2019
Pakikinig sa Kanyang Tinig
Mayo 2019


2:3

Pakikinig sa Kanyang Tinig

Sa mundo na may napakaraming nagpapaligsahang mga tinig, ginawang posible ng ating Ama sa Langit na mapakinggan at masunod natin ang Kanyang tinig.

Kaninang umaga, may ibinigay na maikling sulat sa aking asawa ang kanyang kapatid na lalaki na isulat niya [ng aking asawa] maraming taon na ang nakararaan para sa kanyang ina. Nang panahong iyon, maliit pa si Sister Homer. Ito ang mababasa sa isang bahagi ng kanyang sulat, “Mahal Kong Inay, sorry po dahil hindi po ako nagbahagi ng patotoo ngayon—pero mahal ko po kayo.” Nang mananghalian kami, naisip ko na nakakatuwang bagay iyon. Kaya’t naupo ako, at sumulat nang ganito, “Mahal Kong Pangulong Nelson, sorry po dahil hindi po ako nagbigay ng mensahe ngayon—pero mahal ko po kayo.” Sa paanuman may hindi tama roon. Kaya’t narito kami, at masaya ako na idagdag ang aking mga salita sa mga nagsalita sa sesyon na ito ngayon.

Maraming taon na ang nakalipas, bumiyahe ako sakay ng isang maliit na eroplano na pinalilipad ng bagong piloto. Nang nakarating na kami sa destinasyon namin, pinayagan na kaming lumapag. Ngunit nang malapit na kami sa ibaba, narinig ko ang alarma sa cockpit na nagbibigay ng babala sa piloto na “pumaitaas.” Tumingin ang piloto sa mas bihasang copilot, na itinuro ang ibaba, palayo sa runway, at nagsabing, “Ngayon na!”

Mabilis na kumaliwa pababa ang eroplano namin, pagkatapos ay bumalik sa tamang altitude, humanda na muling lumapag, at nakarating nang ligtas sa aming destinasyon. Kalaunan nalaman ko na isa pang eroplano ang pinayagang mag-take off. Kung sinunod namin ang instruksyon ng alarma, malamang na pumihit kami palapit, sa halip na palihis, sa paparating na eroplano. Ang karanasang ito ay nagturo sa akin ng dalawang mahahalagang aral: Una, sa mga kritikal na sandali ng ating buhay, makakarinig tayo ng maraming tinig na nagpapaligsahan para maagaw ang ating atensyon. At pangalawa, mahalagang makinig sa tama.

Mga Tinig na Nagpapaligsahan

Nabubuhay tayo sa mundo na maraming tinig ang naghahangad ng ating atensyon. Sa lahat ng mga nagbabagang balita, tweet, blog, podcast, at mapanghikayat na payo mula kay Alexa, Siri, at iba pa, mahirap para sa atin na malaman kung aling tinig ang paniniwalaan natin. Kung minsan humihingi tayo ng payo sa maraming tao, dahil iniisip natin na ang nakararami ang pinakamahusay na mapagkukunan ng katotohanan. Kung minsan tayo ay “[n]angagaalinlangan sa dalawang isipan,”1 pinipili na “hindi [maging] malamig o mainit man.”2 Kung minsan din, sinusunod natin kung alin ang mas madaling sundin, nagtutuon sa iisang tinig o bagay para magabayan tayo, o umaasa lamang sa ating kakayahang mag-isip.

Bagama’t makatutulong ang mga pamamaraang ito, natututuhan natin batay sa karanasan na hindi laging maaasahan ang mga ito. Ang popular ay hindi laging pinakamainam. Ang mag-alinlangan sa dalawang opinyon ay walang patutunguhan. Ang paggawa ng bagay na hindi pinaghirapan ay bihirang humantong sa mga bagay na may kabuluhan. Ang pagtutuon sa iisang tinig o iisang bagay ay maglilimita sa kakayahan nating makaunawa. At ang pag-asa lamang sa sarili nating opinyon ay mag-uudyok sa atin na umasa na lamang sa gusto nating isipin. Kung hindi tayo maingat, maililihis tayo ng mga maling tinig mula sa ebanghelyo at dadalhin tayo sa sitwasyong mahihirapan tayong manatiling tapat, at halos kahungkagan, kapaitan, at kawalang-kasiyahan ang ating matatagpuan.

