Milton Camargo
Unang Tagapayo sa Sunday School General Presidency
Umabot halos ng isang taon bago nagpasiya si Helio da Rocha Camargo, isang dating pastor sa ibang simbahan, na magpabinyag sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Kalaunan, ang kanyang asawa, na si Nair Belmira da Rocha Camargo, ay nagpasiyang tularan ang halimbawa ng kanyang asawa at nagpabinyag din.
Noong panahong iyon, lalaki ang ipinagbubuntis ni Nair, na pinangalanan nilang Milton. Ang nagkakaisang pasiya ng mga Camargo na sumapi sa Simbahan ay magpapala magpakailanman sa darating na mga henerasyon ng kanilang pamilya.
Si Brother Milton da Rocha Camargo ay isinilang noong Marso 10, 1958, sa São Paulo, Brazil. Si Brother Camargo, na sinang-ayunan noong Abril 6, 2019, bilang Unang Tagapayo sa Sunday School General Presidency, ay nagsabing mapalad siyang lumaki na miyembro ng Simbahan.
“Kilala ng Panginoon ang bawat isa sa atin,” ang sabi niya. “Ang plano Niya para sa bawat isa sa atin ay mas malaki kaysa sa inaakala natin.”
Nakilala ni Brother Camargo ang kanyang asawang si Patricia habang pinamumunuan ng kanyang ama ang Brazil Rio de Janeiro Mission noong huling bahagi ng 1970s. Ikinasal ang magkasintahan noong Enero 4, 1980, mga isang taon pagkatapos makauwi si Brother Camargo mula sa pagmimisyon sa Portugal Lisbon Mission. Sila ay may tatlong anak.
Sa mga unang taon ng kanilang pagsasama bilang mag-asawa, ang mga Camargo ay nakatira sa Rio de Janeiro, kung saan nagtapos si Brother Camargo ng civil engineering mula sa Instituto Militar de Engenharia. Kalaunan ay nagtapos siya ng master of business administration mula sa Brigham Young University.
Sa kanyang buong career, inilaan ni Brother Camargo ang kanyang panahon at lakas sa pagtuturo sa iba. Nagtrabaho siya sa ilang unibersidad, kabilang ang Laureate Brazil Online Education, Universidad Tecnológica de México, at pinakahuli ang BYU-Pathway Worldwide bilang bise-presidente ng kurikulum.
Si Brother Carmargo ay naglingkod bilang Area Seventy, pangulo ng Brazil Porto Alegre South Mission (1997–2000), tagapayo sa panguluhan ng Brazil Missionary Training Center (2002–5), bishop, stake mission president, at elders quorum president.