2023
Tatlong Aral mula kay Joseph Smith Noong Tinedyer Siya
Setyembre 2023


“Tatlong Aral mula kay Joseph Smith Noong Tinedyer Siya,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Set. 2023.

Tatlong Aral mula kay Joseph Smith Noong Tinedyer Siya

Tingnan kung ano ang matututuhan mo mula sa mga karanasan ng Propeta 200 taon na ang nakalipas.

binatilyo

Nadama mo na ba na mahirap makaugnay sa mga tao noon? Napakatagal na nilang nabuhay—matuturuan ba talaga nila kayo ng anumang bagay tungkol sa inyong buhay? Oo! Si Joseph Smith ay isang magandang halimbawa. Noong siya ay 18 taong gulang, natutuhan niya ang ilang bagay tungkol sa pagtanggap ng mga sagot sa panalangin at sa kanyang kaugnayan sa kanyang Ama sa Langit. Ang mga aral na iyon ay makatutulong sa iyo ngayon.

Lesson #1: Kung minsan kailangan ng panahon para makakuha ng mga sagot.

Ang mga sagot sa panalangin ay hindi palaging dumarating kaagad. Hindi madaling maghintay—lalo na kapag may mabilis na mga sagot sa internet sa halos lahat ng tanong.

Kung pakiramdam mo ay matagal bago ka sagutin ng Diyos, hindi ka nag-iisa. Si Joseph Smith ay 12 taong gulang nang simulan niyang pag-isipan “ang lahat ng mahalagang alalahanin para sa kapakanan ng kanyang imortal na kaluluwa.”1 Nakipagbuno siya sa mga tanong tungkol sa kanyang pagiging karapat-dapat at sa kasamaan ng mundo sa sumunod na dalawang taon. Inabot ng dalawang taon ng pagninilay, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at pagkakaroon ng gayong mga tanong bago nagpakita sa kanya ang Diyos at si Jesucristo sa Sagradong Kakahuyan.

Gayundin sa atin. Kapag may mga tanong tayo, maaaring tumagal ito ng mga araw, buwan, o maging ng ilang taon bago tayo makatanggap ng sagot. At OK lang iyon. Ang paggawa natin habang naghihintay ay mahalaga. Alalahanin ang itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Dapat pangalagaan ang binhi at kailangan nating hintayin na mahinog o tumanda ito.”2

Si Joseph Smith na binabasa ang sulat ni Santiago

Lesson #2: Kilala tayo ng Diyos sa pangalan.

Bago siya nag-18 taong gulang, dinalaw si Joseph ng Diyos Ama, ni Jesucristo, at ng anghel na si Moroni. Ang galing! At alam ng lahat ng mga banal na nilalang na ito ang pangalan ni Joseph. Kilala Nila siya nang personal!

Personal ka ring kilala ng Diyos. Ikaw ay Kanyang anak at alam Niya ang pangalan mo. Itinuro ng Diyos ang katotohanang ito tungkol sa Kanyang mga nilikha: “Lahat ng bagay ay bilang sa akin, sapagkat sila ay akin at kilala ko sila” (Moises 1:35).

Bahagi ng dahilan kung bakit may tiwala si Joseph na gawin ang ipinagagawa sa kanya ay nauunawaan niya na siya ay anak ng Diyos, na personal na nakakakilala sa kanya.

si Joseph Smith sa Sagradong Kakahuyan

Lesson #3: Kapag tayo ay nagsisisi, binubuksan natin ang ating sarili sa mga espirituwal na karanasan.

Isa sa mga pangunahing motibasyon ni Joseph sa pagpunta sa Sagradong Kakahuyan ay para pagsisihan ang kanyang mga kasalanan. Iyan din ang dahilan kung bakit siya nanalangin noong gabing nagpakita sa kanya ang anghel na si Moroni: “para sa kapatawaran ng lahat ng kanyang mga kasalanan at kahangalan” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:29). Dalawang bagay ang itinuturo nito sa atin:

Una, kung nakagawa tayo ng mga pagkakamali, hindi natin dapat isipin na hindi tayo na karapat-dapat na manalangin. Nakagawa si Joseph ng “mga kasalanan at kahangalan,” pero alam pa rin niya na maaari siyang manalangin at makatanggap ng kapatawaran.

Pangalawa, kapag nagsisisi tayo, mas madarama natin ang Espiritu. Tulad ng ipinaliwanag ni Elder Jörg Klebingat ng Pitumpu, “Nadaragdagan ang espirituwal na tiwala kapag ikaw ay kusang-loob at masayang pinagsisisihan ang iyong mga kasalanan.”3

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na ang pagsisisi ay tumutulong sa atin na maging higit na katulad ng Tagapagligtas. Kapag nagsisisi tayo, binubuksan natin ang mga pintuan ng langit. “Pinipili nating umunlad sa espirituwal at magkaroon ng kagalakan—ang kagalakan na matubos Niya.”4

Kaya kung kailangan mong pagsisihan ang isang bagay, gawin ito! Hindi lamang ito magdudulot sa iyo ng kapayapaan at tutulong sa iyo na maging higit na katulad ng Tagapagligtas, kundi tutulungan ka rin nitong madama ang Espiritu nang mas matindi at makatanggap ng mga sagot sa mga panalangin.

Si Joseph Smith ay maaaring matagal nang nabuhay, pero ang mga aral na natutuhan niya noong tinedyer siya ay makakatulong pa rin sa iyo ngayon. Isa lang ito sa mga dahilan para magpasalamat para kay Propetang Joseph Smith.