Pakikinig sa Maling Tinig

Hayaan ninyong ipakita ko ang ibig kong sabihin sa pamamagitan ng paggamit ng analohiya at halimbawa mula sa mga banal na kasulatan. Ang karaniwang tawag ng mga umaakyat ng bundok sa altitude na lampas sa 8,000 metro ay “death zone” dahil sa ganoong taas, walang sapat na oxygen para manatiling buhay. May espirituwal na katumbas ang death zone. Kung nakababad tayo sa mga lugar na nakapagpapahina ng pananampalataya, inaalisan tayo ng espirituwal na oxygen ng mga tinig na tila maganda naman ang intensyon.

Sa Aklat ni Mormon, mababasa natin ang tungkol kay Korihor na nakaranas ng gayon. Nagtamasa siya ng katanyagan dahil ang mga turo niya ay “kasiya-siya [sa] makamundong isipan.”3 Sinabi niya na ang mga magulang at propeta ay nagtuturo ng mga hangal na kaugalian na pumipigil sa kalayaan at nagpapatindi ng kamangmangan.4 Iginiit niya na dapat malayang gawin ng mga tao ang anumang gusto nilang gawin dahil ang mga kautusan ay ginawa para lamang higpitan tayo.5 Para sa kanya, ang paniniwala sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay “likha ng isang isipang matinding nababalisa,” na nilikha ng paniniwala sa isang nilalang na hindi totoo dahil hindi naman Siya nakikita.6

Labis na nakaligalig si Korihor kaya siya ay dinala sa harapan ng punong hukom at mataas na saserdote. Doon ay nagsalita siya sa “lumalakas na pananalita,” binabatikos ang mga namumuno at humihingi ng palatandaan. Ibinigay ang palatandaan. Siya ay ginawang pipi upang hindi na makapagsalita. Natanto ni Korihor na nalinlang siya, at iniisip ang mga katotohanang tinalikdan niya, ay naghihinagpis na nagsabing “noon pa’y nalalaman ko na.”7

Si Korihor ay nanlimos para may makain hanggang sa siya ay niyapak-yapakan ng isang pangkat ng mga Zoramita hanggang sa siya ay mamatay.8 Ang huling talata sa kanyang kuwento ay naglalaman ng malungkot na paglalarawan: “At sa gayon nakikita nating hindi itataguyod ng diyablo ang kanyang mga anak sa huling araw, kundi kaagad silang hihilahing pababa sa impiyerno.”9

Ang Tamang Tinig

Dahil nais ng ating Ama sa Langit ang mas makabubuti sa atin, ginawa Niyang posible na marinig natin ang Kanyang tinig. Kadalasan, naririnig natin Siya sa pamamagitan ng mga impresyon na mula sa Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo ang ikatlong miyembro ng Panguluhang Diyos. Siya ay sumasaksi sa Ama at sa Anak,10 ipinadala upang “[mag]turo sa [atin] ng lahat ng mga bagay,”11 at “magbibigay-alam sa [atin] ng lahat ng bagay na nararapat [nating] gawin.”12

Ang Espiritu ay nangungusap sa iba’t ibang tao sa iba’t ibang paraan, at maaaring mangusap Siya sa iisang tao sa iba’t ibang paraan sa iba’t ibang pagkakataon. Dahil diyan, ang matutuhan ang maraming paraan ng pakikipag-usap Niya sa atin ay panghabambuhay na gawain. Kung minsan, Siya ay nangungusap sa ating “isipan at sa [ating] puso”13 sa tinig na banayad ngunit makapangyarihan, tumitimo “sa kanila na nakaririnig hanggang sa kaibuturan.”14 Sa ibang pagkakataon, ang Kanyang mga impresyon ay “sumasaklaw sa [ating mga] isipan” o “tumitimo … sa [ating] damdamin.”15 Sa ibang pagkakataon, ang ating mga dibdib ay “[mag-aalab].”16 Sa iba pa ring pagkakataon, Kanyang pinupuno ng galak ang ating mga puso, binibigyang-liwanag ang ating mga isipan,17 o nangungusap ng kapayapaan sa ating mga balisang puso.18

Paghahanap sa Kanyang Tinig

Mahahanap natin ang tinig ng ating Ama sa maraming lugar. Mahahanap natin ito kapag nagdarasal tayo, nag-aaral ng mga banal na kasulatan, nagsisimba, nakikibahagi sa mga talakayan tungkol sa ebanghelyo, o pumupunta sa templo. Tiyak na mahahanap natin ito sa mismong linggong ito ng kumperensya.

