2019
Narito, ang Cordero ng Dios
Mayo 2019


2:3

Narito, ang Cordero ng Dios

Ang ating binagong iskedyul ng Sunday service ay nagbibigay-diin sa sakramento ng Hapunan ng Panginoon bilang sagrado, namumukod-tangi, at itinuturing na sentro ng ating pagsamba tuwing Linggo.

Kuntento na ako hanggang sa makita ko ang mga luha sa mga mata ng mga kabataang iyon sa korong ito. Ang mga luhang iyon ay mas mahusay na sermon kaysa sa maibibigay ko.

Habang nasa tubig at hindi nakatingin sa mga taong sabik na magpabinyag sa kanya, nakita ni Juan, na tinatawag na Bautista, mula sa malayo ang kanyang pinsan, si Jesus ng Nazaret, na palapit sa kanya upang magpabinyag din. Sa tinig na mahina at mapitagan ngunit sapat para marinig ng mga nasa malapit, sinambit ni Juan nang buong paggalang ang mga katagang umaantig pa rin sa atin dalawang milenyo na ang nakararaan: “Narito, ang Cordero ng Dios.”1

Nalaman natin na ang taong ito na matagal nang ipinropesiyang magiging tagapagpauna kay Jesus ay hindi Siya tinawag na “Jehova” o “Tagapagligtas” o “Manunubos” kaya’y “ang Anak ng Diyos”—na pawang angkop na mga titulo. Bagkus, pinili ni Juan ang imahe na sinauna at marahil karaniwang kilala ng kanyang mga tao sa tradisyunal na pagsamba. Ginamit niya ang imahe ng iniaalay na kordero bilang pagbabayad-sala para sa mga kasalanan at pagdurusa ng makasalanang mundo at lahat ng makasalanang tao sa mundong ito.

Hayaan ninyong gunitain ko nang bahagya ang kasaysayang iyan.

Matapos paalisin sa Halamanan ng Eden, inasahan na nina Adan at Eva ang mapanganib na hinaharap. Dahil binuksan nila ang pintuan ng mortalidad at temporal na buhay sa atin, isinara nila ang pinto ng imortalidad at buhay na walang hanggan sa kanilang sarili mismo. Dahil sa paglabag na kusa nilang pinili alang-alang sa atin, daranasin na nila ang pisikal na kamatayan at espirituwal na pagkataboy, pagkawalay mula sa presensya ng Diyos magpakailanman.2 Ano ang gagawin nila? May solusyon ba para makaligtas sa kalagayang ito? Hindi natin tiyak kung gaano karami ang itinulot na maalala ng dalawang ito sa mga tagubiling natanggap nila habang nasa halamanan, ngunit totoong naalala nila na kailangan silang palaging mag-alay sa Diyos ng hain na dalisay, isang kordero na walang kapintasan, ang panganay na lalaki na isinilang sa kanilang kawan.3

Kalaunan ipinaliwanag sa kanila ng isang anghel na ang sakripisyong ito ay kahalintulad, isang simbolo ng pag-aalay na gagawin para sa kanila ng Tagapagligtas ng daigdig na paparito. “Ang bagay na ito ay kahalintulad ng sakripisyo ng Bugtong na Anak ng Ama,” ang sabi ng anghel. “Kaya nga, … ikaw ay magsisi at manawagan sa Diyos sa pangalan ng Anak magpakailanman.”4 Sa kabutihang-palad, may solusyon para makatakas sa parusa at matanggap ang kadakilaan.

Sa premortal na mga kapulungan sa langit, sina Adan at Eva (at lahat tayo) ay pinangakuan na may tulong na darating mula sa Kanyang dalisay, walang kapintasang Panganay na Anak, ang Kordero ng Diyos na “pinatay buhat nang itatag ang sanglibutan,”5 tulad ng gagawing paglalarawan sa Kanya ni Apostol Juan. Sa pamamagitan ng pag-aalay nila ng munting kordero bilang simbolo sa mortalidad, ipinahayag nina Adan at ng kanyang angkan ang pagkaunawa at pag-asa nila sa nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesus ang Pinahiran.6 Kalaunan, ang tabernakulo sa ilang ang paggaganapan ng ordenansang ito at, kasunod niyan, ang templo na itatayo ni Solomon.

Sa kasamaang-palad, bilang simbolo ng tunay na pagsisisi at tapat na pamumuhay, ang ritwal na pag-aalay na ito ng kanilang munting mga korderong walang kapintasan ay hindi naging gaanong matagumpay, na makikita sa maraming bahagi ng Lumang Tipan. Ang determinasyong magpakabuti na dapat kaakibat ng mga sakripisyong iyon ay hindi nagtatagal kung minsan. Gayunman, hindi ito sapat na nagtagal para naiwasan sana ang pagpatay sa sariling kapatid, ang pagpatay ni Cain sa kapatid niyang si Abel sa unang salinlahi.7

