“Kumonekta,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Set. 2023.
Kumonekta
Sisekelo Q.
15, South Africa
Palagi kong ipinagdarasal ang tagumpay at kapakanan ng aking pamilya. Pero may ilang bagay na hindi pa natutupad na gaya ng inaasahan ko. Nagsimula akong mag-isip kung naririnig ng Diyos ang aking mga dalangin. Habang lumalala ang kawalang-katiyakan ko, hindi na ako gaanong nagdasal. Naisip ko, “Bakit dapat akong magdasal kung wala naman akong nadarama?”
Pero isang araw, natanto ko na pinagdududahan ko ang Diyos. Noon pa man ay Siya na ang aking Ama sa Langit, ang aking pinakamalaking suporta at lakas. Nagsimula akong umiyak. Pag-uwi ko nang araw na iyon, lumuhod ako para magdasal dahil dama kong naliligaw ang aking espiritu at damdamin.
Matapos magdasal, nakadama ako ng kapanatagan, sigla, at pagmamahal. Alam ko na kasama ko Siya. Alam ko na nakikita ng Ama sa Langit ang ating mga paghihirap at naririnig ang ating mga pagsamo. Mula nang araw na iyon, naunawaan ko na may malalaking plano Siya para sa aking pamilya—mga plano na nangangailangan ng Kanyang takdang panahon at ng aking pagtitiyaga.