2023
Hayaan Mo Lang, at Makinig
Setyembre 2023


“Hayaan Mo Lang, at Makinig,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Set. 2023.

Hayaan Mo Lang, at Makinig

May plano akong makamit ang aking mga pangarap. Pero nang hinayaan ko ang mga ito at hinayaang gabayan ng Panginoon ang aking landas, pinagpala ako sa magagandang paraan.

tanawin

Paglalarawan ni Michael Mullan

Noong halos 17 anyos pa lang ako, lumipat ako sa San Francisco, California, USA, para mag-aral sa art school. Pinangarap ko na naging illustrator para sa Disney.

Sa kolehiyo, marami akong natutuhan bukod sa sining. Nalaman ko kung sino ako sa aking Ama sa Langit. Hindi na ako nakatira sa aming bahay. Hindi na ako ginigising ng mga magulang ko para isama ako sa simbahan tuwing Linggo. Walang makakaalam kung ipinamumuhay ko o hindi ang ebanghelyo. Pero alam kong kailangan ko Siya. Hinanap ko Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa phonebook. Nang pumasok ako sa gusali ng Simbahan at narinig kong tinutugtog ang “Buhay ang Aking Manunubos” (Mga Himno, blg. 80), napanatag ang kalooban ko. Natanto ko ang kahulugan ng ebanghelyo sa akin at kung ano talaga ang gusto ko.

Unahin ang Panginoon sa Iyong Buhay

Sa puntong iyon, gusto kong isali ang aking Ama sa Langit sa lahat ng ginagawa ko. Halimbawa, nagsimula akong magtanong sa Kanya kung ano ang palagay Niya tungkol ang mga plano ko sa aking propesyon at kung saan ako dapat naroon. Habang nagdarasal ako at itinatanong ang mga bagay na ito, nadama ko na kailangan akong mapunta sa ibang lugar.

Medyo nalungkot ako. Itinakda ko ang lahat ng pangarap ko at nagtuon na sa aking plano. Akala ko alam ko kung saan ako dapat pumunta at ano ang gagawin ko. Pero ngayon, alam ko na gusto kong unahin ang Panginoon sa buhay ko, at mas mahalaga iyan sa akin kaysa anupaman. Kahit alam ko na maaaring iba ang landas ko sa naisip ko noon, nadama ko ang pagmamahal Niya sa akin, at nagtiwala ako sa Kanyang karunungan.

Inakay ako tungo sa Brigham Young University–Idaho at Brigham Young University sa Provo, Utah, para tapusin ang aking mga illustration degree. Bago nagtapos ng pag-aaral, nakatanggap ako ng internship sa isang lokal na game studio. Makalipas ang mga isang taon, matapos akong matanggap nang full-time, ang studio ay hindi inaasahang binili ni Disney, na naghatid ng mga bagong oportunidad at pag-unlad.

Kapag kinalimutan mo ang inaakala mong kailangang mapasaiyo, pagpapalain ka ng Panginoon sa tamang panahon ng bagay na tunay na magpapaligaya sa iyo. Hindi mo alam kung saan ka dadalhin ng Panginoon. Basta hayaan mo lang, at makinig.

Unahin ang mga Bagay na Dapat Unahin

Habang nag-aaral, kinailangan kong balansehin ang mga klase at takdang-aralin at mga responsibilidad sa Simbahan. Kinailangan kong isipin kung ano ang mga prayoridad ko. Bibisita ba ako sa mga tao para mag-minister sa kanila, o mag-aaral ako para sa test na ito? Babasahin ko ba ang aking mga banal na kasulatan ngayon, o tatapusin ko ang assignment na ito?

Sa tuwing inuuna ko ang Panginoon at ginagawa ang ipinagagawa Niya sa akin, laging nagiging maayos ang lahat, at ang ilan pa. Palagi Niyang tinutupad ang Kanyang mga pangako. Kapag inuuna natin ang Panginoon, lahat ng iba pang bagay ay malalagay sa tamang lugar.

Nang pumasok ako sa graduate school, naharap ako sa gayon ding mga pagpili. Ako ang ward Young Women president noon. Isang araw kinailangan kong pumili sa pagitan ng pag-aaral para sa isang exam at pagtulong sa mga kabataang babae na magplano ng isang aktibidad. Sumama ako sa mga kabataang babae. Sa natitirang oras ko, nagdasal ako at nag-aral sa abot ng makakaya ko. Kahit paano ay nakapasa ako sa exam, at mas mataas pa ang mga grade ko kaysa inasahan ko.

Hayaang Siya ang Gumabay sa Iyo

Gagabayan ka ng Ama sa Langit. Mahal ka Niya at alam Niya kung nasaan ka na. Alam Niya talaga kung ano ang magpapala sa iyo nang husto at kailan.

Sa buhay ko, nagbago, nang kaunti, ang mga bagay-bagay. Pero naroon Siya sa lahat ng panahon. Nang sundin ko ang Kanyang paggabay sa akin, naging maganda ang mga bagay-bagay. Hindi sa paraan na inasahan ko, pero maganda.

Gusto Niyang maging bahagi ng ating mga buhay. Kung hahayaan natin Siyang pumasok sa ating buhay, may magagandang sorpresa na naghihintay sa bawat isa sa atin. Ano pa ang inilalaan Niya para sa iyo na hindi mo nakikita?