Mga Bagong Patakaran, Pamamaraan, at Sanggunian
Mga pahayag tungkol sa mga templo. Ang Unang Panguluhan ay nag-isyu ng pahayag noong Enero 2, 2019, na may isinasaad na: “Sa paglipas ng maraming siglong ito, ang mga detalyeng may kinalaman sa gawain sa templo ay iniaakma sa bawat panahon, kabilang na ang pananalita, pamamaraan ng pagtatayo, komunikasyon, at pag-iingat ng tala. Itinuro ng mga propeta na walang katapusan ang gayong mga pag-aakma tulad nang itinagubilin ng Panginoon sa Kanyang mga tagapaglingkod.”
Paglipat ng mga bata at kabataan. Ang mga bata na natapos na sa Primary at mga kabataan ay lilipat ng klase o korum bilang magkakaedad sa Enero sa halip na sa pagkatapos ng kanilang kaarawan. Ibig ding sabihin nito na ang mga kabataan ay makatatanggap ng limited-use temple recommend sa unang pagkakataon sa Enero ng taong sasapit sila ng 12 taong gulang, at ang mga kabataang lalaki ay maaari nang maordena sa Aaronic Priesthood sa Enero ng taong sasapit sila ng 12 taong gulang.
Mga pagkakataong makapaglingkod. Ipinabatid ng LDS Charities ang pakikipagpartner nito sa JustServe.org upang ilunsad ang proyektong #YouCanDoSomething, na nag-aanyaya sa mga tao na maglingkod sa kanilang lugar at mag-ambag sa mabubuting adhikain saan mang dako upang makatulong sa pagbabago ng mundo. Para makapagsimula, bisitahin ang “How to Help” page sa LDSCharities.org.
Mga bagong sanggunian sa ministering. Ang website na This Is Ministering (ministering.ChurchofJesusChrist.org) ay in-update na ng karagdagang mga artikulo at video. Ang mga sanggunian sa website ay makatutulong sa mga mambabasa na tumulong nang may habag, magbuo ng mas makabuluhang ugnayan, mapagbuti ang kanilang kakayahang makinig, at marami pang iba. Kabilang sa bagong nilalaman ang mga artikulo tungkol sa Mga Alituntunin ng Ministering na inilathala sa Ensign at Liahona, mga link sa pangkalahatang kumperensya tungkol sa ministering, at mga video, quote, at mga banal na kasulatan na maibabahagi.
Pag-asa at pagpapagaling para sa mga biktima ng pang-aabuso. Isang bagong website ng Simbahan, ang abuse.ChurchofJesusChrist.org, ay naglalaman ng mga sanggunian at praktikal na mga kagamitan para sa mga biktima ng pang-aabuso at para sa mga gustong makatulong na maiwasan ang pang-aabuso. Nag-isyu rin ang Unang Panguluhan ng liham noong Maro 26, 2019, na naghihikayat sa mga lider ng Simbahan na tumulong nang may pagmamahal upang maalalayan ang mga nagdurusa mula sa pang-aabuso ng iba. Kalakip sa sulat ang dokumento na nagbibigay ng mga bagong gabay tungkol sa kung paano papayuhan ng mga bishop at stake president ang mga biktima ng seksuwal na pang-aabuso at paano nila dapat interbyuhin ang mga miyembro ng Simbahan. Inilunsad din ng Simbahan ang video na, “Protect the Child,” at in-update ang mga artikulo sa Gospel Topics tungkol sa pang-aabuso.
Mga bagong features at apps. Ang Study Plans feature sa pinakabagong update sa Gospel Library app ay tutulong sa iyo na magtakda ng iskedyul para sa pag-aaral ng anumang paksa na matatagpuan sa app. Ang Ordinances Ready ay isang bagong FamilySearch tool na nagpapasimple sa paghahanap ng mga pangalan para sa templo, na magbibigay sa iyo ng mas maraming oras na mapaglingkuran ang iyong pamilya at matamasa ang mga pagpapala ng templo. Ang FamilySearch ay mayroong halos tatlong dosenang bagong in-home activities, tulad ng “Walk Where They Walked,” upang tulungan ang mga nakababatang miyembro ng pamilya na makabahagi sa family history. Ang mga aktibidad ay makukuha sa 10 wika.
Mga malakihang produksyon hindi na hinihikayat. Bagamat angkop ang mga pagdiriwang ng kultura at kasaysayan ng isang lugar, hindi na hinihikayat ngayon ng Simbahan ang malalakihang produksyon tulad ng mga pageant. Tatlong pageant ang magpapatuloy: ang Nauvoo Pageant sa Illinois, USA, na may suporta mula sa Church headquarters; ang Mesa Pageant sa Arizona, USA, sa ilalim ng pamumuno ng area; at British Pageant, sa ilalim ng pamumuno ng area, na gaganapin tuwing apat na taon. Hindi na rin ipagpapatuloy ng Simbahan ang mga kultural na pagtatanghal bago ang mga paglalaan ng templo at ipapalit dito ang mga debosyonal para sa mga kabataan ng mga bumibisitang lider ng Simbahan.