“Mula sa mga Sulat tungo sa mga Live Stream,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ago. 2023.
Paghahanda para sa Pangkalahatang Kumperensya
Mula sa mga Sulat tungo sa mga Live Stream
Malaki na ang iniunlad ng komunikasyon mula sa mga lider ng Simbahan, pero ganoon pa rin ang mga layunin.
Halos 2,000 Taon na ang Nakalipas
Habang Siya ay narito sa lupa, itinatag ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan. Matapos mabuhay na muli ang Tagapagligtas at umakyat sa langit, pinamunuan ng Kanyang mga Apostol ang Simbahan nang may awtoridad, paghahayag, at inspirasyon na ibinigay Niya sa kanila.
Sa mga panahong iyon, madalas makipag-ugnayan ang mga lider ng Simbahan sa mga miyembro ng Simbahan sa iba’t ibang lugar sa pamamagitan ng mga sulat (mga liham).
Ang Bagong Tipan ay naglalaman ng mga sulat nina Pablo, Pedro, Juan, Santiago, at Judas. Ang mga liham na ito ay isinulat ng kamay, inihahatid nang personal, kinopya ng kamay, at binasa nang malakas.
Ang mga lider na ito ng Simbahan ay madalas na may parehong mga layunin sa pagsulat ng mga liham na ito. Hinangad nilang:
-
Magpatotoo at ituro ang ebanghelyo ni Jesucristo.
-
Manghikayat, magbigay-inspirasyon, at magpasigla.
-
Magpapaalala tungkol sa mga kautusan at mga tipan.
-
Bigyan ng kalutasan ang kasalukuyang mga hamon.
-
Magbabala tungkol sa mga panganib.
-
Itama ang anumang mali na maaaring nakapasok sa Simbahan.
-
Pagkaisahin ang Simbahan.
Ngayon
I-fast-forward nang halos 2,000 taon at makikita mo na marami nang nagbago, pero pareho pa rin ang ilang bagay.
Ipinanumbalik ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan sa lupa, at muli, mayroong mga propeta at apostol na mamumuno rito. Pero simula noong panahon ng mga sulat, malaki na ang iniunlad ng teknolohiya sa komunikasyon—mula sa printing press ay naging radyo, naging telebisyon at naging internet.
Ang mga lider ng Simbahan ay makapagbibigay na ngayon ng mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya para sa buong Simbahan nang sabay-sabay. Ipinadadala pa ito sa satellite at naka-live stream online sa ilang mga wika nang sabay-sabay. Sa loob ng ilang araw, ang teksto ay naka-post online sa ilang wika, at ang naka-print na bersyon ay ipinapadala sa iba’t ibang panig ng mundo.
Habang naghahanda ka para sa parating na pangkalahatang kumperensya, maaari mong isipin ang mga sulat na iyon sa Bagong Tipan. Iba iba ang mga panahong iyon, at talagang kaiba ang mga teknolohiya. Pero ginagampanan pa rin ng mga mensahe sa kumperensya ang mga pangunahing layunin. Habang nararanasan mo ang mga mensahe sa kumperensya, maaari mong isipin kung paano ang mga ito ay:
-
Magpatotoo at ituro ang ebanghelyo ni Jesucristo.
-
Manghikayat, magbigay-inspirasyon, at magpasigla.
-
Magpapaalala tungkol sa mga kautusan at mga tipan.
-
Bigyan ng kalutasan ang kasalukuyang mga hamon.
-
Magbabala tungkol sa mga panganib.
-
Itama ang anumang mali na maaaring nakapasok sa Simbahan.
-
Pagkaisahin ang Simbahan.