“Oras Para Magsayaw,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Set. 2023.
Oras para Magsayaw
Nagalak ang mga kabataang ito sa pamamagitan ng pagdaig sa takot at pagbabahagi ng kanilang mga talento sa iba.
Ang labing-apat na taong gulang na sina Emo’onahe Y. at Jax C. ay may isang pagkakatulad: kapwa sila mayroong mga dance routine sa isang FSY conference variety show sa Provo, Utah.
Ang pagsayaw pa lang sa harap ng libu-libong kabataan ay hindi madali para sa kahit sino sa kanila. Pero nang hangarin nilang paunlarin at ibahagi ang kanilang mga talento, nakatanggap sila ng paghahayag at nagawa nilang umunlad sa mga paraang nakatulong sa kanila na “maging lalong katulad ni Jesucristo, at gawing mas mabuti ang kanilang sarili, ang ibang tao, at maging ang mundo” (Pansariling Pag-unlad: Gabay na Aklat para sa mga Kabataan [2019], 1).
Hoop Dancing kasama si Emo’onahe
Nagpasiya si Emo’onahe (eh-moh-oh-nah) na ibahagi ang kanyang talento sa hoop dancing, na bahagi ng kanyang kultura bilang Katutubong Amerikano. “Sinabi ng isa sa mga kaibigan ko na nagpunta sa FSY na mayroon silang talent show at dapat akong magtanghal,” sabi niya.
“Medyo kinakabahan ako noon, kaya sinikap kong huwag pansinin ang mga tao.” Pero parang mahirap na hindi ko sila pansinin! “Naririnig ko na naghihiyawan ang lahat,” sabi niya. “Ang lakas ng hiyawan nila kaya halos hindi ko marinig ang musika, kaya halos hindi ako makasunod sa tugtog!”
Nagsikap si Emo’onahe na maging magaling sa hoop dancing. Sabi niya, “Talagang kinailangan kong pag-aralan iyon.” Pero nang lalo siyang nagsanay, lalo niyang nalaman ang tungkol sa kanyang sarili.
Pagkukuwentong may Talento
Ang hoop dancing ay isang uri ng personal na pagkukuwento. “Mag-uumpisa ka sa isang hoop na kumakatawan sa iyong simula, at pagkatapos ay patuloy kang magdaragdag ng mga hoop para ipakita ang iba pang bagay tungkol sa iyong buhay. Sa pagtatanghal ko, makikita ninyo ang isang paru-paro, isang agila, at isang cowboy,” sabi ni Emo’onahe. “Kapag nagkukuwento ako, pakiramdam ko ay nagkukuwento ako tungkol sa mga natutuhan ko mula sa mga karanasan ko.”
Si Emo’onahe ay mula sa mga tribong Cheyenne at Arapahoe ng Oklahoma, at isa ring Fort Peck Sioux at Assiniboine. Sabi niya, “Dati dama kong kaiba ako sa lahat,” at kung minsan “hindi ako komportable dahil doon.” Pero tanggap sa hoop dancing ang indibiduwalidad. Bawat mananayaw ay lumilikha ng sarili nilang choreography, at “iyan ang dahilan kaya kakaiba at personal ito sa iyo,” sabi niya.
Maaaring Makapagpalakas ang mga Talento
Dama ni Emo’onahe na mas malapit siya sa Diyos kapag siya ay nagdarasal, nagbabasa ng mga banal na kasulatan, at nagsisikap na sundin si Jesucristo. Nadarama rin niya na mas malapit siya sa Diyos habang sinisikap niyang pag-igihin ang kanyang mga talento. “Tuwing dinadampot ko ang aking mga hoop at nagsasayaw, nakadarama ako ng kagalakan.” Iminumungkahi niya: “Hanapin ang mga bagay na mahal mo at maghanap ng mabubuting tao na tutulong sa iyo para magamit mo ang iyong mga talento para mapalakas ang iyong sarili at ang iyong kapwa. Ang paglilingkod sa iba ay makakatulong sa iyo na mapalakas ang iyong patotoo kay Jesucristo.”
