Mensahe Ng Area
Nakatanggap ng Lakas at Inspirasyon ang Mga Kabataan Mula sa Young Men General President
Alam ninyo kung sino kayo, at bakit kayo narito. Kayo ay anak ng Diyos, at mayroon kayong walang hanggang tadhana.
Ito ang nagbibigay-inspirasyong mensaheng natanggap ng mga kabataan sa Philippines Area mula kay President Steven J. Lund, Young Men General President, sa kanyang pitong-araw na pagbisita sa bansa noong Hulyo 16–22.
Kasama ang kanyang asawa, si Sister Kalleen Lund, nakihalubilo si President Lund sa mga kabataang lalaki at babae na lumahok sa mga For the Strength of Youth (FSY) conference sa mga sumusunod na stake at district: Kalibo, Roxas (Capiz), at Antique (Hulyo 19); Bacoor at Imus (Hulyo 20); at Camiling at Paniqui (Hulyo 21). Nagdaos din sila ng isang debosyonal kasama ang mga misyonero ng Philippines Iloilo Mission noong Hulyo 18.
Nakatuon sa Tema ng Kabataan para sa 2023 na “Lahat ng mga bagay ay aking magagawa sa pamamagitan ni Cristo na nagpapalakas sa akin” (Filipos 4:13), sumali sina President at Sister Lund sa pagbigkas—at higit na mas mahalaga, ang pagtalakay—sa tema ng Young Men at Young Women, nakinig sa kanilang mga hamon at alalahanin, nagbigay ng suporta at paghihikayat sa mga lider ng kabataan, at oo, nakiisa sa kasiyahan ng mga kabataan sa iba’t ibang mga aktibidad sa FSY.
Ang mga Lund ay sinamahan sa iba’t ibang lugar ng mga miyembro ng Philippines Area presidency at kani-kanilang asawa: Elder Steven R. Bangerter, area president, at Sister Susan A. Bangerter; Elder Yoon Hwan Choi, first counselor, at Sister Bon Kyong Koo Choi; Elder Carlos G. Revillo Jr., second counselor, at Sister Marie Revillo. Nakipagkita din sila sa mga lider ng Simbahan sa bawat lugar at rehiyon.
HULYO 19 – KALIBO, ROXAS (CAPIZ), AT ANTIQUE
“Ito ay isang magiting na hukbo na sumusulong, tumatanggap ng lakas sa bawat araw at bawat oras, laban sa lahat ng malalakas na hangin at mga hamon ng mundo,” sabi ni President Lund sa mga kabataan mula sa Kalibo Stake, Roxas Capiz Stake, at Antique District sa FSY conference na ginanap sa Punta Villa Resort sa Iloilo City. “Kayo ay bahagi ng magiting na hukbo na binubuo ng Ama sa Langit,” pagpapatunay niya sa mga kalahok.
“Parang nabiyayaan ako nang marinig ko ang mga salitang binanggit ni Elder Lund,” pagbabahagi ni Kurt Brigham Villanueva, na naglilingkod bilang priests quorum presidency assistant sa Kalibo 2nd Ward. “Ginising niya ang isipan ko na bilang mayhawak ng priesthood, dapat akong humayo at tumulong sa pagtitipon ng Israel, at binigyang-inspirasyon ako nitong maging mas karapat-dapat na maglingkod sa Panginoon.”
Nang bigkasin ng mga kabataan ang mga tema ng Young Men/Aaronic Priesthood at Young Women kasama nina President at Sister Lund, si Sister Jewel Koztelijk Soriano, isang Young Women class president mula sa Hamtic Branch ay nagsimulang pag-isipan ang kahulugan nito. “Sa tulong ni President Lund naunawaan ko kung bakit ginawa ang mga tema,” paggunita ni Sister Jewel, na inuulit ang sinabi ng pangkalahatang lider ng kabataan: “Kinakabisa natin ang tema dahil binabago ng mundo ang ating identidad.”
Nauna rito, nagdaos ang mga Lund ng isang debosyonal kasama ang mga misyonero ng Philippines Iloilo Mission. “Lahat tayo ay bahagi ng napakaraming biyaya at himala,” sabi ni Sister Lund sa mga misyonero, itinuturo na ang mga miyembro ng Simbahan ay may kaloob ng pagpapagaling, hindi lamang ng pisikal na pagpapagaling kundi ng “pagbibigay ng pag-asa sa iba.”
