“Nadaramang Nahihirapan, Nababalisa, o Nalulungkot?,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Set. 2023.
Tulong sa Buhay
Nadaramang Nahihirapan, Nababalisa, o Nalulungkot?
Narito ang ilang bagay na maaari mong gawin tungkol dito.
Ang Stress Test
Gaano ka kalungkot o ka-stress?
Kung nararanasan mo ang kawalan ng pag-asa, panic, o pangmatagalang depresyon o pagkabalisa, mangyaring humingi ng tulong sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa isang mapagkakatiwalaang adult. Maaari mo ring subukan ang ilang tip sa dilaw na bahagi (lalo na ang mga pangunahing alituntunin!), pero kung minsan ay maaaring kailangan mo ng karagdagang tulong, at OK lang iyan.
Kung parang gusto mong magpakamatay, humingi ka kaagad ng tulong. Kontakin ang iyong lokal na emergency help line, pulisya, o ospital.
Normal lang na mag-alala, malungkot, o ma-stress kung minsan. Ang mga damdaming ito ay kadalasang dulot ng mga sitwasyon sa buhay at dumarating at nawawala rin sa pagbabago ng buhay. Subukan ang ilang payo na makakatulong!
Mga Bagay na Mahalaga
-
Lumapit sa Ama sa Langit. Dinirinig at sinasagot Niya ang iyong mga panalangin. Tutulungan ka Niyang harapin ang mga hamon na dumarating sa iyong buhay.
-
Magpokus kay Jesucristo. “Ang kagalakang nadarama natin ay halos walang kinalaman sa mga sitwasyon natin sa buhay kundi sa pinagtutuunan natin ng pansin sa buhay.”1
-
Maglingkod sa kapwa. “Kapag kinalimutan natin ang ating sarili sa paglilingkod sa iba, natutuklasan natin ang sarili nating buhay at kaligayahan.”2
-
Panatilihing malusog ang iyong espiritu. Basahin ang mga banal na kasulatan araw-araw, dumalo sa templo hangga’t maaari, tumanggap ng sakramento, tuparin ang iyong mga tipan, at magsisi araw-araw. Humingi ng basbas ng priesthood kapag kailangan mo ito.
-
Panatilihing malusog ang iyong katawan. Matulog nang sapat at mag-ehersisyo, at sundin ang Word of Wisdom.
Kung Nababalisa Ka
-
Magpokus sa ngayon. Hindi nakakatulong ang mag-alala tungkol sa hinaharap o ma-stress tungkol sa nakaraan. Ang kasalukuyan ang tanging maaari mong baguhin.
-
Mag-ukol ng oras para magrelaks. “Sapagkat hindi kinakailangan na ang tao ay tumakbo nang higit na mabilis kaysa sa kanyang lakas” (Mosias 4:27).
-
Mag-isip nang positibo. Ang mga negatibong damdamin ay maaaring maging sanhi ng mga negatibong kaisipan. Ang pag-iisip nang positibo ay makatutulong sa iyo na hindi gaanong matakot o mag-alala.
Kung Malungkot Ka
-
Dapat mong malaman na ang mga pagsubok ay bahagi ng plano. Ang pagdanas ng mahihirap na sitwasyon ay hindi nangangahulugan na may ginagawa kang mali. Magtiwala na palalakasin ka ng Ama sa Langit at ang mga hamon sa iyong buhay ay magkakalakip na gagawa para sa iyong ikabubuti (Doktrina at mga Tipan 90:24; tingnan din sa Mga Taga Roma 8:28; Doktrina at mga Tipan 122:5–9).
-
Magpokus sa pagpapasalamat. Isulat ang mga bagay na ipinagpapasalamat mo sa bawat araw, at tiyaking pasalamatan ang Ama sa Langit (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 98:1).
-
Gawin ang mga bagay na ikinasisiya mo. Mag-ukol ng oras sa mga kaibigan at kapamilya, sumubok ng bagong libangan, makinig sa nakasisiglang musika, o magplano ng masayang aktibidad.
Kung Hindi Mo Nadarama na Sapat na ang Iyong Kabutihan
-
Dapat mong malaman na hindi mo kailangang maging perpekto. “Ang pagiging perpekto sa buhay na ito ay ‘nakapending’” pa rin.3 Huwag ikumpara ang iyong sarili sa iba, sa tunay na buhay o sa social media.
-
Kausapin nang positibo ang iyong sarili. Maging mabait sa iyong sarili, tulad ng gagawin mo sa isang kaibigan. Ang Espiritu Santo ay mangungusap din sa iyo nang buong kabaitan at hinding-hindi ka kukutyain o hahamakin.
-
Dapat mong malaman na ang Tagapagligtas ang bahalang magpuno sa kung ano man ang kulang. Si Jesucristo ay namatay para sa ating mga kasalanan at dinala sa Kanyang sarili ang ating mga pasakit, karamdaman, at kahinaan (tingnan sa Alma 7:11–12). Kung tayo ay mapagpakumbaba, nangako Siya na “gagawing malakas ang mahihinang bagay” (Eter 12:27). Maaaring hindi sapat ang ating kabutihan sa ating sarili, pero maaaring maging sapat ang ating kabutihan sa Kanya.
Katapusan
Malamang na mayroong maraming araw kung kailan makadarama ka ng kumpiyansa at handa kang harapin ang mga hamon ng buhay. Gaano man kaganda ang pakiramdam mo, tiyakin na patuloy mong ginagawa ang mga pangunahing bagay.
Manalangin sa Ama sa Langit—kahit kapag madali ang buhay. Magtuon sa ginawa ng Tagapagligtas para sa iyo at sa Kanyang buhay at mga turo—kahit kapag maganda ang takbo ng mga bagay-bagay. Pagkatapos kapag nararanasan mo ang mahihirap na emosyon, magiging mas handa kang harapin ang mga ito.