2019
Jorge M. Alvarado
Mayo 2019


Jorge M. Alvarado

General Authority Seventy

Elder Jorge M. Alvarado

Sina Miguel at Iris Alvarado ay sumapi sa Simbahan sa Puerto Rico noong 1977 noong ang kanilang anak na si Jorge ay anim na taong gulang. Ang batang si Jorge ay nabinyagan pagkatapos ng dalawang taon at hindi kailanman lumiban sa pagdalo sa mga miting sa Sabbath.

“Pero naganap ang aking sariling pagbabalik-loob noong ako ay 16 anyos,” sabi ng bagong tawag na General Authority Seventy.

Noong high school ay nagsimula siyang maglingkod bilang pangulo ng kanyang klase sa seminary sa Ponce na bayan na kanyang sinilangan. Pinag-aaralan ng mga estudyante ang Aklat ni Mormon noong taong iyon. Ang kanyang bagong tungkulin ay nag-udyok sa kanya na suriin ang kanyang sarili.

“Kailangan kong tanungin ang aking sarili, ‘Nalalaman ko ba talaga na ang Aklat ni Mormon ay totoo?’ Paano ako naging pangulo ng klase ko sa seminary kung hindi ko alam kung totoo ang aklat?”

Dinampot niya ang kanyang Aklat ni Mormon at sa unang pagkakataon ay binasa ito nang taimtim.

“Lumuhod ako at nanalangin, at nalaman ko dahil dito na ito ay totoo,” sabi niya.

Ang Aklat ni Mormon ay nananatiling isang malaking impluwensya sa buhay ni Elder Alvarado.

Habang naglilingkod bilang full-time missionary sa Florida Tampa Mission, ibinahagi niya ang Aklat ni Mormon sa lahat ng tinuruan niya. Kalaunan, pinag-aralan niya ang aklat kasama ng kanyang asawa at ng kanyang tatlong anak. Bilang pangulo ng Puerto Rico San Juan Mission, hinamon niya ang kanyang mga missionary na mahalin at ibahagi ang Aklat ni Mormon.

Ngayon, bilang isang General Authority Seventy, si Elder Alvarado ay nananatiling sabik sa pag-anyaya sa iba na tuklasin ang nakapagpapabagong-buhay na mga katotohanan sa Aklat ni Mormon.

Si Jorge Miguel Alvarado Pazo ay ipinanganak noong Nobyembre 21, 1970. Noong Disyembre 19, 1992, pinakasalan niya si Cari Lu Rios sa Washington D.C. Temple.

Pagkatapos mag-aral ng business management sa University of Puerto Rico, nagkaroon siya ng iba’t ibang trabahong may kinalaman sa business management sa Puerto Rico at sa Estados Unidos. Ang pinakahuli niyang trabaho ay sa headquarters ng Simbahan sa Salt Lake City bilang isang international manager ng Self-Reliance Services.

Si Elder Alvarado ay naglingkod bilang Area Seventy, stake president, high councilor, branch president, at ward mission leader.