang kotse!

Malinaw na kung nakaiwas ang engineer at nailihis ang tren sa riles para hindi maaksidente, malamang na namatay siya at nadiskaril ang buong tren sa biglang pagtigil nito. Mapalad siya dahil matibay ang kapit ng mga gulong ng tren sa riles habang mabilis na tumatakbo patungo sa destinasyon nito kahit may balakid sa kanyang daan. Mapalad tayo dahil nasa landas din tayo, isang landas ng tipan na nangako tayong tahakin nang mabinyagan tayo bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Makaranas man tayo ng panaka-nakang mga balakid sa daan, ang landas na ito ay patuloy tayong isusulong patungo sa pinakamimithi nating walang-hanggang hantungan kung matibay tayong nakakapit dito.

Pangitain ni Lehi tungkol sa punungkahoy ng buhay

Ipinapakita sa atin ng pangitain tungkol sa punungkahoy ng buhay kung paano tayo maaaring ilayo ng mga epekto ng pagiging kaswal sa landas ng tipan. Isipin na ang gabay na bakal at ang makipot at makitid na landas, o ang landas ng tipan, ay direktang humantong sa punungkahoy ng buhay, kung saan naroon ang lahat ng pagpapalang ibinigay ng ating Tagapagligtas at ng Kanyang Pagbabayad-sala sa matatapat. Nakita rin sa pangitain ang isang ilog ng tubig na kumakatawan sa karumihan ng mundo. Inilalarawan sa mga banal na kasulatan na ang ilog na ito ay “dumadaloy” sa landas subalit dumaan lamang “malapit” sa punungkahoy, hindi papunta roon. Ang mundo ay puno ng mga gambalang maaaring luminlang kahit sa mga hinirang, kaya sila nagiging kaswal sa pagtupad ng kanilang mga tipan—kaya humahantong sila malapit sa punungkahoy, ngunit hindi papunta roon. Kung hindi tayo maingat sa pagtupad ng ating mga tipan nang may kahustuhan, ang kaswal nating mga pagsisikap ay maaari tayong ihantong kalaunan sa mga ipinagbabawal na landas o maisama sa mga nakapasok na sa malaki at maluwang na gusali. Kung hindi tayo maingat maaari pa nga tayong malunod sa kailaliman ng isang maruming ilog.1

May maingat na paraan at kaswal na paraan ng paggawa ng lahat ng bagay, pati na ang pamumuhay ayon sa ebanghelyo. Kapag iniisip natin ang ating pangako sa Tagapagligtas, maingat ba tayo o kaswal? Dahil likas tayong mortal, hindi ba kung minsa’y pinangangatwiranan natin ang ating pag-uugali, kung minsa’y sinasabi natin na ang ating pag-uugali ay hindi mabuti pero hindi rin masama, o pinaghahalo natin ang mabuti sa isang bagay na hindi gaanong mabuti? Kapag sinasabi nating, “kaya lang,” “maliban,” o “pero” patungkol sa pagsunod sa payo ng ating mga pinunong propeta o maingat na pamumuhay ayon sa ebanghelyo, ang sinasabi talaga natin ay, “Hindi angkop sa akin ang payong iyan.” Mapapangatwiranan natin ang lahat ng gusto natin, pero ang totoo, walang tamang paraan sa paggawa ng mali!

Ang tema ng mga kabataan para sa 2019 ay mula sa Juan 14:15, kung saan itinuro ng Panginoon: “Kung ako’y inyong iniibig, ay tutuparin ninyo ang aking mga utos.” Kung mahal natin Siya tulad ng sinasabi natin, hindi ba natin maipapakita ang pagmamahal na iyan sa pagiging mas maingat nang kaunti sa pagsunod sa Kanyang mga utos?

Ang pag-iingat sa pamumuhay ayon sa ebanghelyo ay hindi nangangahulugan ng pagiging pormal o makaluma. Ang ibig sabihin nito ay gawing angkop ang ating mga iniisip at ginagawa bilang mga disipulo ni Jesucristo. Habang pinagninilayan natin ang kaibhan ng maingat sa kaswal sa ating pamumuhay ayon sa ebanghelyo, narito ang ilang ideyang dapat isaalang-alang:

Maingat ba tayo sa ating pagsamba sa araw ng Sabbath at sa paghahandang tumanggap ng sakramento bawat linggo?

Maaari ba tayong maging mas maingat sa ating mga panalangin at pag-aaral ng banal na kasulatan o maging mas aktibo sa pag-aaral ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya?

Maingat ba tayo sa pagsamba sa templo at maingat at sadya ba nating tinutupad ang mga tipan na ginawa natin kapwa sa binyag at sa templo? Maingat ba tayo sa ating anyo at disente sa ating pananamit, lalo na sa mga sagradong lugar at sitwasyon? Maingat ba tayo sa pagsusuot natin ng mga sagradong temple garment? O nagdidikta ba ng mas kaswal na saloobin ang mga uso sa mundo?

Maingat ba tayo sa pagmiminister sa iba at sa pagtupad natin sa tungkulin sa Simbahan, o balewala sa atin o kaswal tayo sa ating tawag na maglingkod?

