“Maaari Akong Manatili sa Loob ng mga Linya,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Set. 2023.
Magagawa Ko ang Lahat ng Bagay sa Pamamagitan ni Cristo
Ibinahagi ng mga kabataan kung paano sila napalakas ni Cristo na gawin ang mahihirap na bagay (tingnan sa Mga Taga Filipos 4:13).
Kaya Kong Manatili sa Loob ng mga Linya
Mula nang sumali ako sa takbuhan, naging pangarap ko na ang lampasan ang rekord ng paaralan sa mile run o pagtakbo ng milya. At sa pagtatapos ng panahong ito tinakbo ko ang milya nang saktong limang minuto, na nakatalo sa rekord nang mahigit tatlong segundo.
Gayunman, kinabukasan, nalaman namin na hindi nabilang ang milya ko. Ipinaliwanag ng mga opisyal na tumapak ako nang tatlong beses sa loob ng track, na dahilan kaya nadiskuwalipikado ako sa takbuhan. Iginiit ng coach ko na tumapak ako sa labas dahil itinulak ako ng isa pang runner. Sinabi ng opisyal, “Maaaring hindi niya kasalanan na itinulak siya palabas, pero kasalanan niya na masyado silang malapit sa linya.” Umalis ako na pakiramdam ko ay mali ang ginawang pagbawi sa tagumpay ko.
Nang sumunod na Linggo sa klase ng Young Women, pinanood namin ang isang video na nagkumpara sa pananatili sa loob ng mga linya sa isports sa pagsunod sa mga kautusan.1 Sa buong lesson na nakaupo ako roon, nagalit ako sa paalala na nabigo ako.
Kinabukasan habang tumatakbo ako sa track, tumingin ako at napansin ko na tumatakbo ako sa loob na linya. At paminsan-minsan, tumatapak ako sa loob, tulad ng sinabi ng opisyal. Agad akong tumigil sa pagtakbo, na nakadama ng pagpapakumbaba. Naging komportable ako sa lugar kung saan ako tumatakbo kaya hindi ko na nakita ang mga panganib dito.
Mabuti na lang, nabigyan ako ng pangalawang pagkakataon pagkaraan ng ilang linggo. Lumayo ako sa linya sa gitna at nalampasan ko ang rekord ng paaralan, sa pagkakataong ito habang nananatili sa hangganan.
Dahil sa karanasang iyon, naisip ko kung gaano kalapit ang linyang tinatakbo ko sa ilan sa mga kautusan. Pero dahil kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, lagi akong binibigyan ng isa pang pagkakataon kapag nagsisisi ako.
Pagdating sa mga kautusan, dapat tayong lumayo sa linya at gawin ang lahat ng ating makakaya para manatili sa takdang hangganan. Pero nagpapasalamat ako na kapag nagkakamali tayo, tinutulutan tayo ng Tagapagligtas na magsisi at sumubok muli.
Raygan P., Utah, USA