Ngayon ay sinang-ayunan natin ang 15 kalalakihan bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. Ang kanilang espirituwalidad at karanasan ay nagbibigay sa kanila ng natatanging pananaw na lubha nating kailangan. Ang kanilang mga mensahe ay madaling hanapin at binigkas nang napakalinaw. Sinasabi nila sa atin ang nais ng Diyos na malaman natin, tanggap man ito ng nakararami o hindi.19

Ang hanapin ang Kanyang tinig sa alinman sa mga lugar na ito ay mabuti, ngunit ang hanapin ito sa marami sa mga ito ay higit na mainam. At kapag ito ay narinig natin, kailangang sundin natin ang patnubay na ibinigay. Sinabi ni Apostol Santiago, “Maging tagatupad kayo ng salita, at huwag tagapakinig lamang.”20 At minsan ay itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson: “Nagmamasid tayo. Naghihintay tayo. Pinakikinggan natin ang marahan at banayad na tinig na yaon. Kapag ito ay nangusap, ang matatalinong lalaki at babae ay nagsisisunod.”21

Kapag Matagal Dumating ang Sagot

Noong nagsisimula pa lang ako sa aking propesyon, kami ni Sister Homer ay inalok ng pagbabago ng assignment sa trabaho. Nang panahong iyon, tila napakalaking desisyon nito sa amin. Pinag-aralan, ipinag-ayuno, at ipinagdasal namin ito, ngunit matagal dumating ang sagot. Sa huli, nagdesisyon kami at isinagawa iyon. Nang ginawa namin iyon, napanatag kami at natanto kalaunan na isa ito sa mga pinakamagandang desisyong ginawa namin.

Dahil diyan, nalaman naming matagal kung minsan dumating ang mga sagot. Maaaring nangyayari ito dahil hindi pa tama ang panahon, dahil hindi kailangan ang sagot, o dahil tiwala ang Diyos na kaya nating magdesisyon. Itinuro minsan ni Elder Richard G. Scott na dapat nating pasalamatan ang gayong mga pagkakataon at ipinangako ito: “Kapag namumuhay kayo nang marapat at ang inyong pasiya ay naaayon sa mga turo ng Tagapagligtas at kailangan ninyong kumilos, magpatuloy nang may tiwala. … Hindi hahayaan ng Diyos na magpatuloy pa kayo nang hindi nababalaan kung mali ang inyong desisyon.”22

Kailangan Tayong Pumili

At dahil diyan, kailangan nating pagpasiyahan kung alin sa lahat ng magkakaibang tinig ang susundin natin. Susundin ba natin ang di-mapagkakatiwalaang tinig na iginigiit ng mundo, o gagawin ba natin ang nararapat upang magabayan ng tinig ng Ama sa lahat ng ating desisyon at maprotektahan tayo sa panganib? Kapag lalo nating masigasig na hinahanap ang Kanyang tinig, mas madali nating maririnig ito. Ito ay hindi dahil mas lumakas ang Kanyang tinig kundi dahil nadagdagan ang kakayahan nating marinig ito. Ipinangako ng Tagapagligtas na kung tayo ay “[m]akikinig sa [Kanyang] mga tuntunin, at ipa[hi]hiram ang tainga sa [Kanyang] mga payo,” Siya ay “[magbibigay] pa [sa atin] ng karagdagan.”23 Pinatototohanan ko na totoo ang pangakong ito—para sa bawat isa sa atin.

Halos isang taon na ngayon ang nakalipas, namatay ang kuya ko sa isang malagim na aksidente sa sasakyan. Ang kabataan ni John ay puno ng oportunidad at tagumpay. Ngunit habang lumalaki, nagkaroon siya ng matinding karamdaman na ipinagdusa niya nang labis sa buhay. Bagama’t hindi nangyari sa buhay na ito ang paggaling na inasam niya, nanatiling matatag si John sa kanyang pananampalataya, determinadong magtiis, hangga’t makakaya niya, hanggang sa huling sandali.

Ngayon, alam kong hindi perpekto si John, ngunit iniisip ko kung ano kaya ang nagbigay sa kanya ng gayong kakayahang magtiis. Maraming tinig ang nag-udyok sa kanya na maghinanakit, ngunit pinili niyang huwag makinig. Sa halip, sinikap niyang isalig ang kanyang buhay sa ebanghelyo. Namuhay siya ayon dito, dahil alam niyang maririnig niya ang tinig ng kanyang Panginoon doon; namuhay siya ayon dito, dahil alam niyang sa paraang iyon siya matuturuan.

Katapusan

Mga kapatid, sa mundo na may napakaraming tinig na nagpapaligsahan, pinatototohanan ko na ginawang posible ng ating Ama sa Langit na mapakinggan at masunod natin ang Kanyang tinig. Kung tayo ay masigasig, ibibigay Niya at ng Kanyang Anak ang patnubay na hinahangad natin, ang lakas na kailangan natin, at ang kaligayahang inaasam nating lahat. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.