Sa gayong pagsubok at ligalig na naganap nang daan-daang taon, hindi nakapagtataka na masayang nagsiawit ang mga anghel sa langit nang, sa wakas, ay isinilang si Jesus—ang Mesiyas mismo na matagal nang ipinangakong darating. Kasunod ng Kanyang maikling ministeryo sa mundo, ang pinakadalisay na ito sa lahat ng tupa ng Paskua ay inihanda ang Kanyang mga disipulo para sa Kanyang kamatayan sa pagpapasimula ng sakramento ng Hapunan ng Panginoon, na mas personal na uri ng ordenansa na pinasimulan sa labas ng Eden. Magkakaroon pa rin ng paghahandog, kapapalooban pa rin ito ng sakripisyo, ngunit ito ay magiging simbolismo na mas malalim, mas mapagninilayan at personal kaysa sa pagkitil ng panganay na kordero. Sa mga Nephita, matapos ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, ganito ang sinabi ng Tagapagligtas tungkol dito:

“Hindi na kayo mag-aalay pa sa akin ng pagbubuhos ng dugo. …

“… Mag-aalay kayo bilang pinaka-hain sa akin ng isang bagbag na puso at nagsisising espiritu. At sinuman ang lalapit sa akin nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu, siya ay bibinyagan ko ng apoy at ng Espiritu Santo. …

“… Kaya nga magsisi, … at maligtas.”8

Mahal kong mga kapatid, sa pagbibigay-diin sa ibayong pag-aaral ng ebanghelyo sa tahanan, mahalagang maalala natin na iniuutos pa rin sa atin na “magtungo sa [dalanginan] at ihandog ang inyong sakramento sa aking banal na araw.”9 Maliban pa sa paglalaan ng oras para magawang sentro ang tahanan sa pag-aaral ng ebanghelyo, ang ating binagong iskedyul sa araw ng Linggo ay makakabawas din sa pagiging komplikado ng iskedyul ng mga pulong sa paraang mas mabibigyang-diin ang sakramento ng Hapunan ng Panginoon bilang sagrado, namumukod-tangi, at sentro ng ating pagsamba tuwing Linggo. Dapat nating alalahanin sa personal na paraan hangga’t maaari na si Cristo ay namatay mula sa pusong binagbag dahil sa mag-isang pagpasan ng mga kasalanan at hinagpis at pagdurusa ng sangkatauhan.

Dahil isa tayo sa nagdulot sa napakasidhing pasakit na iyon, ang gayong sandali’y nangangailangan ng ating paggalang. Kaya, hinihikayat namin kayong dumating nang maaga at mapitagan sa ating sacrament service, nakadamit nang angkop para makibahagi sa sagradong ordenansa. Ang katagang “Sunday best” ay bahagyang nawalan ng kahulugan sa ating panahon, at bilang pagpapahalaga sa Kanya na dahilan kung bakit tayo naroroon, dapat lamang ibalik natin ang tradisyong iyon na pagbibihis ng angkop na damit pangsimba at pag-aayos hangga’t makakaya natin.

Tungkol naman sa pagdating sa oras, mapagmahal nating uunawain mahuli man ng dating ang mabubuting inang iyon na kahit hirap na inaakay ang mga anak, at mga baong pagkain at diaper bag, ay nagawa pa ring makarating sa simbahan. Bukod pa riyan, may iba naman na di maiwasang hanapin ang kanilang baka na nahulog sa putikan sa umaga ng Sabbath. Gayunman, sa huling pangkat na ito mauunawaan natin kung mahuli sila ng dating paminsan-minsan, pero kung ang baka ay laging nahuhulog sa putikan tuwing Linggo, ipinapayo namin na ipagbili na lang ang baka o tabunan ang putikan.

Gayundin, nakikiusap kami bilang apostol na bawasan ang ingay sa santuwaryo ng ating mga gusali. Gusto nating mag-usap-usap, at dapat lang naman—isa iyon sa masasayang bahagi ng pagsisimba—ngunit hindi ito dapat napakalakas sa lugar na partikular na inilaan sa pagsamba. Nangangamba ako na baka ang mga taong bumibisita na hindi natin ka-relihiyon ay hindi matuwa sa ingay at kawalang pagpipitagan sa lugar na dapat sanang kakitaan ng panalangin, patotoo, paghahayag, at kapayapaan. Marahil ay hindi rin matutuwa ang langit.

Makadaragdag sa diwa ng pagpipitagan sa ating sacrament meeting kung ang mga nangungulo ay nasa harapan na bago magsimula ang sacrament meeting, nakikinig sa prelude music at mapitagang nagpapakita ng halimbawa na dapat nating tularan. Kung may nagdadaldalan sa harapan, huwag na tayong magtaka kung may nagdadaldalan sa kongregasyon. Natutuwa kami sa mga bishopric na hindi na isinasama ang mga announcement na nakakabawas sa diwa ng ating pagsamba. Ako mismo, ay hindi ko maiisip na ang isang saserdote na tulad ni Zacarias—habang naroon sa sinaunang templo ng Panginoon, at makikibahagi sa kaisa-isa at tanging pribilehiyo na darating sa buong buhay niya bilang saserdote—ay titigil sa harap ng altar para ipaalala sa atin na anim na linggo na lang at tapos na ang pagpaparehistro.