Si Pangulong Lund naman ay nagtuon ng pansin sa, dahil “tayo ay minamahal na mga anak na lalaki at anak na babae ng Diyos,” binibigyan tayo nito ng katiyakan na “alam natin kung sino tayo at bakit tayo narito.” Dahil dito, idinagdag niya, ang mga misyonero ay may malaking responsibilidad: “Tulungan ang iba na lumapit kay Cristo, upang magkaroon sila ng kagalakan at kaligayahan.”
Si Elder Albarico, isang full-time na misyonero, ay nakinig nang mabuti sa pagsasalaysay ni Elder Lund tungkol sa isang FSY conference sa isang bansa na kung saan ay kaunti lamang ang mga miyembro ng Simbahan. “Binigyan ako nito ng kakayahan na maunawaan na lahat ay anak ng Ama sa Langit,” pagninilay ng misyonero, “at na bahagi din sila ng dakilang gawaing ito kahit nasa isang bansa sila na ang karamihan ay Muslim.”
HULYO 20 – BACOOR AT IMUS
Matapos bigyang-tuon ang mga pahayag na “Ako ay minamahal na anak na lalaki ng Diyos” at “Ako ay minamahal na anak na babae ng mga Magulang sa Langit” na makikita sa tema ng mga kabataan, nagbigay si President Lund ng isang nagpapaisip na tanong sa mga kabataan ng Bacoor Stake at Imus Stake sa isang debosyonal sa bagong-tayo na Tanay FSY Facility sa Rizal.
“Bakit sa tingin ninyo ay gusto ng propeta na bigkasin natin ang mga salitang iyon?” tanong niya, at sinundan ito ng isa pang tanong na higit na nagtiyak kaysa nagtanong: “Hindi pa ba alam ng lahat na tayo ay Kanyang mga anak?”
Pagkatapos ay bumaling si Elder Lund sa mga mayhawak ng Aaronic Priesthood at nagpaliwanag: “Binigyan ng propeta ang mga Kabataang Lalaki ng isang tema na kakabisaduhin dahil nabubuhay tayo sa mundo na kakaiba sa nakagisnan namin, kung saan ang mga pilosopiya ng mga tao na binanggit ni Joseph Smith ay sinusubukan kayong kumbinsihin na kayo ay naiiba sa kung sino kayo talaga.”
Binigyang-diin ni President Lund para sa lahat: “Kapag may lumapit sa atin na nagsasabing tayo ay naiiba sa kung sino tayo, alam natin na hindi iyon totoo. Tayo ay mga anak ng Diyos, at mayroon Siyang gawaing ipagagawa sa atin. Mayroon akong walang hanggang tadhana, at may layunin ang buhay na ito.”
Napukaw ng mga salita ni Elder Lund si Matthieu Grant Valdez ng Imus 3rd Ward: “Binigyan ako nito ng inspirasyon na magmisyon.” Nang tinanong kung paano niya isasabuhay ang natutuhan niya, sumagot siya, “Pagnilayan ang ebanghelyo,” at ibahagi ito sa lahat, “upang mas mapalakas ang ating pananampalataya.”
Si Sister Lund, na inalala na nakilahok din siya sa mga youth conference noong kabataan niya, ay ipinahayag ang kanyang damdamin: “Naniniwala ako na ang isa sa mga dahilan kung bakit napakahalaga ng FSY ay dahil ito na ang pinakamalapit sa selestiyal na paraan ng pamumuhay na mararanasan ninyo. Pumunta kayo rito, inihiwalay ninyo ang sarili ninyo sa mundo, sa mga alalahanin ng mundo … at nagkakaroon kayo ng mga kaibigan na tulad ninyo ang paniniwala.”
Napukaw ang damdamin ni Elize Ungavetti ng Imus 2nd Ward matapos marinig ang karanasan ni Sister Lund na humingi ng tulong sa Ama sa Langit nang maligaw siya sa isang dayuhang lunsod. “Naniniwala ako na kapag nagdarasal tayo sa Panginoon kapag naguguluhan o naliligaw tayo,” pagbabahagi niya sa natutuhan niya mula sa kwento, “tutulungan Niya tayo, at gagabayan Niya tayo sa kung saan tayo dapat pumunta.”
