“Paano Ka Maghahanda para sa Pangkalahatang Kumperensya,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Set. 2023.
Paghahanda para sa Pangkalahatang Kumperensya
Paano Ka Maghahanda para sa Pangkalahatang Kumperensya
Maraming natutuhan ang mga kabataang ito sa pangkalahatang kumperensya. Paano ka makapaghahanda na magkaroon ng makabuluhang karanasan?
Gusto Kong Sundin ang Propeta
Inihanda ko ang sarili ko para sa pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2022 sa pamamagitan ng pagbabasa tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo na nasa Aklat ni Mormon at sa Lumang Tipan.
Sa kumperensya, nagsalita si Pangulong Russell M. Nelson sa atin at nagpatotoo tungkol sa kahalagahan ng templo.1 Sa templo, ipinapangako ang mga walang-hanggang pagpapala, at nadarama ang magandang espiritu kapag pumupunta kayo roon.
Wala pang templo sa Nicaragua, pero may isa nang ibinalita. Sana ay mapakinggan ko ang mga salita ni Pangulong Nelson at makapunta sa templo kapag natapos na ito.
Habang nanonood ako ng kumperensya, nadama ko na nagpapatotoo ang Espiritu na nasa tamang lugar ako. Pakiramdam ko ay napuspos ang puso ko ng pag-ibig ng Diyos.
Carlos M., Nicaragua
Ang Paggaling ay Para sa Lahat
Bago ang pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2022, pinagnilayan ko ang mga bagay na nangyari kamakailan sa buhay ko. Maraming bagay ang gumugulo sa isipan ko bago sumapit ang kumperensya, at gusto kong makadama ng kapanatagan, kapayapaan, at lakas.
Sa kumperensya, sinabi ni Elder Quentin L. Cook ng Labindalawang Apostol, “Dahil sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, ang paggaling ay para sa lahat.”2
Ang mga salitang iyon ay nagbigay sa akin ng kapayapaan at pag-asa. Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, kapag nakakagawa ako ng mga pagkakamali at maling pagpili, maaari akong mapatawad at makadarama ng kapayapaan. At anuman ang sakit na nararamdaman ko, maaari akong mapagaling. Madarama nating lahat ang kapayapaan at paggaling na iyon kapag pinagsisihan natin ang ating mga kasalanan at nagsikap na maging mas mabuti sa araw-araw.
Kaye D., Pilipinas
Ang Iyong Paghahanda sa Kumperensya
Mag-ukol ng ilang minuto para maghanda para sa kumperensya, at magkakaroon ka ng mas magandang karanasan. Kaya, paano ka maghahanda? Magsimula sa pagsulat ng iyong mga tanong! Pag-isipang mabuti ang iyong mga tanong habang nanonood ka, at magugulat ka kung gaano kadalas na tila kinakausap ka nang tuwiran ng mga nagsasalita.