Maingat ba tayo o kaswal sa binabasa at pinanonood natin sa TV at sa ating mga mobile device? Maingat ba tayo sa ating pananalita? O kaswal nating tinatanggap ang magaspang at mahalay?

Ang polyetong Para sa Lakas ng mga Kabataan ay naglalaman ng mga pamantayan na kapag maingat na sinunod ay maghahatid ng saganang mga pagpapala at tutulungan tayong manatili sa landas ng tipan. Kahit isinulat iyon para sa kapakanan ng mga kabataan, hindi nawawalan ng bisa ang mga pamantayan niyon kapag umalis na tayo sa Young Men at Young Women program. Angkop ang mga iyon sa bawat isa sa atin sa lahat ng oras. Ang pagrerebyu ng mga pamantayang ito ay maaaring maghikayat ng iba pang mga paraan para mas maingat tayong makapamuhay ayon sa ebanghelyo.

Hindi natin ibinababa ang ating mga pamantayan para makaakma tayo o mapanatag ang iba. Tayo’y mga disipulo ni Jesucristo, at dahil diyan, tungkulin nating itaas ang iba, iangat sila sa mas mataas at mas banal na lugar kung saan makakaani rin sila ng mas malalaking pagpapala.

Inaanyayahan ko ang bawat isa sa atin na humingi ng patnubay ng Espiritu Santo para malaman kung anong mga pagbabago ang kailangan nating gawin sa ating buhay para mas maingat na makaayon sa ating mga tipan. Nakikiusap din ako sa inyo na huwag ninyong pintasan ang iba na nagdaraan din dito. “Sa akin ang paghatol, wika ng Panginoon.”2 Bawat isa sa atin ay nasa proseso ng paglago at pagbabago.

Nakakuha ng pansin ko ang kuwento sa Aklat ni Mormon tungkol sa mga Amlicita na ganap na tumalikod. Para maipalaam sa iba na wala na silang kaugnayan kay Jesucristo at sa Kanyang Simbahan, naglagay sila ng kaibang markang pula sa kanilang noo para makita ng iba.3 Sa kabaligtaran, at bilang mga disipulo ni Jesucristo, paano natin minamarkahan ang ating sarili? Madali bang makikita ng iba ang Kanyang larawan sa ating mukha at malalaman kung sino ang ating kinakatawan sa maingat nating pamumuhay?

Dahil tayo’y mga tao ng tipan, hindi tayo inaasahang gumaya sa iba sa mundo. Tinawag na tayong “kakaibang mga tao”4—napakagandang papuri! Habang lalong tinatanggap ng mga impluwensya ng mundo ang kasamaan, masigasig tayong magsikap na manatiling matibay sa landas na ligtas tayong inaakay patungo sa Tagapagligtas, na mas lalong nakatuon sa pagtupad ng ating mga tipan at hindi na gaanong naiimpluwensyahan ng mga opinyon ng mundo.

Habang pinagbubulayan ko ang pagtatamo ng walang-hanggang kaligayahan, napagtanto ko na kung minsa’y pinangangatwiranan nga natin ang ating mga maling pasiya. Hindi maiiwasan ang mga abu-abo ng kadiliman sa pagtahak natin sa landas ng tipan. Ang tukso at pagiging kaswal ay maaaring maging dahilan para unti-unti tayong mapunta sa landas ng kadiliman ng mundo at mapalayo sa landas ng tipan. Sa mga pagkakataong maaaring mangyari ito, hinimok na tayo ni Pangulong Russell M. Nelson na bumalik sa landas ng tipan at gawin iyon kaagad. Labis akong nagpapasalamat sa kaloob na pagsisisi at sa kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng ating Tagapagligtas.

Imposibleng mamuhay nang perpekto. Isang tao lamang ang nakapamuhay nang perpekto nang manirahan sa telestiyal na planetang ito. Iyon ay si Jesucristo. Hindi man tayo perpekto, mga kapatid, maaari tayong maging marapat: marapat na tumanggap ng sakramento, marapat sa mga pagpapala ng templo, at marapat na tumanggap ng personal na paghahayag.

Pinatotohanan ni Haring Benjamin ang mga pagpapala at kaligayahang dumarating sa mga taong maingat na sumusunod sa Tagapagligtas: “At bukod dito, ninanais kong inyong isaalang-alang ang pinagpala at maligayang kalagayan ng mga yaong sumusunod sa mga kautusan ng Diyos. Sapagkat masdan, sila ay pinagpala sa lahat ng bagay, kapwa temporal at espirituwal; at kung sila ay mananatiling matapat hanggang wakas, sila ay tatanggapin sa langit upang doon sila ay manahanang kasama ng Diyos sa kalagayan ng walang katapusang kaligayahan.”5

Kaya bang bilhin ng $15.00 ang kaligayahan? Hindi nito kaya. Ang malalim at walang-hanggang kaligayahan ay nagmumula sa sadya at maingat na pamumuhay ayon sa ebanghelyo ni Jesucristo. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.