HULYO 21 – CAMILING AT PANIQUI
Ipinadama ni Sister Lund sa mga kalahok mula sa Camiling Stake at Paniqui Stake na tila nasa tahanan sila sa pagtitipon nila sa FSY sa Crystal Waves Hotel and Resort sa Talavera, Nueva Ecija. “Pumupunta tayo sa FSY,” sabi niya, “at napaliligiran tayo ng mga taong katulad natin ang paniniwala.” At ang mas mahalaga, “dama nating ligtas tayo, at komportable tayo, at ang Espiritu ay may pagkakataon na mapasaatin at ipadama sa atin na “ito ang ating tunay na tahanan!”
Sina President Rodel Dolorfino ng Camiling Stake presidency at ang kanyang asawang si Sister Juliet Dolorfino ang session directing couple (SDC) para sa partikular na FSY na ito, at kapwa sila naantig ng kwento ni Sister Lund tungkol sa kanyang ninunong pioneer, isang kabataang babae na nagtulak ng handcart. Magtutulak siya hanggang sa mahimatay siya, at magtitipon ang mga kaibigan niya at magdarasal para sa kanya at makatatanggap siya ng sapat na lakas para patuloy na magtulak papunta sa Salt Lake Valley.
“Alam kong nabigyang-inspirasyon ang mga kabataan ng kwentong ito,” sabi ni Sister Dolorfino. “Kailangan nila ng mga kaibigan na tutulong at magdarasal para sa kanila habang nagsisikap silang ipamuhay ang ebanghelyo araw-araw.” Umaasa rin si President Dolorfino na makasusumpong ng katulad na lakas ang mga kabataan sa mga “hindi inaasahang pagkakataon” na sinabi ni President Lund na mararanasan nila sa buhay. “Ang Tagapagligtas ang ating huwaran upang sa mga hindi inaasahang pagkakataon, maipapakita natin ang ating tunay na pagkatao,” sabi niya. “Haharap tayo sa mahihirap na panahon sa ating buhay at pagkakataon ito para ipakita natin ang katangiang tulad ng kay Cristo.”
Ang mensahe ng mga Lund ay nagkaroon din ng epekto sa mga lider ng kabataan na naroon. “Talagang nagpapasalamat ako na dumalo sina President at Sister Lund sa aming FSY,” nakangiting sabi ni Brother Jhan-Jhan Agustin, na naglingkod bilang male coordinator sa aktibidad. “Nadama namin ang matinding pagmamahal ni President Lund para sa ating mga kabataan at para sa Tagapagligtas. Tunay siyang disipulo ni Cristo.”
PAGTANGGAP NG LAKAS SA PAMAMAGITAN NI CRISTO
Sa kanyang pakikisalamuha sa mga kabataan, ipinapangako sa kanila ni President Lund na kabisaduhin ang mga tema ng Aaronic Priesthood at Young Women: “Napakahalaga ng mga salitang iyon, hindi ba?”
Sa bawat aktibidad, binigyang-diin niya sa mga kabataan ang kahalagahan ng pag-alaala sa kung sino sila, at pag-iwas sa nakagugulong mga tinig ng mundo: “Ang mundo, ang kalaban, ay nais kayong kumbinsihin na kayo ay isang taong hindi talaga kayo. Nais ni Satanas na paniwalaan ninyo na kayo ay mas mababa sa kung sino kayo. Hindi niya gustong malaman ninyo na kayo ay anak ng Diyos.”
Sa pagtatapos niya ng isang mensahe, muling binalikan ni President Lund ang Tema ng Kabataan para sa 2023 sa pagbibigay-diin sa nakapagpapalakas na presensya ng Tagapagligtas. “Hindi Niya kayo iiwan kailanman,” pagbubuod niya, “maaaring magpasiya kayo na masyadong mahirap, maaari kayong lumayo sa Kanya, pero hindi Siya kailanman lalayo sa inyo. Kahit na lumakad kayo palayo, sasama Siya sa inyo.”