Mga kapatid, ang oras na ito na inordenan ng Panginoon ay pinakasagradong oras ng buong linggo natin. Bilang kautusan, nagtitipon tayo para sa ordenansang tinatanggap ng lahat ng miyembro ng Simbahan. Ito ay bilang pag-alaala sa Kanya na humiling na kung maaari ay ilayo sa Kanya ang saro na Kanyang iinumin, gayunpaman nagpatuloy Siya sapagka’t alam Niya na para sa ating kapakanan hindi ito maaaring ilayo. Makatutulong sa atin kung aalalahanin natin na ang sagisag ng sarong iyon ay unti-unting inilalapit sa atin ng kamay ng 11 o 12 taong gulang na deacon.

Kapag dumating na ang sagradong sandali para ialay ang ating handog sa Panginoon, may mga kasalanan at pagkakamali tayong kailangang pagsisihan; kaya tayo naroon. Ngunit maaaring mas magbunga ng mabuti ang gayong pagsisisi kung aalalahanin natin ang ibang mga bagbag na puso at nagdurusang espiritu na nakapaligid sa atin. Nakaupo nang di-kalayuan sa atin ang mga tao na maaaring tumatangis—nang hayagan o nasasaloob lamang—sa buong pag-awit ng himno ng sakramento at mga panalangin ng mga priest na iyon. Maaari bang ialay natin ang ating kapirasong tinapay ng kapanatagan at ang ating maliit na saro ng kahabagan sa kanila—maaari bang ilaan natin ang mga ito sa kanila? o sa tumatangis at nababalisang miyembro na hindi nakapagsimba, at kung hindi natin sasagipin, ay hindi pa rin makakarating sa susunod na linggo? o sa ating mga kapatid na hindi mga miyembro ng Simbahan ngunit tunay na mga kapatid natin? Hindi mawawalan ng pagdurusa sa mundong ito, sa loob at labas ng Simbahan, kaya tumingin kayo sa lahat ng dako at makakakita kayo ng taong may pasakit na tila napakahirap pasanin at dalamhati na tila walang katapusan. Isang paraan upang “lagi siyang aalalahanin”10 ay ang samahan ang Dalubhasang Manggagamot sa Kanyang walang katapusang gawain na pagtulong sa may mga pasanin at ibsan ang pasakit ng mga namimighati.

Mga minamahal kong kaibigan, sa bawat linggo na nagkakaisa tayong nagtitipon sa iba’t ibang panig ng mundo, umaasam sa ibayong banal na pagpapahalaga sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Bugtong na Anak ng Diyos, nawa’y dalhin natin sa hapag ng sakramento ang “Kanyang dinanas [na] luha at dusa.” At pagkatapos, sa ating pagninilay-nilay, pagdarasal, at pagpapanibago ng tipan, nawa mula sa sagradong sandaling iyon ay madama natin ang “[higit pang pagtitiis sa pagdurusa, … higit pang pasasalamat sa kapanatagan].”11 Sa gayong pagtitiis at kapanatagan, sa gayong kabanalan at pag-asa, nananalangin ako para sa inyong lahat sa pangalan Niya na unang nagpira-piraso ng tinapay ng kapatawaran at nagbuhos ng sagradong alak ng kaligtasan, maging si Jesucristo, ang natatangi, maawain, at banal na Kordero ng Diyos, amen.

Mga Tala

  1. Juan 1:29.

  2. Tingnan sa 2 Nephi 9:8–9.

  3. Tingnan sa Moises 5:5; tingnan din sa Exodo 12:3–10.

  4. Moises 5:7–8; tingnan din sa Moises 5:9.

  5. Apocalipsis 13:8.

  6. Tingnan sa Bible Dictionary, “Anointed One”; tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pinahiran, Ang,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org.

  7. Ang kakatwa rito, ang pagpatay ni Cain kay Abel, na gawang inudyukan ni Satanas, ay maaaring may kinalaman sa naramdamang galit ni Cain nang hindi tanggapin ng Panginoon ang kanyang hinandog na alay gayong tinanggap ang kay Abel.

    “Ang Diyos … ay naghanda ng isang sakripisyo sa pagkakaloob ng Kanyang sariling Anak, [na] … [magbubukas ng] pintuan kung saan maaaring pumasok ang tao tungo sa kinaroroonan ng Panginoon. …

    “Sa pamamagitan ng pananampalataya sa pagbabayad-sala o plano ng pagtubos na ito, si Abel ay nag-alay sa Diyos ng isang hain na tinanggap, na mga panganay ng kawan. Inalay ni Cain ang bunga ng lupa, at hindi ito tinanggap. … [Ang kanyang hain ay kailangang kapalooban ng] pagbuhos ng dugo” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 56; tingnan din sa 124–26).

  8. 3 Nephi 9:19–20, 22.

  9. Doktrina at mga Tipan 59:9.

  10. Moroni 4:3; 5:2.

  11. “Kabanalang Lalo, Aking Kahilingan,” Mga Himno, blg. 80.