Irish Dancing kasama si Jax
Kabadong-kabado si Jax sa pagtatanghal ng kanyang talento, ang Irish dancing, sa FSY variety show. “Talagang takot na takot ako noon. Gaya ng takot na kasama ko ang mga ahas sa hukay,” sabi niya. “Nagdasal ako nang kaunti bago ako umakyat doon. Takot pa rin ako, pero pinatugtog na ang musika. Nagkunwari ako na walang tao roon. At nagsimula lang akong magsayaw.”
Tumalon-talon si Jax at iginalaw ang kanyang mga binti sa tradisyunal na paraan ng Irish. Pero nang makita nila ang masayang mukha ni Jax, marahil ay hindi mahuhulaan ng karamihan sa mga tao na mahirap ang makarating doon.
Pagkakaroon ng Talento para Makatulong sa Pagharap sa Stress
“Noong 2020 talagang na-stress ako at halos nagtangkang magpakamatay,” sabi ni Jax. “Isang buwan ako sa isang mental health hospital. Nalaman ko na nagkaroon ng pamamaga ang utak ko noong bata pa ako at nalaman ko na autistic ako. Ang hirap talaga niyon.”
Nang makatanggap si Jax ng panggagamot para sa kalusugan ng kanyang pag-iisip, hinikayat siya ng kanyang ina na humanap ng pisikal na outlet o mapaglalabasan para makatulong sa pagharap sa kanyang stress. Nagpasiya siyang maghangad ng personal na paghahayag tungkol sa maaari niyang gawin.
“Ipinagdasal ko ito at humingi ako ng tulong,” sabi niya. “At naalala ko na nagtuturo ng Irish dance ang tita ko. Kaya sinimulan ko kaagad ang klase bago ang aming malaking palabas sa Pasko. Kinailangan kong matutuhan ang mga limang sayaw sa loob ng dalawang linggo, kaya masaya iyon,” pagbibiro ni Jax. Hindi nagtagal, naging malaking pagpapala ang Irish dance sa kanyang buhay. “Talagang nakatulong ito sa pagharap ko sa stress at madidilim na damdamin,” sabi niya.
Pagbabahagi ng Kanyang Talento
Sa FSY, tinanong si Jax ng kanyang grupo kung mayroon siyang talentong maibabahagi sa variety show. Kaya sumayaw siya sa tabi ng daan para sa kanila. Nang sabihin nila sa kanya na dapat siyang magtanghal, ang unang naisip ni Jax ay, “Hala, hindi.” Pero nagpasiya siyang ibahagi ang kanyang talento kahit natatakot siya.
Ngayong nakita na ni Jax ang mga video ng kanyang pagtatanghal sa FSY, hindi niya mapigilan ang pagtawa. “Talagang hindi ako makangiti sa unang bahagi,” sabi niya. “Pero nagsimulang mag-cheer ang mga tao, at nagsimula akong ngumiti.”
Para sa mga kabataang nahihirapan, ito ang payo ni Jax: “Mas mabuting kausapin ang isang tao tungkol dito kaysa itago ito tulad ng ginawa ko. Kilala ka ng Panginoon, at nariyan Siya para sa iyo. Nais ng Panginoon na tulungan ka.”
Sa kabuuan, nadarama ni Jax na ang pag-aaral ng Irish dance ay isang pagpapala mula sa Ama sa Langit.
Ikaw ay Kakaiba
Hindi mo alam—na kapag bumaling ka sa Panginoon, baka mabigyan ka ng inspirasyon na linangin ang isang bagong talento.
Tulad nina Emo’onahe at Jax, matutulungan ka ng Espiritu Santo na makilala ang iyong mga talento. Habang pinauunlad mo ang mga talentong ito at ibinabahagi ang mga ito, makakahanap ka ng tulong habang nagsisikap kang maging lalong katulad ng Tagapagligtas.
Anong mga talento ang maaari mong paunlarin at ibahagi?